Wednesday, December 29, 2010

Mga Likha at Pamumuhay

Buhay na Titik
ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS





Alam mo ba na ang pinakamahalagang bahagi ng koleksiyon ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas ay ang mga orihinal na kopya ng “Noli Me Tangere,” “El Filibusterismo,” at “Mi Ultimo Adios” ni Jose Rizal?


Nakakandado at napapalibutan ng komplikadong security systems ang mga akdang nabanggit sapagkat maikukumpara ang mga ito sa halaga ng ginto. Bilang national treasure, kailangang ingatan at protektahan ang mga ito.


Maliban sa may halagang pangkasaysayan at pampanitikan, ang mga akdang ito ni Rizal ang nagsisilbing salamin ng buhay ng mga Pilipino noong panahon ng Espanyol. Sa pamamagitan ng mga titik, salita, at pangungusap ay nabuo ang mga larawan ng mga Pilipino at maging ang kanilang saloobin, estilo ng pananamit, paboritong pagkain, itsura ng loob at labas ng mga gusali, at pangkalahatang overview ng pamumuhay noon.


Hindi kompleto ang ating larawan ng nakalipas kung wala ang mga akdang ito ni Rizal. Sa pamamagitan ng mga ito, patuloy na nabubuhay ang mga karakter nina Padre Damaso, Maria Clara, Ibarra, Pilosopo Tasyo, Isagani, at iba pa.


Ang mga likhang tulad ng tula, nobela, maikling kuwento, awit, eskultura, painting, at iba pa ay mahahalagang batis o source ng uri at/o antas ng pamumuhay ng isang yugto ng panahon.


Noong bago dumating ang unang Kastila sa Pilipinas, ang sinaunang tulang ito ay naglalarawan kung paanong nag-aalala ang isang tao sa kanyang minamahal:


Umulan man sa bundok,
Huwag sa dakong laot.
Aba si Kasampalok,
Nanaw nang di ko loob,
Walang baonang kumot.


Ang sinaunang tula ay natuklasan ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio S. Almario sa mga pahina ng diksiyonaryong Vocabulario de la Lengua Tagala.


Ihambing natin ito sa ilang linya mula sa makabagong tula ni Abdon M. Balde, Jr. na “Tren, tren, tren!”


Tren, tren, tren!
Pagkaganda-ganda
Ng aking umaga!
Mutyang nakilala
Sa Pasay kanina’y
Itsurang artista;
Sa Cubao din pala
Nag-oopisina.



Malinaw na iba na ang uri ng pamumuhay batay sa mga linya ng tulang ito. May pangalan na ang mga lugar at hindi na basta bundok o laot. Mayroon nang tren na sasakyang tumatawid sa magkalayong lugar ng Pasay at Cubao. Ang sukatan ng ganda ay kung may hawig na artista. At ang mukha ng artista ay kilala dahil sa panonood ng telebisyon at pelikula. Ang hanapbuhay ay pag-oopisina sa lugar na malayo sa tirahan (kaya kailangan pang sumakay ng tren). At hindi na kailangang magbaon ng kumot pag pumupunta roon.


Mahalaga ang mga likha noon sapagkat ang mga ito ang salamin ng mga nagdaang pamumuhay. Mahalaga ang mga likha ngayon sapagkat ang mga ito ang nagtatala ng ating kasalukuyang pamumuhay.


Kaya’t dapat lang na bukod sa pinahahalagahan at tinatangkilik ay pino-protektahan din ang mga akdang ito. Isang paraan ay ang paggalang sa kung sino ang lumikha ng mga akda.


Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.


Ang Buhay na Titik ay isang kolum na lumalabas sa Responde Cavite, isang lingguhang pahayagan mula sa Cavite City.

No comments:

Post a Comment