Wednesday, November 3, 2010

Buhay na Titik: Copyright: Para Naman sa mga Awtor

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright: Para Naman sa mga Awtor


Ang mga may-akda o maylikha ay tinatawag ding awtor. Ang mga awtor ng tula, maikling kuwento, nobela, scientific article, mga sermon, balita, awit, musika, at iba pa ay may karapatan sa kanilang gawa. Gayundin ang mga arkitekto, pintor, visual artist, computer programmer, at iba pang awtor ng mga likhang siyentipiko, pampanitikan, o pansining.

Copyright ang tawag sa proteksiyong ibinibigay ng batas sa mga awtor. Ito ay isang bungkos ng mga karapatan na nasa kamay ng mga awtor habang sila ay nabubuhay. Protektado sila at ang kanilang mga akda hangga’t sila ay nabubuhay sa mundong ibabaw. At mananatili silang protektado hanggang 50 taon mula sa araw ng pagpanaw ng (mga) awtor.

Ang bungkos ng karapatan ay nahahati sa dalawa: ang moral rights at economic rights. Dahil sa moral rights, ang mga awtor ay may karapatang makilala bilang may-akda ng nasabing gawa. Kanila ang byline ng isang akda, sa madaling salita. Ang mga awtor lang din ang may karapatang pigilan o pahintulutan ang sinuman na nais maglapat ng pagbabago sa kanilang orihinal na gawa.

Sa economic rights naman nakapaloob ang karapatan ng mga awtor na kumita o tumanggap ng royalty mula sa kanilang mga gawa.

Ano-ano ang economic rights ng mga awtor? Paano sila maaaring kumita pa sa kanilang mga gawa?

Ang pinakauna ay ang reproduction right o karapatan ng mga awtor na magbigay ng kapangyarihan sa publisher o sinuman na magparami ng kopya ng kanilang akda.

Halimbawa, natipuhan mong isulat ang love story ng biyenan mo at ginawa mo itong nobela. Dapat ay permanente o fixed sa papel o sa computer ang nobela mo. Ito ay para mai-publish ang iyong nobela bilang libro. Siyempre, unang bibili ng libro mo ang iyong biyenan para maipamigay niya sa kanyang mga kalaro sa tong-its. Ito na ang simula ng kita mo bilang nobelista dahil mayroon kang 10-15 % na royalty sa bawat mabebentang nobela mo.

Lalo pang lalaki ang kita mo bilang nobelista kung ang nobela ay ida-dramatize sa entablado, gagawing pelikula, telenobela, at iba pa. At dagdag-kita pa rin kung matipuhan itong isalin sa wikang Korean o Japanese dahil may bayad pa rin na dapat ibigay sa ‘yo kapag ito ay isasalin sa ibang wika.

Sa larangan naman ng pelikula, may bayad din para sa producer, director at iba pa ang pagpapalabas ng isang pelikula sa sinehan. May bayad pa uli kapag ang mga kopya ng pelikula ay pinarerentahan na sa mga awtorisadong rental shop. Oo, kahit hindi na ipinalalabas sa leading malls ang pelikulang ‘yon, dapat ay kumikita pa rin ang mga producer, director, at iba pa.

Para naman sa mga painting, eskultura, at visual arts, maliban sa kita mula sa orihinal na presyo ng mismong artwork ay maaari ding kumita ang awtor/pintor sa pamamagitan ng pagdi-display ng kanyang gawa sa mga museo o exhibition hall o di kaya pagkakalathala sa mga publikasyon.

Sa mga awit at musika naman, kumikita rin dapat ang musikero/mang-aawit sa pamamagitan ng mga benta ng CD o downloads. May bayad din tuwing ang kanilang likha ay gagamitin o aawitin o patutugtugin sa konsiyerto o iba pang commercial establishments tulad ng restawran.

Kaya kung gusto mong kumita nang malaki, maliban sa nobela ay gawan mo na rin ng awit ang biyenan mo at ililok na rin ang masama niyang mukha sa marmol. Malay mo, mag-hit ‘yang kanta na ‘yan sa masa. Malay mo, ma-feature ang marmol niyang mukha sa Louvre Museum sa Paris. Aba, hindi na masama. Di ba?

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment