Thursday, December 22, 2011

Buhay na Titik: Unibersal ang Human Rights

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS



Unibersal ang Human Rights



Kilala mo ba si Dred Scott?

Si Dred Scott ay isang African slave. Nakipaglaban siya sa korte sa America para mabuhay nang malaya kasama ang kanyang pamilya.

Matapos ang mahaba at mainit na labanan at mga debate, dinesisyunan ito ng US Supreme Court: hindi siya pwedeng maging American citizen. Dahil hindi citizen ay wala siyang karapatan at ito ay applicable sa kahit na sinong ang ninuno ay African.

Nangyari ito sa US noong panahon ni Abraham Lincoln. Iba-iba pa noon ang batas tungkol sa slavery. May mga state kung saan legal ang slavery pero sa iba namang states, illegal ito. Ibig sabihin walang unibersal o pangkalahatang batas sa slavery.

Ang kaso ni Scott ang isa sa naging mitsa ng madugong digmaan sa Amerika. Nagpang-abot at naglaban ang mga pro-slavery at anti-slavery.

Pagkatapos ng US Civil War ay nagkaroon ng pagbabago sa Konstitusyon ng Amerika. Kasama rito ang pagbuwag sa slavery, pagbibigay ng citizenship sa mga dating slave, at pagbibigay ng automatic citizenship sa mga ipinanganak sa US kahit pa mga slave ang kanilang magulang.

Ganito rin ang kwento ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR). Matapos ang mahaba at mainit na giyera ay nagkaroon ng pagbabago sa pananaw ng lahat. Nagkaroon ng isang unibersal o panlahat na boses pagdating sa usapin ng human rights.

Dahil tanggap ng lahat ang pagiging unibersal ng laman ng deklarasyon ay nagkabisa ito bilang isang international law. Ito ang batas na sasaklaw sa lahat ng tao sa lahat ng bansa.

Lahat ng gobyerno , payag na mabigyang-proteksiyon at i-promote ang mga karapatan at kalayaan ng kanilang mga mamamayan.

Ibig sabihin, may karapatan at laya ang tao kahit maitim, maputi, o madilaw ang balat niya. May karapatan at laya ang tao kahit ano o sino pa ang sinasamba niya, o kahit wala siyang sinasamba. May karapatan at laya ang tao kahit ano ang kulay ng kanyang politika.

Bakit mahalagang magkaroon ng universal feature ang UDHR?

Dahil nga tinanggap ito ng maraming bansa, nagiging basehan ito ng mga national at international law.

At dahil may international law, ang mga disputes dito ay dinadala sa international court. Sa international court naman dinidinig ang mga matinding violation sa human rights tulad ng genocide o ethnic cleansing.

Noong 1997, ibinilang si Dred Scott at asawang si Harriet sa St. Louis Walk of Fame. Ang stars at plake ay nakadisplay sa sidewalk ng Delmar Boulevard sa Missouri. Ito ang pagbibigay-pugay sa mga tao mula sa St. Louis, Missouri na malaki o unibersal ang naging ambag sa kultura ng US.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment