Iba't ibang Uri ng Intellectual Property
Ang intellectual property o IP ay mga tuklas o likhang nagmula sa isip ng tao.
Ang dalawang uri ng IP ay industrial property at copyright. Sa industrial property nakapailalim ang patent, trademark o servicemark, industrial designs at geographical indications. Sa copyright o karapatang-ari, nakapailalim ang mga gawang pampanitikan at sining.
Patent naman ang tawag sa proteksiyong ibinibigay ng gobyerno sa mga imbensiyon. Ang mga imbensiyong produkto o proseso ay nagbibigay ng sagot/solusyon sa mga tanong/suliraning kinakaharap ng mga tao.
Halimbawa, ang washing machine ay imbensiyong lumulutas sa santambak na labada. Ang proseso o formula sa paggawa ng skin ointment ay lumulutas sa sakit sa balat tulad ng hadhad.
Ang imbentor lang ang may karapatang magdesisyon kung sino ang puwedeng mag-manufacture, gumamit, o magbenta ng kanyang produkto o proseso. Dahil siya ang may-ari ng patent, maaari niyang ireklamo o idemanda ang mga taong hindi naman awtorisadong mag-manufacture, gumamit, o magbenta nito.
Ang industrial designs ang siyang nagbibigay ng kakaibang itsura sa mga produkto. Madalas, kaya nabibili ang isang produkto ay dahil sa ganda nito o dahil sa kakaiba nitong disenyo.
Ang may-ari lang ng industrial designs ang may karapatang gumamit o magbigay ng awtorisasyon sa iba para gamitin ito sa iba pang mga produkto.
Ang mga trademark naman para sa tatak ng produkto o servicemark para sa tatak ng serbisyo ay maaaring mga salita, bilang o number, pirma, kulay, container, wrapper o packaging, logo, at iba pang tatak na nagpapakilala sa mamimili o parokyano na ang produkto o serbisyo ay kakaiba.
Halimbawa, ang pulang bubuyog na may pangalang Jollibee ay tatak na pag-aari lang ng sikat na fast food chain. Hindi ito puwedeng gamitin ng ibang nagtitinda ng hamburger at fried chickennang walang pahintulot mula sa kumpanya ng Jollibee.
Sa mga madalas magpadala ng pera, isang halimbawa ng servicemark ay ang mga letrang LBC at slogan nitong “Hari ng Padala.”
Geographical indications naman ang nagpapakilala na isang sikat na lugar ang pinanggalingan ng produkto. Halimbawa, ang champagne ay mamahaling inumin na galing lang sa rehiyong Champagne sa France.
Ang copyright o karapatang-sipi ay karapatan ng awtor o may-akda para magparami ng kopya ng likhang pampanitikan, siyensya, o sining. Ang copyright ay hindi lang isang pirasong karapatan kundi isang bungkos ng mga karapatan. Ang mga karapatan na ito ay ipinagkakaloob ng batas sa mga may-akda.
Mahalaga ang IP sa buhay ng tao at sa ekonomiya o buhay ng isang bansa. Ang halaga ng IP ang susunod nating pagkukuwentuhan sa Buhay na Titik.
VERY DISCRIPTIVE PO ANG BLOG NA 'TO!
ReplyDeleteI'VE LEARNED A LOT FROM YOU
THANK YOU AND GOD BLESS :)