Thursday, December 16, 2010

Buhay na Titik: Iba Pang Karapatan ng Awtor sa Kanyang Gawa

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Iba Pang Karapatan ng Awtor sa Kanyang Gawa


Marami pang karapatan ang awtor sa kanyang gawa. Narito:

Ang adaptation ay ang pagbibigay ng bagong anyo sa isang akda. Halimbawa: ang nobela ni Frida Mujer na "Mingaw" ay ginawang pelikula. Mula sa aklat na binubuo ng mga titik at salita ay naipapaabot ito sa mga consumer o manood sa pamamagitan naman ng mga gumagalaw at nagsasalitang artista.

Kung gagawin namang graphic book o komiks ang "Mingaw" adaptation pa rin ang tawag dahil ang bagong anyo nito ay ang mga guhit mula sa malikhaing kamay ng artist.

Upang ma-adapt ang "Mingaw" kailangang humingi ng permiso ang producer ng pelikula o ang artist at kanyang publisher mula kay Frida Mujer. Kasama rin dito ang kasunduan kung magkano ang karampatang bayad sa pagsasapelikula o pagsasa-graphic book o komiks at ang bahagi o percentage mula sa kita ng bagong anyo ng orihinal na akda.

Kung magustuhan naman sa Korea ang "Mingaw" dahil may mga eksena ito sa Seoul, maaari naman itong isalin sa Korean language.

At ang pagsasadula naman nito sa stage o teatro ay masasabing performance ng akda para sa ibang audience na mahilig sa ala-Broadway na palabas.

At para ma-enjoy nang husto ng biyenan mo ang maiinit na parte ng "Mingaw" ay maaari itong ma-adapt para mai-broadcast sa radyo. Maaari din itong ma-adapt bilang teleserye para naman sa TV. ‘Yon nga lang, pang-gabi ang pagpapalabas dito para tulog na ang mga bata.

Ang siste sa translation, performance, at broadcasting: kailangan talaga ng permiso ni Frida Mujer at kailangan siyang mabigyan ng karampatang bayad para sa bawat transpormasyon ng kanyang akda.

Ang mga dahilan ay
 
1. kikita rin naman ang magsasalin nito sa Korean dahil maraming manonood nito sa Seoul at iba pang panig ng Korea.

2. Mahal ang tiket sa ala-Broadway na pagpapalabas ng "Mingaw" kaya dapat na may kita rin ang awtor dito.
 
3. Ang pagpapalabas o broadcasting nito sa radyo at TV ay isang uri din ng stage show, iba nga lang ang equipment. At siyempre, siguradong kikita ang producers nito dahil maraming sabong panlaba ang mag-aadvertise dito. Kaya "soap opera" ang tawag sa mga show sa radyo at TV noon dahil ang mga nag-a-advertise o sponsor ng show: puro sabon. Kahit na tawagin pang teleserye, fantaserye, telenovela, Koreanovela o Fridanovela, maipapalabas lamang ang "Mingaw" dahil sa mga sponsor nito. At sila ang nagbabayad ng milyong piso sa mga radyo at TV para mas marami ang bumili ng sabon nila.
Masasabing ang mga kumpanyang ganito ay katulad ng mga patron noong panahon ng mga hari at reyna, na-modernize na lang. Ang mayayamang patron lang kasi noon ang may kakayahang magbigay-hanapbuhay sa mga awtor at alagad ng sining.

Parang consumer is king lang ‘yan.Dahil sa totoo lang, ang milyong consumers na bumibili ng mga produkto tulad ng shampoo o cellphone service ang siya namang nagpapalago sa mga kumpanyang ito. At ang mga kumpanya naman ay kailangang regular na mag-advertise sa sikat na mga radio at TV show para parating ma-engganyo ang mga consumer at tangkilikin ang kanilang produkto o serbisyo. At ang mga manunulat, artista, producer, at iba pa ay patuloy na gumagawa ng shows o akda para may maipalabas, maibahagi sa iba at para sila mismo ay mabuhay. Na siya namang hinihintay ng mga manonood at tagapakinig. At siya rin namang hinihintay ng mga kumpanya.

O, di ba, parang cycle lang iyan? Awtor>Frida Mujer>Gawa>Mingaw> Media>Radio at TV>Sponsor> Kumpanya ng sabon o mobile company> Manonood/Consumer> Masang Pinoy. Bibili ang masang Pinoy ng shampoo na magpapalago sa kumpanya na magbabayad sa media na magbabayad kay Frida Mujer. At gagawa ulit ng bagong akda ang awtor dahil may pambili na siya ng pagkain at pambayad sa upa sa bahay at pambayad na ilaw at tubig at pambili ng shampoo. Parang cycle nga. Paikot-ikot lang.

Ang ibang mga karapatang nabanggit ay katulad ng pagbibigay ng bagong anyo sa recipe ng turon ng biyenan mo. Para mas lumaki ang kita ng biyenan mo, i-suggest mo na magluto rin siya ng kamoteron, talongron, kundolron, patolaron, labanosron, at iba pa sa paligid-ligid ng bahay-kubo.


Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment