Monday, October 18, 2010

Buhay na Titik: Copyright Para sa mga Likhang Orihinal at Permanente

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS

Copyright Para sa mga Likhang Orihinal at Permanente

Ano ang ibig sabihin ng origihal na akda o likha? Kailan ito maituturing na permanente o fixed?

Masasabing orihinal ang akda o likha kung ito ay likas na nagmula sa author. Ibig sabihin, hindi ito basta kinopya sa ibang akda o likha. Halimbawa, ang bawat pintor ay may sari-sariling paraan ng pagpipinta, may sariling estilo sa paghahalo ng mga kulay, may sariling estilo ng pagpapakita ng perspective. Nakakaapekto rin ang estilo ng art school kung saan siya nag-aral. Kung sakaling hindi siya pormal na nag-aral ng pagpipinta, nakakaapekto rin ito. Pati na ang personal preferences niya, ang subjects na gusto niyang ipinta, at iba pang bagay na nagbibigay sa isang tao ng unique personality. Magiging iba ang kanyang obra sa isang pintor na nag-mula naman sa ibang paaralan o nag-aral sa ilalim ng isa pang pintor, may ibang subject na gustong ipinta at iba pa.


Marami sa mga manunulat ang nakakaranas ng pag-ibig. Pero madalas, magkakaiba ang presentasyon ng bawat isa ng karanasan kapag isinulat na ito. Iyong isa, halimbawa, nakakatawang pag-iibigan sa ilalim ng puno ng kalatsutsi. Iyong isa naman, paglalarawan sa pag-ibig niya para sa mahiwagang anino sa loob ng kanyang kabinet. Iyong isa naman, tumula nang pa-free verse para sa iniibig niyang kaklase mula pa noong kinder at uhugin sila.


Sa madaling salita, orihinal ang akda o likha sapagkat nakadugtong din ito sa unique personality at ibang pang panlabas na impluwensiya ng isang may likha o author.


Permanente o fixed ang likha kung ito ay naisulat na sa papel o sa word processing software. Ang mga canvass na puno ng mga kulay at anyo ay isa ring paraan ng fixation. Para sa sculture, dapat na nalilok na ang imahen sa bato, kahoy, o iba pang materyales.

Ang originality at fixation ay dalawang requirements para maituring na copyrighted work ang isang akda o likha.

Bakit mahalaga ang dalawang criteria na ito? Dahil ang orihinal na expression ng idea at pagfi-fix dito ang batayan para magkaroon ng copyright ang akda o likha. Ang idea ay hindi maaaring magkaroon ng copyright. Halimbawa, pag-ibig, teenager, bampira, taong-lobo o werewolf, love triangle, at iba pa. Ang mga ito ay idea pa lamang.

Hindi rin magkakaroon ng copyright ang idea para sa kuwento o plot ng istorya. Halimbawa, teenager na tao nasangkot sa love triangle ng vampire na mabait at taong-lobo na masama. Ito ay plot pa lamang ng istorya. Kaya hindi pa ito maaaring magkaroon ng copyright.

Ang sinuman na maglalagay ng mga ideyang ito sa papel ay hindi pa magkakaroon ng copyright at karapatan sa isinulat niya. Dahil mga ideya pa rin ang mga ito kahit nakasulat na sa papel.

Pero kung sumulat at nakatapos ka ng isang nobela, tula, o maikling kwento at naisulat mo ito sa papel o sa computer ay mayroon ka nang copyright kaagad. Ang paraan ng pagsusulat mo, paghahalo ng mga pangalan, pandiwa, pang-uri at iba pa ang iyong orihinal na expression ng idea ng isang love triangle ng tao, bampira, at taong-lobo.

Mahalaga ang fixation tulad ng pagsusulat sa papel o pagta-type sa computer dahil ito ang pagkokopyahan ng publisher para ilimbag na ang iyong obra.

Mahalagang nalilok ang imahen sa bato o kahoy, o naipinta sa canvass dahil ito ang makikita ng mga mamimili at mai-didisplay sa mga museo o tahanan.

Hindi mabibigyan ng proteksiyon ang iyong gawa kung ito ay nasa loob lang ng iyong bungo. Hindi ka puwedeng magsampa ng kaso na may lumabag sa iyong copyright dahil nasa isip mo pa lang, hanggang ngayon, ang tulang balak mong isulat noon pang Grade 1 ka, na ngayon ay isinusulat na (at malapit nang matapos) ng iyong biyenan.

Kaya bago ka maunahan ng biyenan mo, magsulat ka na, magpinta, o maglilok ng iyong orihinal na expression ng idea.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment