Thursday, August 26, 2010

Buhay na Titik: Patent Para sa Industrial Designs

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Patent Para sa Industrial Designs

Ang mga likhang nagmula sa isip ng tao ay tinatawag na Intellectual Property o IP. Ang dalawang uri nito ay ang copyright at ang industrial property. Nakapailalim sa industrial property ang patent. Patent tawag sa karapatang ibinibigay ng gobyerno sa inventors at sa kanilang mga imbensiyon.

Kasama sa binibigyan ng patent ang industrial design. Ano ang industrial design? Ang industrial design ay kumbinasyon ng kulay, hugis, at texture na nagsisilbing pattern sa mga industrial products o handicrafts. Ito ang nabibigay ng kaaya-ayang anyo sa mga produkto.

Ang kakaibang anyong ito ng produkto ang siyang umaakit sa mga mamimili kung kaya’t nagiging mabenta ito sa merkado at nagiging isang commercial success.

Halimbawa ng industrial design ay ang hugis ng botelya ng Coke; anyo ng sikat na mga gadget na iPod, iPhone, at iPad; mga relong Swatch at TechnoMarine; mga rubber shoes ng Nike, Adidas, Bata, World Balance, Advan, Asics, New Balance, at iba pa.

Ang hugis salagubang na Volkswagen ay isang matagumpay na produkto dahil sa kakaibang anyo nito. Ito ay itinuturing na icon sa larangan ng disenyo.

Noong 1933, nag-utos si Adolf Hitler na dapat gumawa ng sasakyan para sa masa si Ferdinand Porsche na siyang may-ari ng pagawaan ng mga kotse sa Germany. Isa sa mga pangarap ni Hitler ay magkaroon ang lahat ng mga Germans ng sasakyan. Maliban sa dapat ay mura ito, kundisyon din ni Hitler ay dapat na makakapagsakay ito ng ama at ina sa harap at tatlong anak sa likod. Agad kumilos si Porsche at inatasan ang kanyang chief designer na si Erwin Komenda na agad ring nakagawa ng disenyo ng sasakyan ng masa o sa wikang aleman ay volks (masa) at wagen (sasakyan). Taliwas sa mga kwento ukol sa Volkswagen, hindi si Hitler ang nagdisenyo nito.

Sa huling bilang, nakagawa ng halos 21 milyong Volkswagen. Maraming pamilya ang nakinabang dahil dito. Ang industriya na nalikha ng Volkswagen ay nagbigay ng mga trabaho sa mga nasa factories, sa mga suppliers, sa mga dealers ng kotse, at sa mga allied business na umusbong sa paligid ng Volkswagen success. Nagpalago ng kalakalan ng mga bansa sa mga makina, ilaw, kabilya, salamin, car seat, radiator, silinyador, preno, kambiyo, gulong, at iba pang piyesa upang mabuo o kaya ay makumpuni ang Volkswagen. Syempre, kasama na rin ang mga gumagawa ng pintura at ang industriya ng langis.

Naka-pagpaunlad ng maraming buhay at maraming bansa ang likha mula sa isip ng tao.
Ang isang disenyong hawig salagubang ay nakapagbigay ng mahahalagang gunita sa maraming tao. Ang Volkswagen ay siya ring inspirasyon ng mga aklat, mga pelikula, at mga awit.

Ang computer ay isa sa mga imbensiyong naka-apekto ng malaki sa ating buhay. Ang patent para sa layout design ng integrated circuits na matatagpuan sa mga computer ang tatalakayin natin sa susunod na isyu ng Buhay na Titik.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment