Proteksiyon sa Appellations of Origin
Nakainom ka na ba ng Tequila?
Oo? Napatumba mo ba ang bote nito o ikaw ang napatumba nito?
Sikat ang inuming ito sa maraming bars sa iba’t ibang panig ng mundo. Lingid sa kaalaman ng mga manginginom, ang Tequila ay isang lugar sa Mexico na pinagmumulan ng halamang agave na siyang pangunahing sangkap ng nasabing alak.
Ang Tequila ay isang uri ng Intellectual Property na binibigyang-proteksiyon ng gobyerno. Ito ay nakapailalim sa Industrial Property bilang appellation of origin. Ibig sabihin, ang lugar na pinagmulan ng produkto ang siyang madalas na binabangit ng nagbebenta at mamimili kahit ang tinutukoy nila ay ang mismong produkto.
Dahil ang lugar na pinagmulan o lugar kung saan ginagawa ang isang produkto ang siyang kilala ng mamimili, ito na rin ang kanyang tatak. Ang lugar at ang tatak ay nagiging isa. Sa gayon, hindi maaaring maglagay ang sino man ng tatak na Tequila sa kanilang inumin kung hindi naman talaga ito galing doon.
Kaya naman appellations of origin ang tawag sa IP na ito. Pero sa mga produktong alak at may alcohol lang ginagamit ang appellation of origin.
Geographical indication pa rin ang tawag kapag ang mga produktong galing sa isang partikular na rehiyon o bansa tulad ng Marikina shoes at Swiss watch ay nakikilala na sa pangalan ng lugar na pinagmulan ng produkto.
Paalala, mga mambabasa: ang paggamit ng tatak ng iba nang walang pahintulot ay iligal at lumalabag sa karapatan ng mga tunay na may-ari ng tatak.
Panloloko sa mamimili ang paglalagay ng tatak na may appellation of origin kung hindi naman pala totoo ang nakasaad dito. Kaya sa susunod na hihingi ng regalong inumin ang biyenan mo ay tunay na inuming Pinoy ang ibigay mo tulad ng lambanog.
Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment