Showing posts with label Frida Mujer. Show all posts
Showing posts with label Frida Mujer. Show all posts

Thursday, December 16, 2010

Buhay na Titik: Iba Pang Karapatan ng Awtor sa Kanyang Gawa

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Iba Pang Karapatan ng Awtor sa Kanyang Gawa


Marami pang karapatan ang awtor sa kanyang gawa. Narito:

Ang adaptation ay ang pagbibigay ng bagong anyo sa isang akda. Halimbawa: ang nobela ni Frida Mujer na "Mingaw" ay ginawang pelikula. Mula sa aklat na binubuo ng mga titik at salita ay naipapaabot ito sa mga consumer o manood sa pamamagitan naman ng mga gumagalaw at nagsasalitang artista.

Kung gagawin namang graphic book o komiks ang "Mingaw" adaptation pa rin ang tawag dahil ang bagong anyo nito ay ang mga guhit mula sa malikhaing kamay ng artist.

Upang ma-adapt ang "Mingaw" kailangang humingi ng permiso ang producer ng pelikula o ang artist at kanyang publisher mula kay Frida Mujer. Kasama rin dito ang kasunduan kung magkano ang karampatang bayad sa pagsasapelikula o pagsasa-graphic book o komiks at ang bahagi o percentage mula sa kita ng bagong anyo ng orihinal na akda.

Kung magustuhan naman sa Korea ang "Mingaw" dahil may mga eksena ito sa Seoul, maaari naman itong isalin sa Korean language.

At ang pagsasadula naman nito sa stage o teatro ay masasabing performance ng akda para sa ibang audience na mahilig sa ala-Broadway na palabas.

At para ma-enjoy nang husto ng biyenan mo ang maiinit na parte ng "Mingaw" ay maaari itong ma-adapt para mai-broadcast sa radyo. Maaari din itong ma-adapt bilang teleserye para naman sa TV. ‘Yon nga lang, pang-gabi ang pagpapalabas dito para tulog na ang mga bata.

Ang siste sa translation, performance, at broadcasting: kailangan talaga ng permiso ni Frida Mujer at kailangan siyang mabigyan ng karampatang bayad para sa bawat transpormasyon ng kanyang akda.

Ang mga dahilan ay
 
1. kikita rin naman ang magsasalin nito sa Korean dahil maraming manonood nito sa Seoul at iba pang panig ng Korea.

2. Mahal ang tiket sa ala-Broadway na pagpapalabas ng "Mingaw" kaya dapat na may kita rin ang awtor dito.
 
3. Ang pagpapalabas o broadcasting nito sa radyo at TV ay isang uri din ng stage show, iba nga lang ang equipment. At siyempre, siguradong kikita ang producers nito dahil maraming sabong panlaba ang mag-aadvertise dito. Kaya "soap opera" ang tawag sa mga show sa radyo at TV noon dahil ang mga nag-a-advertise o sponsor ng show: puro sabon. Kahit na tawagin pang teleserye, fantaserye, telenovela, Koreanovela o Fridanovela, maipapalabas lamang ang "Mingaw" dahil sa mga sponsor nito. At sila ang nagbabayad ng milyong piso sa mga radyo at TV para mas marami ang bumili ng sabon nila.
Masasabing ang mga kumpanyang ganito ay katulad ng mga patron noong panahon ng mga hari at reyna, na-modernize na lang. Ang mayayamang patron lang kasi noon ang may kakayahang magbigay-hanapbuhay sa mga awtor at alagad ng sining.

Parang consumer is king lang ‘yan.Dahil sa totoo lang, ang milyong consumers na bumibili ng mga produkto tulad ng shampoo o cellphone service ang siya namang nagpapalago sa mga kumpanyang ito. At ang mga kumpanya naman ay kailangang regular na mag-advertise sa sikat na mga radio at TV show para parating ma-engganyo ang mga consumer at tangkilikin ang kanilang produkto o serbisyo. At ang mga manunulat, artista, producer, at iba pa ay patuloy na gumagawa ng shows o akda para may maipalabas, maibahagi sa iba at para sila mismo ay mabuhay. Na siya namang hinihintay ng mga manonood at tagapakinig. At siya rin namang hinihintay ng mga kumpanya.

O, di ba, parang cycle lang iyan? Awtor>Frida Mujer>Gawa>Mingaw> Media>Radio at TV>Sponsor> Kumpanya ng sabon o mobile company> Manonood/Consumer> Masang Pinoy. Bibili ang masang Pinoy ng shampoo na magpapalago sa kumpanya na magbabayad sa media na magbabayad kay Frida Mujer. At gagawa ulit ng bagong akda ang awtor dahil may pambili na siya ng pagkain at pambayad sa upa sa bahay at pambayad na ilaw at tubig at pambili ng shampoo. Parang cycle nga. Paikot-ikot lang.

Ang ibang mga karapatang nabanggit ay katulad ng pagbibigay ng bagong anyo sa recipe ng turon ng biyenan mo. Para mas lumaki ang kita ng biyenan mo, i-suggest mo na magluto rin siya ng kamoteron, talongron, kundolron, patolaron, labanosron, at iba pa sa paligid-ligid ng bahay-kubo.


Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Wednesday, November 17, 2010

Buhay na Titik: Pagkakapantay-pantay sa Copyright

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS

Pagkakapantay-pantay sa Copyright

Alam mo bang lahat tayo ay may kaugnayan sa copyright. Nagulat ka, ‘no? Ganito ‘yon: ang copyright ay ‘yong maliit na titik na C sa loob ng isang maliit na bilog. Madalas itong matatagpuan sa mga libro, sa unang pahina to be exact. Kaya ang madalas na alam natin ay para sa libro lamang ang copyright.

Pero hindi. Ang copyright ay proteksiyon na ibinibigay ng batas hindi lang para sa mga libro kundi para sa awit, musika, painting, illustration, drowing, design, tula, nobela, at iba pang akda o likhang siyentipiko, artistiko, at pampanitikan.

Kung ilalagay sa isang balance scale ang copyright, nasa isang bahagi ang consumer, nasa kabila naman ang author.

Alam natin kung sino ang author, di ba? Ang malikhaing tao na nagtiyaga, naglaan ng panahon at naglaan ng resources para lang makapagluwal ng akda o likha.

Hindi biro ang maging isang author dahil matagal na panahon ang ginugugol niya para maging eksperto sa kanyang larang. Halimbawa, para makapagsulat ng teksbuk, mahabang panahon ang iginugugol sa pananaliksik, pagsusulat, at paglilimbag. Hindi puwedeng kahit sino na lang ang magsusulat ng teksbuk na pag-aaralan natin.

Papayag ka bang ang magsusulat ng teksbuk para sa mga doktor ay walang sapat na kaalaman sa anatomy o pag-oopera? Papayag ka bang manirahan sa isang gusaling ginawa ng arkitekto na ang disenyo ay hindi pasok sa standard ng mga gusali?

Maski ang biyenan mo ay hindi magpapagamot kung kaduda-duda ang kakayahan ng doktor. At hindi niya bibilhin ang gusaling ibinebenta sa kanya kung di naman pulido ang disenyo at pagkakagawa nito. (Siyempre alam din naman natin na walang pambili ng building ang biyenan mo. Pero pagbigyan na natin siyang mangarap dito sa ating column.)

At sino naman ang consumer? Aba, tayong lahat ito na nakikinabang sa akda o likha ng author. Consumer tayo. Ibig sabihin nakokonsumo natin ang akda o likha matapos pakinggan ang awit ni Willie Revillame, matapos mahulog sa upuan sa katatawa sa pelikulang Here Comes the Bride, matapos kang ma-inlab at maiyak sa nobela ni Frida Mujer, matapos kang makatangap ng grade sa propesor mong malupit (malaking tulong ang pagbabasa mo ng teksbuk), matapos mong gamitin ang picture o drowing, at iba pa.

Ano ngayon ang ibig sabihin ng pagkakapantay-pantay sa copyright? Ang author ay gumagawa ng akda o likha bilang expression ng kanyang pagkamalikhain. Dalawang interes ang lumalabas sa gawaing ito: moral interest at material interest. Moral interest ay ang karapatan ng author na makilala bilang taong lumikha. Material interest o economic interest ay ang karapatan ng author na kumita mula sa kanyang akda sa pamamagitan ng pagpaparami ng sipi o kopya nito.

Para magkaroon ng balance sa scale na nabanggit ko kanina, dapat lamang na may access o paraan ang consumer na mabasa, marinig o makita ang akda. At hindi ito ma-eenjoy ng mga consumer kung iisa lang ang sipi o kopya ng akda o likha.

Para patuloy na makagawa o makalikha ang author, dapat ay may malakas siyang katawan, sapat na pagkain, tirahan, at iba pang amenities para sa isang disente o makataong pamumuhay.

Magkakaroon lamang ng balance sa scale kung ang bawat consumer na gumagamit ng mga sipi o kopya ng akda o likha ng author ay magbabayad nang sapat. Kabuhayan ito ng author kaya dapat lang na mabuhay siya nang marangal mula sa katas ng kanyang pinagpaguran.

Ang pagkakapantay-pantay sa copyright ay matatamo kung ang moral at materyal na interes ng author ay pinapahalagahan ng mga consumer habang ang mga consumer naman ay nakaka-access o may paraan para magamit ang akda o likha ng author.

Ang proteksiyon ng copyright ay iginagawad lamang sa lifetime ng author at 50 taon matapos siyang mamatay. Pagkalampas nito, ang akda o likha ay matatawag na out of copyright. Mapupunta na ito sa public domain kung saan maaari na itong gamitin ng publiko kahit kailan at sa anumang paraan.

Sa proteksiyong ito, masasabing nakinabang na ang author at ang kanyang mga anak o apo. At pag nasa public domain na ay malaya na itong magagamit ng iba pang author o ng publiko.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.