Monday, August 30, 2010

FILCOLS @ Cebu

CEBUANO authors, literature teachers, scriptwriters and composers attended a seminar on intellectual property rights last Aug. 21 at the Turtle?s Nest on Gorordo Avenue, Cebu City.

The free seminar was organized by Bathalan-ong Halad sa Dagang Inc. (Bathalad) Cebu headed by Gen Mijares.

Check the rest of the article here

http://globalnation.inquirer.net/cebudailynews/community/view/20100902-290112/Bathalad-holds-seminar-on-intellectual-property

Thursday, August 26, 2010

Patent Para sa Industrial Designs

Buhay na Titik

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS



Ang mga likhang nagmula sa isip ng tao ay tinatawag na Intellectual Property o IP. Ang dalawang uri nito ay ang copyright at ang industrial property. Nakapailalim sa industrial property ang patent. Patent tawag sa karapatang ibinibigay ng gobyerno sa inventors at sa kanilang mga imbensiyon.

Kasama sa binibigyan ng patent ang industrial design. Ano ang industrial design? Ang industrial design ay kumbinasyon ng kulay, hugis, at texture na nagsisilbing pattern sa mga industrial products o handicrafts. Ito ang nabibigay ng kaaya-ayang anyo sa mga produkto.

Ang kakaibang anyong ito ng produkto ang siyang umaakit sa mga mamimili kung kaya’t nagiging mabenta ito sa merkado at nagiging isang commercial success.

Halimbawa ng industrial design ay ang hugis ng botelya ng Coke; anyo ng sikat na mga gadget na iPod, iPhone, at iPad; mga relong Swatch at TechnoMarine; mga rubber shoes ng Nike, Adidas, Bata, World Balance, Advan, at iba pa.

Ang hugis salagubang na Volkswagen ay isang matagumpay na produkto dahil sa kakaibang anyo nito. Ito ay itinuturing na icon sa larangan ng disenyo.

Noong 1933, nag-utos si Adolf Hitler na dapat gumawa ng sasakyan para sa masa si Ferdinand Porsche na siyang may-ari ng pagawaan ng mga kotse sa Germany. Isa sa mga pangarap ni Hitler ay magkaroon ang lahat ng mga Germans ng sasakyan. Maliban sa dapat ay mura ito, kundisyon din ni Hitler ay dapat na makakapagsakay ito ng ama at ina sa harap at tatlong anak sa likod. Agad kumilos si Porsche at inatasan ang kanyang chief designer na si Erwin Komenda na agad ring nakagawa ng disenyo ng sasakyan ng masa o sa wikang aleman ay volks (masa) at wagen (sasakyan). Taliwas sa mga kwento ukol sa Volkswagen, hindi si Hitler ang nagdisenyo nito.

Sa huling bilang, nakagawa ng halos 21 milyong Volkswagen. Maraming pamilya ang nakinabang dahil dito. Ang industriya na nalikha ng Volkswagen ay nagbigay ng mga trabaho sa mga nasa factories, sa mga suppliers, sa mga dealers ng kotse, at sa mga allied business na umusbong sa paligid ng Volkswagen success. Nagpalago ng kalakalan ng mga bansa sa mga makina, ilaw, kabilya, salamin, car seat, radiator, silinyador, preno, kambiyo, gulong, at iba pang piyesa upang mabuo o kaya ay makumpuni ang Volkswagen. Syempre, kasama na rin ang mga gumagawa ng pintura at ang industriya ng langis.

Naka-pagpaunlad ng maraming buhay at maraming bansa ang likha mula sa isip ng tao.
Ang isang disenyong hawig salagubang ay nakapagbigay ng mahahalagang gunita sa maraming tao. Ang Volkswagen ay siya ring inspirasyon ng mga aklat, mga pelikula, at mga awit.

Ang computer ay isa sa mga imbensiyong naka-apekto ng malaki sa ating buhay. Ang patent para sa layout design ng integrated circuits na matatagpuan sa mga computer ang tatalakayin natin sa susunod na isyu ng Buhay na Titik.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Thursday, August 19, 2010

Buhay na Titik: PATENT AT BAGONG MODELO O DISENYO

Buhay na Titik: PATENT AT BAGONG MODELO O DISENYO

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS

Patent Para sa Mga Munting Pagbabago sa Imbensiyon


Intellectual property o IP ang tawag sa mga likhang nagmula sa isip ng tao. Dalawa ang uri nito. Ang copyright at ang industrial property. Sa ilalim ng industrial property nakapailalim ang patent. Ang patent naman ay ang karapatang ibinibigay ng gobyerno sa inventors at sa kanilang mga imbensiyon. May dalawang uri ng imbensiyon: ang produkto at ang proseso. Ang mga imbensiyon na ito ay lumulutas sa mga problemang teknikal na kinakaharap ng tao.

Isang halimbawa ng produkto ay ang re-usable kabaong ni Antonio Andes, Sr. ng Taguig City. Halimbawa naman ng proseso ay ang imbensiyon ni Dr. Ramon Barba na pag-ii-spray ng tubig na may halong potassium nitrate sa mga puno ng mangga para mapabilis ang pamumulaklak ng mga ito.

Ang imbensiyong re-usable kabaong ni Andes ay may dalawang sangkap: kahoy na kabaong sa loob at bakal na kabaong sa labas. Ang bakal na kabaong ang nakikita ng mga naglalamay at bisita. At pagdating ng libing, ang kahoy na ataol ang siyang ipinapasok sa nitso. Presto! Ang bakal na kabaong ay puwede na uling magamit ng susunod na kustomer. (Maaari mo nang ipila ang biyenan mo for future availment ng produktong ito.)

Malaking tulong sa mahihirap ang ipinaaarkilang bakal na kabaong ni Andes dahil ang murang kahoy na ataol na lang ang kailangan nilang bilhin. Mas mura din ang pag-arkila ng bakal na kabaong kaysa bumili ng tradisyunal na kabaong. (Kaya talagang dapat mo nang ipila ang biyenan mo.)

Samantala, ang anak ni Andes na si Mary Ann ay nagdidisenyo ng iba’t ibang masasayang larawan sa bakal na kabaong. Mula rin sa malikhaing isip ni Andes ang isa pang inobasyon sa kanyang kabaong-for-rent ang paglalagay ng LCD screen at music player sa kabaong. Dito ay puwedeng magpalabas ng mga video ng yumao o kaya ay magpatugtog ng mga paborito niyang awit. Ang mga disenyo ni Mary Ann at ang added features na LCD at music player ay maliliit na pagbabago o inobasyon sa orihinal na imbensiyon at puwede pa ring bigyan ng proteksiyon ng gobyerno sa pamamagitan ng patent.

Ang iba pang binibigyan ng patent tulad ng industrial design, layout design ng integrated circuits, at mga bagong uri ng halaman ang tatalakayin natin sa susunod na isyu ng Buhay na Titik.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Thursday, August 12, 2010

Buhay na Titik: INDUSTRIAL PROPERTY AT SANGAY NA PATENT

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Patent Para sa Mga Imbensiyon

Ang intellectual property o IP ay mga tuklas o likhang nagmula sa isip
ng tao. Ang IP ay may dalawang uri: una ay ang industrial property
kung saan nakapaloob ang patent at trademark, at ikalawa, ang
copyright o karapatang-ari.

Patent ang tawag sa karapatang ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga
imbensiyon. Ito’y maaaring mga produkto o paraan na tumutulong para
malutas ang mga suliraning teknikal na kinakaharap ng mga tao.
Halimbawa ng produkto: ang washing machine. Ito ay imbensiyong
tumutulong para maibsan ang problema ng asawa mo sa tambak na labada.
Halibawa naman ng proseso: ang pagdidilig ng potassium nitrate sa mga
puno ng mangga ay imbensiyong tumutulong para maaga itong mamulaklak
at magbunga. Si Dr. Ramon Barba ang siyentipikong nakaimbento nito
noong 1960s.

Bago ang imbensiyon ni Dr. Barba, pinapausukan ang mga puno ng mangga
para mamulaklak ang mga ito. Maraming usok ang kailangan at matagal na
paraan ito. Mas madalas na maraming beses maluha ang mga nagpapa-usok
bago umusbong ang bulaklak ng puno. Dahil dito ay seasonal ang mangga
at kaunti lamang ang kita ng mga nagtatanim nito.

Sa pananaliksik ni Dr. Barba, nalaman niyang ang ethylene mula sa usok
ang siyang responsable sa pamumulaklak ng mga puno ng mangga. Para
mapabilis ang proseso ay kailangang balutin sa gas na ethylene ang
isang puno. Malaking problema ito.

Noon lumabas ang pagkamalikhain ni Dr. Barba. Nag-ekperimento siya sa
iba’t ibang kemikal hanggang madiskubre niya na ang pagdidilig ng 100
litrong tubig na hinaluan ng isang kilong potassium nitrate ay sapat
na para mapabulaklak ang puno sa loob lamang ng isang linggo.

Ito ang dahilan kung bakit lumago ang industriya ng mangga sa
Pilipinas. Dahil madalas at mabilis ang pagbubunga ng mangga,
nakapagbigay-hanapbuhay ito sa mga may-ari ng mga puno, mga katuwang
sa pag-aalaga, mga nagtitinda ng pestisidyo, mga magpuprutas, mga
biyahero, mga factory ng mango products tulad ng juice, palaman,
kendi, preserved fruits, mga karinderya sa paligid ng mga pabrika, mga
nagsu-supply ng isda, gulay, karne, at bigas, at iba pa. Sa
kasalukuyan, ang industriya ay nagkakahalaga ng mahigit 40 milyong
dolyar o 1.8 bilyong piso.

At dahil pag-aari ni Dr. Barba ang imbensiyong ito, ginawaran siya ng
gobyerno ng patent sa pamamagitan ng Intellectual Property Office of
the Philippines. Ito ay para maprotektahan niya ang kanyang karapatan
pagkatapos ng insidente kung saan mayroong isang nagpapangap na
imbentor nito.

Bilang patent owner si Dr. Barba ay may karapatan at kapangyarihang
pagdesisyunan ang gamit nito. Maaari niyang pahintulutan ang sinumang
nais niyang gumamit, gumawa, o magbenta ng kanyang imbensiyon. Maaari
niya itong ibenta, ipaupa, o ipamana.

Paano naman kung ang imbensiyon mo ay isang improvement sa isa ring
imbensiyon? Maaari ka bang mabigyan ng patent? Tatalakayin natin ito
sa susunod na isyu ng Buhay na Titik.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa
filcols@gmail.com.

Wednesday, August 4, 2010

Uri ng Intellectual Property

BUHAY NA TITIK
Ni Alvin Buenaventura




Ang intellectual property o IP ay mga tuklas o likhang nagmula sa isip ng tao.

Ang dalawang uri ng IP ay industrial property at copyright. Sa industrial property nakapailalim ang patent, trademark o servicemark, industrial designs at geographical indications. Sa copyright o karapatang-ari, nakapailalim ang mga gawang pampanitikan at sining.

Patent naman ang tawag sa proteksiyong ibinibigay ng gobyerno sa mga imbensiyon. Ang mga imbensiyong produkto o proseso ay nagbibigay ng sagot/solusyon sa mga tanong/suliraning kinakaharap ng mga tao.

Halimbawa, ang washing machine ay imbensiyong lumulutas sa santambak na labada. Ang proseso o formula sa paggawa ng skin ointment ay lumulutas sa sakit sa balat tulad ng hadhad.

Ang imbentor lang ang may karapatang magdesisyon kung sino ang puwedeng mag-manufacture, gumamit, o magbenta ng kanyang produkto o proseso. Dahil siya ang may-ari ng patent, maaari niyang ireklamo o idemanda ang mga taong hindi naman awtorisadong sa mag-manufacture, gumamit, o magbenta nito.

Ang industrial designs ang siyang nagbibigay ng kakaibang itsura sa mga produkto. Madalas, kaya nabibili ang isang produkto ay dahil sa ganda nito o dahil sa kakaiba nitong disenyo. Ang may-ari lang ng industrial designs ang may karapatang gumamit o magbigay ng awtorisasyon sa iba para gamitin ito sa iba pang mga produkto.

Ang mga trademark naman para sa tatak ng produkto o servicemark para sa tatak ng serbisyo ay maaaring mga salita, bilang o number, pirma, kulay, container, wrapper o packaging, logo, at iba pang tatak na nagpapakilala sa mamimili o parokyano na ang produkto o serbisyo ay kakaiba.

Halimbawa, ang pulang bubuyog na may pangalang Jollibee ay tatak na pag-aari lang ng sikat na fast food chain. Hindi ito puwedeng gamitin ng ibang nagtitinda ng hamburger at fried chickennang walang pahintulot mula sa kumpanya ng Jollibee.

Sa mga madalas magpadala ng pera, isang halimbawa ng servicemark ay ang mga letrang LBC at slogan nitong “Hari ng Padala.”

Geographical indications naman ang nagpapakilala na isang sikat na lugar ang pinanggalingan ng produkto. Halimbawa, ang champagne ay mamahaling inumin na galing lang sa rehiyong Champagne sa France.

Ang copyright o karapatang-ari ay karapatan ng awtor o may-akda para magparami ng kopya ng likhang pampanitikan, siyensya o sining. Ang copyright ay hindi lang isang pirasong karapatan kundi isang bungkos ng mga karapatan. Ang mga karapatan na ito ay ipinagkakaloob ng batas sa mga may-akda.

Mahalaga ang IP sa buhay ng tao at sa ekonomiya o buhay ng isang bansa. Ang halaga ng IP ang susunod nating pagkukuwentuhan sa Buhay na Titik.