Tuesday, November 23, 2010

Buhay na Titik: Reproduction Right Para sa Awtor

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS

Reproduction Right Para sa Awtor

Ang awtor ng orihinal na akda o likha ay binibigyan ng proteksiyon ng batas sa pamamagitan ng copyright. Kung patay na ang awtor, ang copyright ay mapupunta sa kanyang pamilya. At ang pamilya o tagapagmana ng copyright ay may proteksiyon din sa ilalim ng batas sa loob ng 50 taon.

Ibig sabihin ang bawat manunulat, eskultor, pintor, o kompositor ay may karapatan sa kanilang akda o gawa. At kung patay na sila, ang kanilang mga tagapagmana ang may exclusive right o tanging karapatan na gamitin o bigyang awtorisasyon ang ibang tao na gamitin ang nasabing akda o gawa.

Ang copyright ay binubuo ng moral right at economic right. Ang moral right ay ang karapatan ng awtor na makilala bilang siyang may-akda. May karapatan siyang ihinto o bigyang-pahintulot ang anumang hakbang para baguhin ang kanyang akda o gawa. Ang economic right ay ang karapatan ng awtor na kumita at magkaroon ng benepisyo mula sa kanyang pinagpaguran at iyon ay walang iba kundi ang kanyang akda.

Paano nagkakaroon ng kita o benepisyo ang awtor sa kanyang akda o likha? Isa sa mga karapatan ng awtor ang reproduction right. Ito ay ang pagpaparami ng sipi upang mabasa, marinig, o mapanood ng mas maraming tao. Ang right na ito ay nakapaloob din sa copyright.

Noong panahon ng mga hari at reyna, ang pinagmumulan ng kita ng mga awtor, kompositor, eskultor, at pintor ay ang pagkakaroon ng mayaman at makapangyarihang patron o customer tulad ng hari, reyna, prinsipe, prinsesa, papa (pope), o obispo.

Ang mga patron lamang ang may kakayahang magbigay ng libreng tirahan, pagkain, suweldo, gamit, at proteksiyon sa mga malikhaing tao. Halimbawa, ang mga Papa tulad nina Leo X at Julius II ay mga patron ng sikat na pintor na si Michaelangelo. Dahil pinuno ng simbahang Katoliko ang mga ito, ang mga larawang ipininta ni Michaelangelo ay may temang relihiyoso.

Iba-iba naman ang patron ni Leonardo da Vinci kung kaya’t iba-iba rin ang tema ng kanyang sining: may relihiyoso, may portrait ng mga negosyante o di kaya ay noble at ang kanilang mga asawa at marami pang iba.

Ganito rin ang siste sa musika kaya ang ibang komposisyon ni Beethoven ay ginawa para sa kasiyahan ni Prinsipe Lobkowitz na isa sa mga patron niya.

Kumbaga ay naging personal photographer ng mayayaman noon ang mga pintor at personal musician ang mga musikero.

Pero dahil sa teknolohiya ay hindi na kailangan ang ganitong sistema. Kahit ang biyenan mo ay nagiging instant photographer dahil sa bagong cellphone na may camera. At siyempre bawal kang magkomentaryo pag sumigaw siya ng cheese! Ngiti ka naman kahit ang hilig ng biyenan mo kumuha ng picture mula sa tagiliran. Kaya tabingi ang katawan at mga ngiti ninyo sa picture.

Sa ngayon ay bihira na lamang ang mga patron of the arts. Sila ang mayayamang pilantropo na nagtatayo ng mga museo o nagbubukas ng kanilang tahanan para sa mga malikhaing tao tulad ng pamilya Ayala na nagtayo at nagtataguyod ng Ayala Museum. O kaya ay mga korporasyon na nagpapakomisyon ng likhang sining tulad ng Petron Gas. Minsan ay may mga ahensiya rin ng pamahalaan na tumatayong patron ng sining tulad ng National Commission for Culture and the Arts at ng Government Service Insurance System.

At para patuloy na makalikha ang mga awtor at alagad ng sining ay umaasa sila sa isang mahalagang karapatan sa ilalim ng copyright: ang reproduction right o karapatang magparami ng kopya ng kanilang gawa.

Ang reproduction right ang dahilan para mailimbag nang maramihan ang isang akda. Dahil marami ang kopya ay mas marami ang makakabasa at bibili ng akda. Dito kumikita ang awtor (royalty ang tawag dito) at ang publisher. Ito ang bumubuhay sa publishing industry.

Ganito rin ang siste sa music industry. Kailangan din ang music publisher upang mamuhunan sa pagpa-publish ng awit at musika sa mga CD at iba pang media. Ang pagpapatugtog sa mga radio, TV, pelikula, konsiyerto, o commercial establishment ay siyang pinagmumulan ng kita ng mga musikero, kompositor, mang-aawit, at iba pang naghahanap-buhay sa industriya ng musika.

Mahalaga at makapangyarihan ang reproduction right dahil ito ang siyang nagbibigay daan para mas malawak ang maabot na audience ng akda o likha. Ang audience na ito rin ang siyang matatawag na end user o consumer. At dahil ginamit ang akda, na-enjoy at na-consume ng publiko dapat lang na bayaran ang mga gumawa nito: ang mga awtor at publisher.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Wednesday, November 17, 2010

Buhay na Titik: Pagkakapantay-pantay sa Copyright

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS

Pagkakapantay-pantay sa Copyright

Alam mo bang lahat tayo ay may kaugnayan sa copyright. Nagulat ka, ‘no? Ganito ‘yon: ang copyright ay ‘yong maliit na titik na C sa loob ng isang maliit na bilog. Madalas itong matatagpuan sa mga libro, sa unang pahina to be exact. Kaya ang madalas na alam natin ay para sa libro lamang ang copyright.

Pero hindi. Ang copyright ay proteksiyon na ibinibigay ng batas hindi lang para sa mga libro kundi para sa awit, musika, painting, illustration, drowing, design, tula, nobela, at iba pang akda o likhang siyentipiko, artistiko, at pampanitikan.

Kung ilalagay sa isang balance scale ang copyright, nasa isang bahagi ang consumer, nasa kabila naman ang author.

Alam natin kung sino ang author, di ba? Ang malikhaing tao na nagtiyaga, naglaan ng panahon at naglaan ng resources para lang makapagluwal ng akda o likha.

Hindi biro ang maging isang author dahil matagal na panahon ang ginugugol niya para maging eksperto sa kanyang larang. Halimbawa, para makapagsulat ng teksbuk, mahabang panahon ang iginugugol sa pananaliksik, pagsusulat, at paglilimbag. Hindi puwedeng kahit sino na lang ang magsusulat ng teksbuk na pag-aaralan natin.

Papayag ka bang ang magsusulat ng teksbuk para sa mga doktor ay walang sapat na kaalaman sa anatomy o pag-oopera? Papayag ka bang manirahan sa isang gusaling ginawa ng arkitekto na ang disenyo ay hindi pasok sa standard ng mga gusali?

Maski ang biyenan mo ay hindi magpapagamot kung kaduda-duda ang kakayahan ng doktor. At hindi niya bibilhin ang gusaling ibinebenta sa kanya kung di naman pulido ang disenyo at pagkakagawa nito. (Siyempre alam din naman natin na walang pambili ng building ang biyenan mo. Pero pagbigyan na natin siyang mangarap dito sa ating column.)

At sino naman ang consumer? Aba, tayong lahat ito na nakikinabang sa akda o likha ng author. Consumer tayo. Ibig sabihin nakokonsumo natin ang akda o likha matapos pakinggan ang awit ni Willie Revillame, matapos mahulog sa upuan sa katatawa sa pelikulang Here Comes the Bride, matapos kang ma-inlab at maiyak sa nobela ni Frida Mujer, matapos kang makatangap ng grade sa propesor mong malupit (malaking tulong ang pagbabasa mo ng teksbuk), matapos mong gamitin ang picture o drowing, at iba pa.

Ano ngayon ang ibig sabihin ng pagkakapantay-pantay sa copyright? Ang author ay gumagawa ng akda o likha bilang expression ng kanyang pagkamalikhain. Dalawang interes ang lumalabas sa gawaing ito: moral interest at material interest. Moral interest ay ang karapatan ng author na makilala bilang taong lumikha. Material interest o economic interest ay ang karapatan ng author na kumita mula sa kanyang akda sa pamamagitan ng pagpaparami ng sipi o kopya nito.

Para magkaroon ng balance sa scale na nabanggit ko kanina, dapat lamang na may access o paraan ang consumer na mabasa, marinig o makita ang akda. At hindi ito ma-eenjoy ng mga consumer kung iisa lang ang sipi o kopya ng akda o likha.

Para patuloy na makagawa o makalikha ang author, dapat ay may malakas siyang katawan, sapat na pagkain, tirahan, at iba pang amenities para sa isang disente o makataong pamumuhay.

Magkakaroon lamang ng balance sa scale kung ang bawat consumer na gumagamit ng mga sipi o kopya ng akda o likha ng author ay magbabayad nang sapat. Kabuhayan ito ng author kaya dapat lang na mabuhay siya nang marangal mula sa katas ng kanyang pinagpaguran.

Ang pagkakapantay-pantay sa copyright ay matatamo kung ang moral at materyal na interes ng author ay pinapahalagahan ng mga consumer habang ang mga consumer naman ay nakaka-access o may paraan para magamit ang akda o likha ng author.

Ang proteksiyon ng copyright ay iginagawad lamang sa lifetime ng author at 50 taon matapos siyang mamatay. Pagkalampas nito, ang akda o likha ay matatawag na out of copyright. Mapupunta na ito sa public domain kung saan maaari na itong gamitin ng publiko kahit kailan at sa anumang paraan.

Sa proteksiyong ito, masasabing nakinabang na ang author at ang kanyang mga anak o apo. At pag nasa public domain na ay malaya na itong magagamit ng iba pang author o ng publiko.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Wednesday, November 10, 2010

Buhay na Titik: Karapatang Pantao ng mga Awtor

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Karapatang Pantao ng mga Awtor


Madalas na ang pinagtutuunan ng pansin ng media ay ang human rights violations na dinadanas ng mga journalist at political detainee.

Madali at madalas kasi itong pag-usapan sa radyo o TV. Konting paliwanag lang
ang kailangan kapag mayroong napatay o na-torture, nauunawaan agad ng manonood o tagapakinig ang kahulugan ng human rights. Ika nga, e, plain and simple na
paglabag sa karapatang pantao once na nawalan nang buhay ang tao o kaya ay
sarado na ang mata dahil sa bugbog.

Alam mo bang talamak din ang violations sa human rights ng mga awtor?

Iyan ay sa tuwing hindi sila nababayaran nang sapat!

Teka, teka hindi ka ba nagulat na may human rights din pala ang mga
awtor? Oo naman. Kapag gumamit ka ng akda ng isang awtor o art work ng
isang artist nang walang paalam o sapat na bayad ay nilalabag mo ang
kanyang human rights.

Ayon sa Universal Declaration of Human Rights na inilabas ng United
Nations, ang lahat ng tao ay may karapatang magtrabaho, may layang
pumili ng trabahong gusto niya, magtrabaho sa isang makatarungan at
maayos na lugar, at may proteksiyon laban sa pagkawala ng trabaho. (Artikulo
23.1).

Ang awtor na nagsusulat ng tula, nobela, artikulo, o teksbuk ay
nagtatrabaho rin, hindi ba? Ang pagsusulat ang kanyang kabuhayan upang mapanatiling malakas ang katawan (may pambili ng makakain) at maitaguyod ang pamilya. Ganito rin ang awtor ng painting, drowing, o visual arts. Ito rin ang pinagmumulan ng kita nila para mapakain ang sarili at pamilya.

Kung hindi magiging sapat o tama ang bayad sa awtor, ito ang magiging
dahilan para siya at ang kanyang pamilya ay hindi makakain nang tama o sapat.

Malinaw rin ito sa Universal Declaration of Human Rights kung saan
sinabing ang sinumang nagtatrabaho ay dapat na makatanggap ng just at
favorable na suweldo para sa kanyang sarili at para magkaroon siya ng
kakayahan na bigyan ang kanyang pamilya ng "existence worthy of human
dignity" (Artikulo 23.3).

Ang awtor ng gawang siyentipiko tulad ng scientific articles o
libro, mga gawang panliteratura tulad ng mga tula o nobela, mga gawang
pansining tulad ng mga painting o drowing na nailathala ay nagkakaroon ng
moral at material na interes sa kanilang mga gawa (Artikulo 27.2).

Ang moral na interes ay nagbibigay-karapatan sa awtor na makilala bilang
siyang pinagmulan ng gawa. Bilang "ama" o "ina" ng gawa, dapat lang na
makilala siyang awtor nito. At kasama rito ang pagbibigay-pahintulot sa sinuman na nais gumamit ng kanyang gawa.

Ang materyal na interes naman ay karapatan ng awtor na kumita sa kanyang gawa
dahil ito nga ang kanyang hanapbuhay.

Ano kaya ang mararamdaman mo kung trabaho ka lang nang trabaho pero wala
ka namang suweldo?

Ganito rin ang lagay ang mga awtor. Ang kabuhayan nila ay ang
gumawa ng mga akda o likha. Dahat lang na kumita sila nang sapat dahil
ito ay kasama sa kanilang karapatan bilang mga tagapaglikha.

Subukan mong hindi magbayad sa turon na niluto at ngayon ay ibinebenta ng biyenan mo at siguradong malaking away ito. Bakit? Siyempre, kabuhayan niya ito at dapat lang namang magbayad ka.

Kaya sa susunod na gagamit ka ng akda o likha, pakaisipin mo ang kabuhayan at human rights ng mga lumikha nito.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Wednesday, November 3, 2010

Buhay na Titik: Copyright: Para Naman sa mga Awtor

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright: Para Naman sa mga Awtor


Ang mga may-akda o maylikha ay tinatawag ding awtor. Ang mga awtor ng tula, maikling kuwento, nobela, scientific article, mga sermon, balita, awit, musika, at iba pa ay may karapatan sa kanilang gawa. Gayundin ang mga arkitekto, pintor, visual artist, computer programmer, at iba pang awtor ng mga likhang siyentipiko, pampanitikan, o pansining.

Copyright ang tawag sa proteksiyong ibinibigay ng batas sa mga awtor. Ito ay isang bungkos ng mga karapatan na nasa kamay ng mga awtor habang sila ay nabubuhay. Protektado sila at ang kanilang mga akda hangga’t sila ay nabubuhay sa mundong ibabaw. At mananatili silang protektado hanggang 50 taon mula sa araw ng pagpanaw ng (mga) awtor.

Ang bungkos ng karapatan ay nahahati sa dalawa: ang moral rights at economic rights. Dahil sa moral rights, ang mga awtor ay may karapatang makilala bilang may-akda ng nasabing gawa. Kanila ang byline ng isang akda, sa madaling salita. Ang mga awtor lang din ang may karapatang pigilan o pahintulutan ang sinuman na nais maglapat ng pagbabago sa kanilang orihinal na gawa.

Sa economic rights naman nakapaloob ang karapatan ng mga awtor na kumita o tumanggap ng royalty mula sa kanilang mga gawa.

Ano-ano ang economic rights ng mga awtor? Paano sila maaaring kumita pa sa kanilang mga gawa?

Ang pinakauna ay ang reproduction right o karapatan ng mga awtor na magbigay ng kapangyarihan sa publisher o sinuman na magparami ng kopya ng kanilang akda.

Halimbawa, natipuhan mong isulat ang love story ng biyenan mo at ginawa mo itong nobela. Dapat ay permanente o fixed sa papel o sa computer ang nobela mo. Ito ay para mai-publish ang iyong nobela bilang libro. Siyempre, unang bibili ng libro mo ang iyong biyenan para maipamigay niya sa kanyang mga kalaro sa tong-its. Ito na ang simula ng kita mo bilang nobelista dahil mayroon kang 10-15 % na royalty sa bawat mabebentang nobela mo.

Lalo pang lalaki ang kita mo bilang nobelista kung ang nobela ay ida-dramatize sa entablado, gagawing pelikula, telenobela, at iba pa. At dagdag-kita pa rin kung matipuhan itong isalin sa wikang Korean o Japanese dahil may bayad pa rin na dapat ibigay sa ‘yo kapag ito ay isasalin sa ibang wika.

Sa larangan naman ng pelikula, may bayad din para sa producer, director at iba pa ang pagpapalabas ng isang pelikula sa sinehan. May bayad pa uli kapag ang mga kopya ng pelikula ay pinarerentahan na sa mga awtorisadong rental shop. Oo, kahit hindi na ipinalalabas sa leading malls ang pelikulang ‘yon, dapat ay kumikita pa rin ang mga producer, director, at iba pa.

Para naman sa mga painting, eskultura, at visual arts, maliban sa kita mula sa orihinal na presyo ng mismong artwork ay maaari ding kumita ang awtor/pintor sa pamamagitan ng pagdi-display ng kanyang gawa sa mga museo o exhibition hall o di kaya pagkakalathala sa mga publikasyon.

Sa mga awit at musika naman, kumikita rin dapat ang musikero/mang-aawit sa pamamagitan ng mga benta ng CD o downloads. May bayad din tuwing ang kanilang likha ay gagamitin o aawitin o patutugtugin sa konsiyerto o iba pang commercial establishments tulad ng restawran.

Kaya kung gusto mong kumita nang malaki, maliban sa nobela ay gawan mo na rin ng awit ang biyenan mo at ililok na rin ang masama niyang mukha sa marmol. Malay mo, mag-hit ‘yang kanta na ‘yan sa masa. Malay mo, ma-feature ang marmol niyang mukha sa Louvre Museum sa Paris. Aba, hindi na masama. Di ba?

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Wednesday, October 27, 2010

Buhay na Titik: Copyright Para sa mga Likhang Pampanitikan, Siyentipiko, at Pansining

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright Para sa mga Likhang Pampanitikan, Siyentipiko, at Pansining


Bakit hindi binibigyan ng copyright ang ideya, pamamaraan, proseso, sistema, konsepto, prinsipyo, tuklas, o fact?

Kasi ang mga nabanggit ay building blocks na kailangan ng bawat author para makagawa ng akda o likha. Kailangan ang ideya ng pag-ibig: mahirap pero magandang babae, binatang tagapagmana ng malaking negosyo, at babaeng mayaman pero masama ang ugali, para makabuo ng isang kuwento ng love triangle.

Kahit sinong manunulat, makata, o kuwentista ay maaaring gamitin ang mga ideyang ito para makalikha ng mga bagong akda.

Kung bibigyan ng copyright ang sinumang magsabing pag-aari niya ang ideyang love triangle ng babaeng mahirap pero maganda, binatang tagapagmana ng isang business empire, at babaeng mayaman nga matapobre naman, hindi na tayo makaka-engkuwentro pa kahit kailan ng mga akda, awit, pelikula, o stage play ukol dito. Magiging dahilan ito ng pagkatuyo ng balon ng paglikha at saka pagkasawa ng mga tao sa iisang kuwento ng love triangle mula sa iisang author lamang.

Building blocks din sa panitikan ang mga letra ng alpabeto at salita.

Ganito rin ang siste sa mga kulay at hugis. Hindi puwedeng ipa-copyright ang kulay tulad ng pula, dilaw, asul, at iba pa. Hindi rin puwedeng ipa-copyright ang mga hugis tulad ng bilog, parisukat, parihaba, at iba pa. Kung ang building blocks ng sining ay magiging pag-aari ng iba dahil sa copyright ay mawawalan ng mga kulay at hugis ang ating mga drowing at paintings. At anong klase ng sining ang walang kulay o hugis?

Ang malikhaing pagsasama ng mga hugis, paghahalo, at pagtatambal ng mga kulay na nagiging painting, drowing, o visual art ang orihinal na expression ng idea ng mga pintor at artist. Ang final product ang may copyright tulad ng nobela sa libro, painting sa canvass, illustration sa teksbuk, design ng t-shirt, o imahen sa eskultura.

Sa larangan ng musika, ang mga nota at tunog ang building blocks. Hindi rin ito maaaring ipa-copyright. Hindi puwedeng sabihin ng biyenan mong nasa kanya ang copyright ng notang C o ng B flat. Kung magkakagayon ay magiging kulang ang ating mga awit, sablay ang mga tunog, at sintunado ang musika.

Ang building blocks na ito ang ginagamit ng mga kompositor, musikero, at lirisista para makalikha ng magagandang kanta at nakakaaliw na musika. Ang awit o musika na final product ng creative process ang siyang binibigyan ng copyright.

Sa larangan naman ng siyensiya, ang mga tuklas o discovery, mga fact at pangalan ay building blocks din kaya hindi ito binibigyan ng copyright.

Halimbawa, ang Conotoxin mula sa marine snail o susong dagat ay tuklas ng dalawang National Scientists na sina Dr. Lourdes J. Cruz at Dr. Baldomero M. Olivera.

Ang Conotoxin o lason ay ginagamit ng mga susong dagat para makahuli ng pagkaing isda, lamandagat, at iba pa. Ang facts tungkol sa conotoxin, pangalan nina Dr. Cruz at Dr. Olivera ay hindi maaaring bigyan ng copyright. Dahil kung may copyright ito ay wala nang makakapagsulat tungkol dito kundi ang may-ari na lang ng copyright.

Para maipaliwanag ng dalawang siyentipiko ang kanilang tuklas ay magsusulat sila ng mga artikulo tungkol sa Conotoxins at mga susong dagat na matatagpuan sa Pilipinas.
Ang kanilang mga artikulo ay gagamit ng building blocks tulad ng kanilang discovery, facts, at mga pangalan.

Ang binibigyan ng copyright ay ang expression ng mga idea. Ang kakaibang paraan ng pagkukuwento, pagtula, pag-awit, o pagpapalabas sa pelikula at entablado ang siyang malikhaing expression ng idea. Kaya para sa ginawa nina Dr. Cruz at Dr. Olivera, tanging ang scientific articles nila ang binibigyan ng copyright.

Pero kahit hindi copyrightable, ang mga ideya at nabanggit na building blocks ay NAPAKAHALAGA. Ang mga ito kasi ang ginagamit para malayang maipalaganap ang naiisip ng mga manunulat, siyentipiko, at artist sa atin.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com

Monday, October 18, 2010

Buhay na Titik: Copyright Para sa mga Likhang Orihinal at Permanente

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS

Copyright Para sa mga Likhang Orihinal at Permanente

Ano ang ibig sabihin ng origihal na akda o likha? Kailan ito maituturing na permanente o fixed?

Masasabing orihinal ang akda o likha kung ito ay likas na nagmula sa author. Ibig sabihin, hindi ito basta kinopya sa ibang akda o likha. Halimbawa, ang bawat pintor ay may sari-sariling paraan ng pagpipinta, may sariling estilo sa paghahalo ng mga kulay, may sariling estilo ng pagpapakita ng perspective. Nakakaapekto rin ang estilo ng art school kung saan siya nag-aral. Kung sakaling hindi siya pormal na nag-aral ng pagpipinta, nakakaapekto rin ito. Pati na ang personal preferences niya, ang subjects na gusto niyang ipinta, at iba pang bagay na nagbibigay sa isang tao ng unique personality. Magiging iba ang kanyang obra sa isang pintor na nag-mula naman sa ibang paaralan o nag-aral sa ilalim ng isa pang pintor, may ibang subject na gustong ipinta at iba pa.


Marami sa mga manunulat ang nakakaranas ng pag-ibig. Pero madalas, magkakaiba ang presentasyon ng bawat isa ng karanasan kapag isinulat na ito. Iyong isa, halimbawa, nakakatawang pag-iibigan sa ilalim ng puno ng kalatsutsi. Iyong isa naman, paglalarawan sa pag-ibig niya para sa mahiwagang anino sa loob ng kanyang kabinet. Iyong isa naman, tumula nang pa-free verse para sa iniibig niyang kaklase mula pa noong kinder at uhugin sila.


Sa madaling salita, orihinal ang akda o likha sapagkat nakadugtong din ito sa unique personality at ibang pang panlabas na impluwensiya ng isang may likha o author.


Permanente o fixed ang likha kung ito ay naisulat na sa papel o sa word processing software. Ang mga canvass na puno ng mga kulay at anyo ay isa ring paraan ng fixation. Para sa sculture, dapat na nalilok na ang imahen sa bato, kahoy, o iba pang materyales.

Ang originality at fixation ay dalawang requirements para maituring na copyrighted work ang isang akda o likha.

Bakit mahalaga ang dalawang criteria na ito? Dahil ang orihinal na expression ng idea at pagfi-fix dito ang batayan para magkaroon ng copyright ang akda o likha. Ang idea ay hindi maaaring magkaroon ng copyright. Halimbawa, pag-ibig, teenager, bampira, taong-lobo o werewolf, love triangle, at iba pa. Ang mga ito ay idea pa lamang.

Hindi rin magkakaroon ng copyright ang idea para sa kuwento o plot ng istorya. Halimbawa, teenager na tao nasangkot sa love triangle ng vampire na mabait at taong-lobo na masama. Ito ay plot pa lamang ng istorya. Kaya hindi pa ito maaaring magkaroon ng copyright.

Ang sinuman na maglalagay ng mga ideyang ito sa papel ay hindi pa magkakaroon ng copyright at karapatan sa isinulat niya. Dahil mga ideya pa rin ang mga ito kahit nakasulat na sa papel.

Pero kung sumulat at nakatapos ka ng isang nobela, tula, o maikling kwento at naisulat mo ito sa papel o sa computer ay mayroon ka nang copyright kaagad. Ang paraan ng pagsusulat mo, paghahalo ng mga pangalan, pandiwa, pang-uri at iba pa ang iyong orihinal na expression ng idea ng isang love triangle ng tao, bampira, at taong-lobo.

Mahalaga ang fixation tulad ng pagsusulat sa papel o pagta-type sa computer dahil ito ang pagkokopyahan ng publisher para ilimbag na ang iyong obra.

Mahalagang nalilok ang imahen sa bato o kahoy, o naipinta sa canvass dahil ito ang makikita ng mga mamimili at mai-didisplay sa mga museo o tahanan.

Hindi mabibigyan ng proteksiyon ang iyong gawa kung ito ay nasa loob lang ng iyong bungo. Hindi ka puwedeng magsampa ng kaso na may lumabag sa iyong copyright dahil nasa isip mo pa lang, hanggang ngayon, ang tulang balak mong isulat noon pang Grade 1 ka, na ngayon ay isinusulat na (at malapit nang matapos) ng iyong biyenan.

Kaya bago ka maunahan ng biyenan mo, magsulat ka na, magpinta, o maglilok ng iyong orihinal na expression ng idea.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Monday, October 11, 2010

Buhay na Titik: Mahalaga ang Malikhaing Gawa ng mga May-akda

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Mahalaga ang Malikhaing Gawa ng mga May-akda


Hindi magiging ganap ang buhay natin kung wala ang likha ng mga may-akda o authors.

Sa larangan ng edukasyon, negosyo, gobyerno, relihiyon, komunikasyon, at entertainment ay ginagamit natin ang malikhaing gawa ng mga authors tulad ng aklat, diyaryo, magasin, journal, mga sermon, website, awit, pelikula, radio show, TV show, computer program, at marami pang iba.

Bago pa man tumuntong sa Grade 1 ang mga bata ay inaaliw na natin sila ng mga pambatang aklat tulad ng Si Pilandok at ang Manok na Nangingitlog ng Ginto ni Victoria Añonuevo o kaya Si Carancal Dangkal ni Rene O. Villañueva.


Sa elementary at high school naman, ang mga aklat ang pangunahing gamit ng mga guro sa pagtuturo ng Filipino, English, Math, Science, Social Studies, at sa halos lahat ng subject. Ginagamit din ang mga website, diyaryo, magasin, journal, awit, at pelikula.

Para mahasa sa pagbabasa, pagsusulat, at paggamit ng wika ay kailangan ng mga batang magbasa ng mga maikling kuwento, tula, at nobela. Bisitahin mo kahit minsan ang inyong public library at sigurado akong mababasa mo ang mga akda nina Rene O. Villanueva, Dr. Luis Gatmaitan, Cristine Belen, Virgilio S. Almario, Eugene Evasco, Carla Pacis, at iba pang may-akda.

Maraming magulang ang naniniwalang kailangan ang mataas na pinag-aralan para makaangat sa buhay. Kaya’t marami ang nagsusumikap na mapag-aral ang mga anak sa kolehiyo. Para mabigyan ng karampatang edukasyon at pagsasanay ang mga estudyante, mas maraming subjects ang kailangan nilang pag-aralan. Mas marami ang kailangang basahin. At pinakamarami naman kung magpapatuloy sa masteral o doctoral degree, o mga kursong abogasiya, medisina, at engineering ang isang estudyante.

At kahit nagta-trabaho o nag-nenegosyo na ay kailangan pa ring magbasa ng likha ng mga may-akda. Continuing education ang tawag sa patuloy na pag-aaral ng mga guro, doktor, inhinyero, abogado, accountant, iba pang propesyonal at maging ang karaniwang mamamayan.

Hindi ba’t kailangan din ng mga taong nasa business na magbasa at makinig sa balita para maging updated ang kanilang kaalaman? Aba, maaaring magpaangat o magpabagsak sa negosyo ang impormasyon tungkol sa industriyang kinabibilangan niya o di kaya sa nangyayari sa paligid kaya’t dapat na alerto ang negosyante rito.

Para naman maaliw ay kailangan nating magbasa ng mga libro, makinig sa mga awit o manood ng mga pelikula o TV shows. At siguradong hindi kompleto ang araw ng biyenan mo kung hindi niya mapapanood ang paboritong niyang teleserye, fantaserye, at koreanovela.

Ang mga likhang ito ay mula sa manunulat at sa pananaliksik ng mga eksperto. Sila ang mga may-akda ng mga likhang kailangan natin para matuto, maaliw, o mapaunlad ang sariling buhay.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.