Thursday, December 29, 2011

Buhay na Titik: Universal ang Copyright

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS



Universal ang Copyright



Ayon sa Universal Declaration of Human Rights (Article 27:2)



Lahat ay may karapatan na mabigyang-proteksiyon ang kapakanang moral at materyal bunga ng alinmang produksiyong pang-agham, pampanitikan, o pansining na siya ang may-akda.



Ang human rights ay universal. Ibig sabihin, lahat ng tao sa lahat ng sulok ng mundo ay pantay-pantay, may angking dignidad, may laya, at may mga karapatan.



Dahil universal ito, lahat ng gobyerno ay may tungkulin na ipatupad ito sa kanilang mga bansa at i-promote ang pag-aaral at pagrespeto sa mga ito.



Paano ang copyright? Wala naman ang salitang ito sa UDHR.



Totoong wala ang salitang copyright sa UDHR dahil ito ay isang legal term o salitang nilikha para madaling maintindihan ang batas. Pero nakapaloob sa Artikulo 27.2 ang laman ng copyright.



Ano ang copyright? Ito ay ang karapatan ng mga may-akda na mabigyang-proyeksiyon ang kanilang mga kapakanang moral at materyal.



Saan nagmumula ang mga kapakanang moral at materyal? Ito ang bunga ng mga produksiyong (gawa o akda) pang-agham, pampanitikan, o pansining.



Kapakanang moral? E, ano naman ang implication nito? Ibig sabihin ang may-akda, ay may moral na kapakanan sa isinulat niyang nobela. Siya lang ang may karapatang magsabi kung pangalan nga niya ang ilalagay bilang tagapaglikha ng akda. Puwede rin siyang gumamit ng pen name, kung gugustuhin niya. Walang puwedeng magdesisyon tungkol dito kundi ang may-akda.



Kapakanang materyal? E, ano naman ito? Ibig sabihin, ang may-akda lang ang may karapatan sa kikitain mula sa kanyang nobela. Dahil siya ang may karapatan, nasa kanya rin ang kapangyarihan na ilipat ito sa publisher para i-publish ang nobela niya. At ang kasunduan ng may-akda at publisher ay nagiging formal sa pagpirma nila sa isang kontrata. Sa kontrata nakasaad kung papaano ang hatian ng royalty, mga future version o anyo ng nobela at marami pang iba.



Ganito rin ang siste para sa mga nagsulat ng librong pang-agham, o sa taong nagpinta ng landscape, o sa taong nag-sculpture sa marmol.



At dahil kasali sa UDHR ang kapakanang moral at materyal ng may-akda o copyright, ito ay universal din tulad ng human rights.



Ibig sabihin, lahat ng may-akda sa lahat ng sulok na mundo ay pantay-pantay, may angking dignidad, may laya at may mga karapatan. Hindi puwedeng ang mga Pinoy author lang ang bibigyang-proteksiyon ng gobyerno sa Pilipinas. Dapat lahat ng mga author.



Ganito rin ang siste sa ibang bansa tulad ng Singapore, Japan, o United Kingdom. Hindi puwedeng ang mga Singaporean, Japanese o British author lang ang bibigyang-proteksiyon ng kanilang gobyerno. Dapat lahat ng authors.



Hindi saklaw ng border o national boundaries ang human rights at copyright. Kasi nga universal ang human rights. Kasi nga universal din ang copyright.



Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment