Wednesday, December 7, 2011

Buhay na Titik: Ang Diktador at ang Karapatan ng mga Author

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS



Ang Diktador at ang Karapatan ng mga Author



Kahit kailan, hindi pa ako nakakakilala ng taong gustong mapasailalim sa isang diktador. Ayaw natin sa diktador na president, diktador na propesor, diktador na boss, diktador na empleyado (oo, meron no'n), o diktador na asawa.

Si Ferdinand Marcos ay ang diktador na pinabagsak natin at patuloy na kinamumuhian ng marami. Meron pa ngang naglagay ng bomba at nagpasabog sa higanteng bust niya sa La Union.

Ano kaya ang gagawin mo kapag nalaman mo na isa sa impluwensiya ni Marcos ay dala pa rin ng marami sa kanilang isip at gawa?

Noong 1977 ay inilabas ni Marcos ang Presidential Decree 1203. Ito ay ang compulsory licensing o reprinting ng mga librong madalas ginagamit sa mga schools.

Bilang diktador iniutos ni Marcos ang sapilitang pagpaparami ng kopya ng mga librong educational, scientific, at cultural. Ang mga reprint ay ibinibenta sa murang halaga. Walang nagawa ang mga author na may-ari ng copyright.

Pa-pogi points niya ito sa mga estudyante at aktibistang propesor. Syempre ang na-violate naman ay ang karapatan ng mga author.

Ginawa ito ni Marcos bilang “temporary or emergency measure” dahil mataas masyado ang presyo ng libro. At ayon sa PD 1203, mahal ang libro kapag lampas sa 35 pesos ang presyo nito.

Dahil sa utos ni Marcos, kaliwa’t kanan ang naging violation sa human rights ng mga author. Karapatan ng mga author ang copyright ayon sa Article 27.2 ng Universal Declaration of Human Rights.

Maraming publisher at photocopy shops ang yumaman sa pawis ng mga author. Naging gasgas na alibi kapag nagpa-photocopy ng mga libro ang “mahal kasi kaya pa-xerox na lang ako.”

Ito ang bukambibig ng marami, mapa-propesor at mapa-estudyante.

Noong 1995 ay naging batas ang Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines. Ayon sa RA 8293 ang PD 1203 ni Marcos ay wala nang bisa.

Kaya dapat ay respetuhin na ng lahat ang human rights ng mga author. Pero nangyayari ba ito?

Marami pa ring propesor at estudyante ang patuloy na yumuyurak sa karapatan ng mga author. Sinasabi nilang galit sila sa diktador, galit sila kay Marcos. Pero ang impluwensiya ni Marcos ay patuloy na dumadaloy sa kanilang isip at gawa.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment