Wednesday, November 17, 2010

Buhay na Titik: Pagkakapantay-pantay sa Copyright

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS

Pagkakapantay-pantay sa Copyright

Alam mo bang lahat tayo ay may kaugnayan sa copyright. Nagulat ka, ‘no? Ganito ‘yon: ang copyright ay ‘yong maliit na titik na C sa loob ng isang maliit na bilog. Madalas itong matatagpuan sa mga libro, sa unang pahina to be exact. Kaya ang madalas na alam natin ay para sa libro lamang ang copyright.

Pero hindi. Ang copyright ay proteksiyon na ibinibigay ng batas hindi lang para sa mga libro kundi para sa awit, musika, painting, illustration, drowing, design, tula, nobela, at iba pang akda o likhang siyentipiko, artistiko, at pampanitikan.

Kung ilalagay sa isang balance scale ang copyright, nasa isang bahagi ang consumer, nasa kabila naman ang author.

Alam natin kung sino ang author, di ba? Ang malikhaing tao na nagtiyaga, naglaan ng panahon at naglaan ng resources para lang makapagluwal ng akda o likha.

Hindi biro ang maging isang author dahil matagal na panahon ang ginugugol niya para maging eksperto sa kanyang larang. Halimbawa, para makapagsulat ng teksbuk, mahabang panahon ang iginugugol sa pananaliksik, pagsusulat, at paglilimbag. Hindi puwedeng kahit sino na lang ang magsusulat ng teksbuk na pag-aaralan natin.

Papayag ka bang ang magsusulat ng teksbuk para sa mga doktor ay walang sapat na kaalaman sa anatomy o pag-oopera? Papayag ka bang manirahan sa isang gusaling ginawa ng arkitekto na ang disenyo ay hindi pasok sa standard ng mga gusali?

Maski ang biyenan mo ay hindi magpapagamot kung kaduda-duda ang kakayahan ng doktor. At hindi niya bibilhin ang gusaling ibinebenta sa kanya kung di naman pulido ang disenyo at pagkakagawa nito. (Siyempre alam din naman natin na walang pambili ng building ang biyenan mo. Pero pagbigyan na natin siyang mangarap dito sa ating column.)

At sino naman ang consumer? Aba, tayong lahat ito na nakikinabang sa akda o likha ng author. Consumer tayo. Ibig sabihin nakokonsumo natin ang akda o likha matapos pakinggan ang awit ni Willie Revillame, matapos mahulog sa upuan sa katatawa sa pelikulang Here Comes the Bride, matapos kang ma-inlab at maiyak sa nobela ni Frida Mujer, matapos kang makatangap ng grade sa propesor mong malupit (malaking tulong ang pagbabasa mo ng teksbuk), matapos mong gamitin ang picture o drowing, at iba pa.

Ano ngayon ang ibig sabihin ng pagkakapantay-pantay sa copyright? Ang author ay gumagawa ng akda o likha bilang expression ng kanyang pagkamalikhain. Dalawang interes ang lumalabas sa gawaing ito: moral interest at material interest. Moral interest ay ang karapatan ng author na makilala bilang taong lumikha. Material interest o economic interest ay ang karapatan ng author na kumita mula sa kanyang akda sa pamamagitan ng pagpaparami ng sipi o kopya nito.

Para magkaroon ng balance sa scale na nabanggit ko kanina, dapat lamang na may access o paraan ang consumer na mabasa, marinig o makita ang akda. At hindi ito ma-eenjoy ng mga consumer kung iisa lang ang sipi o kopya ng akda o likha.

Para patuloy na makagawa o makalikha ang author, dapat ay may malakas siyang katawan, sapat na pagkain, tirahan, at iba pang amenities para sa isang disente o makataong pamumuhay.

Magkakaroon lamang ng balance sa scale kung ang bawat consumer na gumagamit ng mga sipi o kopya ng akda o likha ng author ay magbabayad nang sapat. Kabuhayan ito ng author kaya dapat lang na mabuhay siya nang marangal mula sa katas ng kanyang pinagpaguran.

Ang pagkakapantay-pantay sa copyright ay matatamo kung ang moral at materyal na interes ng author ay pinapahalagahan ng mga consumer habang ang mga consumer naman ay nakaka-access o may paraan para magamit ang akda o likha ng author.

Ang proteksiyon ng copyright ay iginagawad lamang sa lifetime ng author at 50 taon matapos siyang mamatay. Pagkalampas nito, ang akda o likha ay matatawag na out of copyright. Mapupunta na ito sa public domain kung saan maaari na itong gamitin ng publiko kahit kailan at sa anumang paraan.

Sa proteksiyong ito, masasabing nakinabang na ang author at ang kanyang mga anak o apo. At pag nasa public domain na ay malaya na itong magagamit ng iba pang author o ng publiko.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment