Thursday, August 12, 2010

Buhay na Titik: Industrial Property at Sangay na Patent

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Patent Para sa Mga Imbensiyon

Ang intellectual property o IP ay mga tuklas o likhang nagmula sa isip
ng tao. Ang IP ay may dalawang uri: una ay ang industrial property
kung saan nakapaloob ang patent at trademark, at ikalawa, ang
copyright o karapatang-ari.

Patent ang tawag sa karapatang ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga
imbensiyon. Ito’y maaaring mga produkto o paraan na tumutulong para
malutas ang mga suliraning teknikal na kinakaharap ng mga tao.
Halimbawa ng produkto: ang washing machine. Ito ay imbensiyong
tumutulong para maibsan ang problema ng asawa mo sa tambak na labada.
Halimbawa naman ng proseso: ang pagdidilig ng potassium nitrate sa mga
puno ng mangga ay imbensiyong tumutulong para maaga itong mamulaklak
at magbunga. Si Dr. Ramon Barba ang siyentipikong nakaimbento nito
noong 1960s.

Bago ang imbensiyon ni Dr. Barba, pinapausukan ang mga puno ng mangga
para mamulaklak ang mga ito. Maraming usok ang kailangan at matagal na
paraan ito. Mas madalas na maraming beses maluha ang mga nagpapa-usok
bago umusbong ang bulaklak ng puno. Dahil dito ay seasonal ang mangga
at kaunti lamang ang kita ng mga nagtatanim nito.

Sa pananaliksik ni Dr. Barba, nalaman niyang ang ethylene mula sa usok
ang siyang responsable sa pamumulaklak ng mga puno ng mangga. Para
mapabilis ang proseso ay kailangang balutin sa gas na ethylene ang
isang puno. Malaking problema ito.

Noon lumabas ang pagkamalikhain ni Dr. Barba. Nag-ekperimento siya sa
iba’t ibang kemikal hanggang madiskubre niya na ang pagdidilig ng 100
litrong tubig na hinaluan ng isang kilong potassium nitrate ay sapat
na para mapabulaklak ang puno sa loob lamang ng isang linggo.

Ito ang dahilan kung bakit lumago ang industriya ng mangga sa
Pilipinas. Dahil madalas at mabilis ang pagbubunga ng mangga,
nakapagbigay-hanapbuhay ito sa mga may-ari ng mga puno, mga katuwang
sa pag-aalaga, mga nagtitinda ng pestisidyo, mga magpuprutas, mga
biyahero, mga factory ng mango products tulad ng juice, palaman,
kendi, preserved fruits, mga karinderya sa paligid ng mga pabrika, mga
nagsu-supply ng isda, gulay, karne, at bigas, at iba pa. Sa
kasalukuyan, ang industriya ay nagkakahalaga ng mahigit 40 milyong
dolyar o 1.8 bilyong piso.

At dahil pag-aari ni Dr. Barba ang imbensiyong ito, ginawaran siya ng
gobyerno ng patent sa pamamagitan ng Intellectual Property Office of
the Philippines. Ito ay para maprotektahan niya ang kanyang karapatan
pagkatapos ng insidente kung saan mayroong isang nagpapangap na
imbentor nito.

Bilang patent owner si Dr. Barba ay may karapatan at kapangyarihang
pagdesisyunan ang gamit nito. Maaari niyang pahintulutan ang sinumang
nais niyang gumamit, gumawa, o magbenta ng kanyang imbensiyon. Maaari
niya itong ibenta, ipaupa, o ipamana.

Paano naman kung ang imbensiyon mo ay isang improvement sa isa ring
imbensiyon? Maaari ka bang mabigyan ng patent? Tatalakayin natin ito
sa susunod na isyu ng Buhay na Titik.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa
filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment