Showing posts with label Economic rights. Show all posts
Showing posts with label Economic rights. Show all posts

Thursday, December 16, 2010

Buhay na Titik: Iba Pang Karapatan ng Awtor sa Kanyang Gawa

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Iba Pang Karapatan ng Awtor sa Kanyang Gawa


Marami pang karapatan ang awtor sa kanyang gawa. Narito:

Ang adaptation ay ang pagbibigay ng bagong anyo sa isang akda. Halimbawa: ang nobela ni Frida Mujer na "Mingaw" ay ginawang pelikula. Mula sa aklat na binubuo ng mga titik at salita ay naipapaabot ito sa mga consumer o manood sa pamamagitan naman ng mga gumagalaw at nagsasalitang artista.

Kung gagawin namang graphic book o komiks ang "Mingaw" adaptation pa rin ang tawag dahil ang bagong anyo nito ay ang mga guhit mula sa malikhaing kamay ng artist.

Upang ma-adapt ang "Mingaw" kailangang humingi ng permiso ang producer ng pelikula o ang artist at kanyang publisher mula kay Frida Mujer. Kasama rin dito ang kasunduan kung magkano ang karampatang bayad sa pagsasapelikula o pagsasa-graphic book o komiks at ang bahagi o percentage mula sa kita ng bagong anyo ng orihinal na akda.

Kung magustuhan naman sa Korea ang "Mingaw" dahil may mga eksena ito sa Seoul, maaari naman itong isalin sa Korean language.

At ang pagsasadula naman nito sa stage o teatro ay masasabing performance ng akda para sa ibang audience na mahilig sa ala-Broadway na palabas.

At para ma-enjoy nang husto ng biyenan mo ang maiinit na parte ng "Mingaw" ay maaari itong ma-adapt para mai-broadcast sa radyo. Maaari din itong ma-adapt bilang teleserye para naman sa TV. ‘Yon nga lang, pang-gabi ang pagpapalabas dito para tulog na ang mga bata.

Ang siste sa translation, performance, at broadcasting: kailangan talaga ng permiso ni Frida Mujer at kailangan siyang mabigyan ng karampatang bayad para sa bawat transpormasyon ng kanyang akda.

Ang mga dahilan ay
 
1. kikita rin naman ang magsasalin nito sa Korean dahil maraming manonood nito sa Seoul at iba pang panig ng Korea.

2. Mahal ang tiket sa ala-Broadway na pagpapalabas ng "Mingaw" kaya dapat na may kita rin ang awtor dito.
 
3. Ang pagpapalabas o broadcasting nito sa radyo at TV ay isang uri din ng stage show, iba nga lang ang equipment. At siyempre, siguradong kikita ang producers nito dahil maraming sabong panlaba ang mag-aadvertise dito. Kaya "soap opera" ang tawag sa mga show sa radyo at TV noon dahil ang mga nag-a-advertise o sponsor ng show: puro sabon. Kahit na tawagin pang teleserye, fantaserye, telenovela, Koreanovela o Fridanovela, maipapalabas lamang ang "Mingaw" dahil sa mga sponsor nito. At sila ang nagbabayad ng milyong piso sa mga radyo at TV para mas marami ang bumili ng sabon nila.
Masasabing ang mga kumpanyang ganito ay katulad ng mga patron noong panahon ng mga hari at reyna, na-modernize na lang. Ang mayayamang patron lang kasi noon ang may kakayahang magbigay-hanapbuhay sa mga awtor at alagad ng sining.

Parang consumer is king lang ‘yan.Dahil sa totoo lang, ang milyong consumers na bumibili ng mga produkto tulad ng shampoo o cellphone service ang siya namang nagpapalago sa mga kumpanyang ito. At ang mga kumpanya naman ay kailangang regular na mag-advertise sa sikat na mga radio at TV show para parating ma-engganyo ang mga consumer at tangkilikin ang kanilang produkto o serbisyo. At ang mga manunulat, artista, producer, at iba pa ay patuloy na gumagawa ng shows o akda para may maipalabas, maibahagi sa iba at para sila mismo ay mabuhay. Na siya namang hinihintay ng mga manonood at tagapakinig. At siya rin namang hinihintay ng mga kumpanya.

O, di ba, parang cycle lang iyan? Awtor>Frida Mujer>Gawa>Mingaw> Media>Radio at TV>Sponsor> Kumpanya ng sabon o mobile company> Manonood/Consumer> Masang Pinoy. Bibili ang masang Pinoy ng shampoo na magpapalago sa kumpanya na magbabayad sa media na magbabayad kay Frida Mujer. At gagawa ulit ng bagong akda ang awtor dahil may pambili na siya ng pagkain at pambayad sa upa sa bahay at pambayad na ilaw at tubig at pambili ng shampoo. Parang cycle nga. Paikot-ikot lang.

Ang ibang mga karapatang nabanggit ay katulad ng pagbibigay ng bagong anyo sa recipe ng turon ng biyenan mo. Para mas lumaki ang kita ng biyenan mo, i-suggest mo na magluto rin siya ng kamoteron, talongron, kundolron, patolaron, labanosron, at iba pa sa paligid-ligid ng bahay-kubo.


Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Tuesday, November 23, 2010

Buhay na Titik: Reproduction Right Para sa Awtor

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS

Reproduction Right Para sa Awtor

Ang awtor ng orihinal na akda o likha ay binibigyan ng proteksiyon ng batas sa pamamagitan ng copyright. Kung patay na ang awtor, ang copyright ay mapupunta sa kanyang pamilya. At ang pamilya o tagapagmana ng copyright ay may proteksiyon din sa ilalim ng batas sa loob ng 50 taon.

Ibig sabihin ang bawat manunulat, eskultor, pintor, o kompositor ay may karapatan sa kanilang akda o gawa. At kung patay na sila, ang kanilang mga tagapagmana ang may exclusive right o tanging karapatan na gamitin o bigyang awtorisasyon ang ibang tao na gamitin ang nasabing akda o gawa.

Ang copyright ay binubuo ng moral right at economic right. Ang moral right ay ang karapatan ng awtor na makilala bilang siyang may-akda. May karapatan siyang ihinto o bigyang-pahintulot ang anumang hakbang para baguhin ang kanyang akda o gawa. Ang economic right ay ang karapatan ng awtor na kumita at magkaroon ng benepisyo mula sa kanyang pinagpaguran at iyon ay walang iba kundi ang kanyang akda.

Paano nagkakaroon ng kita o benepisyo ang awtor sa kanyang akda o likha? Isa sa mga karapatan ng awtor ang reproduction right. Ito ay ang pagpaparami ng sipi upang mabasa, marinig, o mapanood ng mas maraming tao. Ang right na ito ay nakapaloob din sa copyright.

Noong panahon ng mga hari at reyna, ang pinagmumulan ng kita ng mga awtor, kompositor, eskultor, at pintor ay ang pagkakaroon ng mayaman at makapangyarihang patron o customer tulad ng hari, reyna, prinsipe, prinsesa, papa (pope), o obispo.

Ang mga patron lamang ang may kakayahang magbigay ng libreng tirahan, pagkain, suweldo, gamit, at proteksiyon sa mga malikhaing tao. Halimbawa, ang mga Papa tulad nina Leo X at Julius II ay mga patron ng sikat na pintor na si Michaelangelo. Dahil pinuno ng simbahang Katoliko ang mga ito, ang mga larawang ipininta ni Michaelangelo ay may temang relihiyoso.

Iba-iba naman ang patron ni Leonardo da Vinci kung kaya’t iba-iba rin ang tema ng kanyang sining: may relihiyoso, may portrait ng mga negosyante o di kaya ay noble at ang kanilang mga asawa at marami pang iba.

Ganito rin ang siste sa musika kaya ang ibang komposisyon ni Beethoven ay ginawa para sa kasiyahan ni Prinsipe Lobkowitz na isa sa mga patron niya.

Kumbaga ay naging personal photographer ng mayayaman noon ang mga pintor at personal musician ang mga musikero.

Pero dahil sa teknolohiya ay hindi na kailangan ang ganitong sistema. Kahit ang biyenan mo ay nagiging instant photographer dahil sa bagong cellphone na may camera. At siyempre bawal kang magkomentaryo pag sumigaw siya ng cheese! Ngiti ka naman kahit ang hilig ng biyenan mo kumuha ng picture mula sa tagiliran. Kaya tabingi ang katawan at mga ngiti ninyo sa picture.

Sa ngayon ay bihira na lamang ang mga patron of the arts. Sila ang mayayamang pilantropo na nagtatayo ng mga museo o nagbubukas ng kanilang tahanan para sa mga malikhaing tao tulad ng pamilya Ayala na nagtayo at nagtataguyod ng Ayala Museum. O kaya ay mga korporasyon na nagpapakomisyon ng likhang sining tulad ng Petron Gas. Minsan ay may mga ahensiya rin ng pamahalaan na tumatayong patron ng sining tulad ng National Commission for Culture and the Arts at ng Government Service Insurance System.

At para patuloy na makalikha ang mga awtor at alagad ng sining ay umaasa sila sa isang mahalagang karapatan sa ilalim ng copyright: ang reproduction right o karapatang magparami ng kopya ng kanilang gawa.

Ang reproduction right ang dahilan para mailimbag nang maramihan ang isang akda. Dahil marami ang kopya ay mas marami ang makakabasa at bibili ng akda. Dito kumikita ang awtor (royalty ang tawag dito) at ang publisher. Ito ang bumubuhay sa publishing industry.

Ganito rin ang siste sa music industry. Kailangan din ang music publisher upang mamuhunan sa pagpa-publish ng awit at musika sa mga CD at iba pang media. Ang pagpapatugtog sa mga radio, TV, pelikula, konsiyerto, o commercial establishment ay siyang pinagmumulan ng kita ng mga musikero, kompositor, mang-aawit, at iba pang naghahanap-buhay sa industriya ng musika.

Mahalaga at makapangyarihan ang reproduction right dahil ito ang siyang nagbibigay daan para mas malawak ang maabot na audience ng akda o likha. Ang audience na ito rin ang siyang matatawag na end user o consumer. At dahil ginamit ang akda, na-enjoy at na-consume ng publiko dapat lang na bayaran ang mga gumawa nito: ang mga awtor at publisher.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Wednesday, November 3, 2010

Buhay na Titik: Copyright: Para Naman sa mga Awtor

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright: Para Naman sa mga Awtor


Ang mga may-akda o maylikha ay tinatawag ding awtor. Ang mga awtor ng tula, maikling kuwento, nobela, scientific article, mga sermon, balita, awit, musika, at iba pa ay may karapatan sa kanilang gawa. Gayundin ang mga arkitekto, pintor, visual artist, computer programmer, at iba pang awtor ng mga likhang siyentipiko, pampanitikan, o pansining.

Copyright ang tawag sa proteksiyong ibinibigay ng batas sa mga awtor. Ito ay isang bungkos ng mga karapatan na nasa kamay ng mga awtor habang sila ay nabubuhay. Protektado sila at ang kanilang mga akda hangga’t sila ay nabubuhay sa mundong ibabaw. At mananatili silang protektado hanggang 50 taon mula sa araw ng pagpanaw ng (mga) awtor.

Ang bungkos ng karapatan ay nahahati sa dalawa: ang moral rights at economic rights. Dahil sa moral rights, ang mga awtor ay may karapatang makilala bilang may-akda ng nasabing gawa. Kanila ang byline ng isang akda, sa madaling salita. Ang mga awtor lang din ang may karapatang pigilan o pahintulutan ang sinuman na nais maglapat ng pagbabago sa kanilang orihinal na gawa.

Sa economic rights naman nakapaloob ang karapatan ng mga awtor na kumita o tumanggap ng royalty mula sa kanilang mga gawa.

Ano-ano ang economic rights ng mga awtor? Paano sila maaaring kumita pa sa kanilang mga gawa?

Ang pinakauna ay ang reproduction right o karapatan ng mga awtor na magbigay ng kapangyarihan sa publisher o sinuman na magparami ng kopya ng kanilang akda.

Halimbawa, natipuhan mong isulat ang love story ng biyenan mo at ginawa mo itong nobela. Dapat ay permanente o fixed sa papel o sa computer ang nobela mo. Ito ay para mai-publish ang iyong nobela bilang libro. Siyempre, unang bibili ng libro mo ang iyong biyenan para maipamigay niya sa kanyang mga kalaro sa tong-its. Ito na ang simula ng kita mo bilang nobelista dahil mayroon kang 10-15 % na royalty sa bawat mabebentang nobela mo.

Lalo pang lalaki ang kita mo bilang nobelista kung ang nobela ay ida-dramatize sa entablado, gagawing pelikula, telenobela, at iba pa. At dagdag-kita pa rin kung matipuhan itong isalin sa wikang Korean o Japanese dahil may bayad pa rin na dapat ibigay sa ‘yo kapag ito ay isasalin sa ibang wika.

Sa larangan naman ng pelikula, may bayad din para sa producer, director at iba pa ang pagpapalabas ng isang pelikula sa sinehan. May bayad pa uli kapag ang mga kopya ng pelikula ay pinarerentahan na sa mga awtorisadong rental shop. Oo, kahit hindi na ipinalalabas sa leading malls ang pelikulang ‘yon, dapat ay kumikita pa rin ang mga producer, director, at iba pa.

Para naman sa mga painting, eskultura, at visual arts, maliban sa kita mula sa orihinal na presyo ng mismong artwork ay maaari ding kumita ang awtor/pintor sa pamamagitan ng pagdi-display ng kanyang gawa sa mga museo o exhibition hall o di kaya pagkakalathala sa mga publikasyon.

Sa mga awit at musika naman, kumikita rin dapat ang musikero/mang-aawit sa pamamagitan ng mga benta ng CD o downloads. May bayad din tuwing ang kanilang likha ay gagamitin o aawitin o patutugtugin sa konsiyerto o iba pang commercial establishments tulad ng restawran.

Kaya kung gusto mong kumita nang malaki, maliban sa nobela ay gawan mo na rin ng awit ang biyenan mo at ililok na rin ang masama niyang mukha sa marmol. Malay mo, mag-hit ‘yang kanta na ‘yan sa masa. Malay mo, ma-feature ang marmol niyang mukha sa Louvre Museum sa Paris. Aba, hindi na masama. Di ba?

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.