ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS
Patent Para sa Mga Munting Pagbabago sa Imbensiyon
Intellectual property o IP ang tawag sa mga likhang nagmula sa isip ng tao. Dalawa ang uri nito. Ang copyright at ang industrial property. Sa ilalim ng industrial property nakapailalim ang patent. Ang patent naman ay ang karapatang ibinibigay ng gobyerno sa inventors at sa kanilang mga imbensiyon. May dalawang uri ng imbensiyon: ang produkto at ang proseso. Ang mga imbensiyon na ito ay lumulutas sa mga problemang teknikal na kinakaharap ng tao.
Isang halimbawa ng produkto ay ang re-usable kabaong ni Antonio Andes, Sr. ng Taguig City. Halimbawa naman ng proseso ay ang imbensiyon ni Dr. Ramon Barba na pag-ii-spray ng tubig na may halong potassium nitrate sa mga puno ng mangga para mapabilis ang pamumulaklak ng mga ito.
Ang imbensiyong re-usable kabaong ni Andes ay may dalawang sangkap: kahoy na kabaong sa loob at bakal na kabaong sa labas. Ang bakal na kabaong ang nakikita ng mga naglalamay at bisita. At pagdating ng libing, ang kahoy na ataol ang siyang ipinapasok sa nitso. Presto! Ang bakal na kabaong ay puwede na uling magamit ng susunod na kustomer. (Maaari mo nang ipila ang biyenan mo for future availment ng produktong ito.)
Malaking tulong sa mahihirap ang ipinaaarkilang bakal na kabaong ni Andes dahil ang murang kahoy na ataol na lang ang kailangan nilang bilhin. Mas mura din ang pag-arkila ng bakal na kabaong kaysa bumili ng tradisyunal na kabaong. (Kaya talagang dapat mo nang ipila ang biyenan mo.)
Samantala, ang anak ni Andes na si Mary Ann ay nagdidisenyo ng iba’t ibang masasayang larawan sa bakal na kabaong. Mula rin sa malikhaing isip ni Andes ang isa pang inobasyon sa kanyang kabaong-for-rent ang paglalagay ng LCD screen at music player sa kabaong. Dito ay puwedeng magpalabas ng mga video ng yumao o kaya ay magpatugtog ng mga paborito niyang awit. Ang mga disenyo ni Mary Ann at ang added features na LCD at music player ay maliliit na pagbabago o inobasyon sa orihinal na imbensiyon at puwede pa ring bigyan ng proteksiyon ng gobyerno sa pamamagitan ng patent.
Ang iba pang binibigyan ng patent tulad ng industrial design, layout design ng integrated circuits, at mga bagong uri ng halaman ang tatalakayin natin sa susunod na isyu ng Buhay na Titik.
Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment