Sunday, December 12, 2010

Buhay na Titik: Mga Dahilan ng Paglikha

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Mga Dahilan ng Paglikha


Bakit nga ba tayo lumilikha ng awit at musika, tula at nobela, painting at eskultura, sayaw at pelikula?

Sapagkat ito ay likas sa atin bilang tao. Ang paglikha ang siyang nagpapakita ng pag-iral ng isip at imahinasyon natin. Ang ibang nilalang sa mundo ay may utak din pero tayong mga tao lamang ang may kakayahang mag-isip, mag-imagine, at maglagay sa physical o visible form ng mga naiisip natin.

Masasabing ang paglikha ay sagot sa dalawang pangangailangan. Una ay para magbigay- solusyon sa isang problema. Ikalawa, para maihayag ang laman ng isip.

Halimbawa, kailangan natin ang tubig para mabuhay. Kaya lang, kailangang may lalagyan ang tubig para madali natin itong mainom. Puwede namang gamitin na lang ang kamay sa pag-inom. Pero pa’no kung madumi ang kamay natin? Ito siguro ang dahilan para ang mga sinaunang tao ay kumuha ng kahoy o bato na puwedeng gawing lalagyan ng tubig. Mula rito ay gumawa na sila ng mga basong mula sa putik o kaya nililok sa kahoy. Di nagtagal ay sa metal na at sa glass.

Dahil kailangan nating maghayag ng ating pagkamalikhain, ang metal na baso ay nagkaroon ng iba’t ibang hugis at nagkadekorasyon na rin. Maging ang mga basong babasagin ay nagkaroon ng mga kurba, kulay, at disenyo.

Ganito rin ang nangyari sa sandalyas at sapatos. Ito ay solusyon para magbigyang-proteksiyon ang mga paa habang naglalakad. Pero dahil sa pagkamalikhain natin, iba’t iba ang disenyo, kulay, at porma ng mga ito.

Ang mga likha tulad ng awit at musika ay solusyon din sa problema. Noong bago pa maimbento ang pagsusulat at imprenta ay sa pamamagitan ng awit at musika lamang naisasalin ang kaalaman at kuwentong buhay ng sinaunang tao. Para hindi malimutan ang kuwento o kasaysayan ng isang pangkat ng tao ay inaawit ito at ipinamememorya sa mga bata para sila naman ang aawit at magkukuwento sa mga bagong kasapi ng pangkat.

Ngayong meron nang pansulat, imprenta, at computer, ang awit at iba pang likha ay naging solusyon para masabi ang mga saloobin. Puwedeng ang awit, tula o nobela ay pagsisiwalat ng galit sa korap na pinuno ng gobyerno. Puwede ring ang likha ay para mabigyang-solusyon ang problema sa kamangmangan. Puwede ring ang likha tulad ng painting ay pagbibigay-pugay sa isang mahal sa buhay o bayani.

Sa ngayon, ang paglikha ay kadalasang paghahayag ng pagiging creative. Hindi na kailangang lumikha ng baso dahil matagal na itong nalikha pero kailangang lumikha ng basong may bagong hugis, kulay, at disenyo. Bakit? Kasi nababato ang isip natin pag pare-pareho lang ang nakikita natin. Kailangan natin ng novelty o anumang bago sa paningin. Kailangan natin ng iba’t ibang hugis, kulay at disenyo para maaliw ang ating mata at siyempre ang isip.

Sa ngayon, ang dahilan sa paglikha ay para patuloy na malabanan ang problema ng kamangmangan at patuloy na maaliw ang isip ng mga taong nagbabasa, nakikinig, at nanonood. Kailangang labanan ang kamangmangan at pagkabato dahil puwede nating ikamatay ang mga iyan. Kailangan ng talino para umunlad ang buhay. At ang mangmang ang siyang napag-iiwanan. Kailangang maaliw para laging sariwa ang pananaw at may “flavor” ang buhay natin. At ang mga taong bato lang ang siyang tinaguriang “living dead”: buhay ang katawan pero patay ang isip.

Bakit dapat mong ayain ang biyenan mong umawit, magsayaw, magbasa, manood ng sine, at tumula? Alam mo na.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang safilcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment