ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS
Karapatang Pantao ng mga Awtor
Madalas na ang pinagtutuunan ng pansin ng media ay ang human rights violations na dinadanas ng mga journalist at political detainee.
Madali at madalas kasi itong pag-usapan sa radyo o TV. Konting paliwanag lang
ang kailangan kapag mayroong napatay o na-torture, nauunawaan agad ng manonood o tagapakinig ang kahulugan ng human rights. Ika nga, e, plain and simple na
paglabag sa karapatang pantao once na nawalan nang buhay ang tao o kaya ay
sarado na ang mata dahil sa bugbog.
Alam mo bang talamak din ang violations sa human rights ng mga awtor?
Iyan ay sa tuwing hindi sila nababayaran nang sapat!
Teka, teka hindi ka ba nagulat na may human rights din pala ang mga
awtor? Oo naman. Kapag gumamit ka ng akda ng isang awtor o art work ng
isang artist nang walang paalam o sapat na bayad ay nilalabag mo ang
kanyang human rights.
Ayon sa Universal Declaration of Human Rights na inilabas ng United
Nations, ang lahat ng tao ay may karapatang magtrabaho, may layang
pumili ng trabahong gusto niya, magtrabaho sa isang makatarungan at
maayos na lugar, at may proteksiyon laban sa pagkawala ng trabaho. (Artikulo
23.1).
Ang awtor na nagsusulat ng tula, nobela, artikulo, o teksbuk ay
nagtatrabaho rin, hindi ba? Ang pagsusulat ang kanyang kabuhayan upang mapanatiling malakas ang katawan (may pambili ng makakain) at maitaguyod ang pamilya. Ganito rin ang awtor ng painting, drowing, o visual arts. Ito rin ang pinagmumulan ng kita nila para mapakain ang sarili at pamilya.
Kung hindi magiging sapat o tama ang bayad sa awtor, ito ang magiging
dahilan para siya at ang kanyang pamilya ay hindi makakain nang tama o sapat.
Malinaw rin ito sa Universal Declaration of Human Rights kung saan
sinabing ang sinumang nagtatrabaho ay dapat na makatanggap ng just at
favorable na suweldo para sa kanyang sarili at para magkaroon siya ng
kakayahan na bigyan ang kanyang pamilya ng "existence worthy of human
dignity" (Artikulo 23.3).
Ang awtor ng gawang siyentipiko tulad ng scientific articles o
libro, mga gawang panliteratura tulad ng mga tula o nobela, mga gawang
pansining tulad ng mga painting o drowing na nailathala ay nagkakaroon ng
moral at material na interes sa kanilang mga gawa (Artikulo 27.2).
Ang moral na interes ay nagbibigay-karapatan sa awtor na makilala bilang
siyang pinagmulan ng gawa. Bilang "ama" o "ina" ng gawa, dapat lang na
makilala siyang awtor nito. At kasama rito ang pagbibigay-pahintulot sa sinuman na nais gumamit ng kanyang gawa.
Ang materyal na interes naman ay karapatan ng awtor na kumita sa kanyang gawa
dahil ito nga ang kanyang hanapbuhay.
Ano kaya ang mararamdaman mo kung trabaho ka lang nang trabaho pero wala
ka namang suweldo?
Ganito rin ang lagay ang mga awtor. Ang kabuhayan nila ay ang
gumawa ng mga akda o likha. Dahat lang na kumita sila nang sapat dahil
ito ay kasama sa kanilang karapatan bilang mga tagapaglikha.
Subukan mong hindi magbayad sa turon na niluto at ngayon ay ibinebenta ng biyenan mo at siguradong malaking away ito. Bakit? Siyempre, kabuhayan niya ito at dapat lang namang magbayad ka.
Kaya sa susunod na gagamit ka ng akda o likha, pakaisipin mo ang kabuhayan at human rights ng mga lumikha nito.
Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment