Wednesday, December 29, 2010

FILCOLS Booth sa Dagat ng Talinghaga








Lumahok ang Filipinas Copyright Licensing Society, Inc. (FILCOLS) bilang exhibitor sa katatapos lamang na Pambansang Kumperensiya sa Panulaang Filipino. Ito ay ginanap noong 25-26 Nobyembre 2010 sa unang palapag ng Bulwagang Rizal, Faculty Center, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City.



Ang FILCOLS ay namukod-tanging exhibitor mula sa hanay ng mga exhibitor/publisher na lumahok sa pampanitikang okasyon. Sa gitna ng dagat ng mga aklat na karamihan ay ukol sa tula at talinghaga, ang booth lamang ng FILCOLS ang hindi nagbenta ng aklat. Bagkus ay namigay ito ng mga libreng IEC material mula sa Intellectual Property Office of the Philippines at mga membership form ng FILCOLS. Namudmod ng IEC materials at forms ang FILCOLS sa mga makata at manunulat na dumalo sa kumperensiya at sa mga manunulat/propesor mula sa Unibersidad ng Pilipinas.



Isa pang layunin ng paglahok ng FILCOLS sa okasyong ito ay upang maipakita ang suporta ng FILCOLS sa mga makatang Filipino. Buong mga tula ng ilang piling makatang Filipino ang kadalasang pinag-aaralan sa high school at kolehiyo. At kadalasan ding pino-photocopy nang buo ang mga tulang ito kung walang kopya ng aklat na paghahanguan ng tula ang mga estudyante. Walang tinatanggap ang mga makatang Filipino mula sa ganitong pagpo-photocopy ng kanilang mga tula.



Ang Pambansang Kumperensiya sa Panulaang Filipino ay hatid ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, (LIRA) isang organisasyon ng mga makatang nagsusulat sa wikang Filipino, sa tulong ng Vibal Foundation.

No comments:

Post a Comment