Reproduction Right, Isa pang Karapatan ng Awtor sa Kanyang Gawa
Masarap kumain ng bagong lutong turon lalo na kung ang turon ay ‘yong napupuluputan ng matatabang hiwa ng langka. Pagkakain, dapat lang na magbayad ka dahil kabuhayan ito ng iyong biyenan. Burp.
Puwede nating ihambing ang turon sa isang gawa o akda ng awtor. At ang pagkain o pag-ubos dito ay maituturing ding pagkonsumo ng akda o likha. Ang kakaibang lasa dahil sa espesyal na timpla ay ang orihinal na expression ng ideya na siya namang binibigyan ng copyright. Para naman sa kakaibang lasa ng turo ng biyenan mo, maaaring iparehistro ito bilang isang trade secret. May ganyan. Halimbawa na lang ay ang timpla ng Coke o di kaya ay ang timpla ng barbecue sauce sa Aristocrat Restaurant.
Bukas sa lahat ng nais magmeryenda ang isang turon basta’t ito ay ibinibenta. Maihahambing naman ito sa karapatan ng publiko na ma-access ang isang akda o likha. At ang pagbibigay ng tamang bayad para sa isang turon doon sa nagluto ng turon ay katumbas naman ng just remuneration o karampatang bayad ng publiko sa pagkonsumo ng akda o likha.
Hindi lang isang turon ang niluluto ng biyenan mo, di ba? Maraming-marami, mga 500 piraso sa isang araw, para marami din siyang mabentahan na tao. Kikita siya nang marami kahit iisa lang naman ang lasa ng kanyang turon.
Ito naman ay ang reproduction right o karapatan ng awtor na magparami ng sipi ng kanyang akda o likha para mas marami din ang makakonsumo nito. Siyempre, mas marami ang mag-e-enjoy o matututo, at ang balik, siyempre ay mas marami ang magbabayad na siyang bahagi ng ikinabubuhay ng awtor.
Kaya masasabing ang bawat gawa at ang mga sipi nito ay may economic power. Ibig sabihin, kaya nitong kumita. Ibig sabihin, kaya nitong magbigay-buhay. Sino ang bibigyang-buhay? E, di iyong gumawa ng bawat gawa at mga sipi.
Samakatuwid, ang gawa at mga sipi ay kabilang sa hanapbuhay ng mga awtor.
Ito ba ay ayon sa batas? Aba’y oo naman.
Ayon sa Intellectual Property Code of the Philippines (mula sec. 177), ang awtor ay may mga karapatan, bukod sa reproduction right, tulad ng adaptasyon, pagsasalin, pagtatanghal at pagbo-broadcast ng kanyang mga akda.
Ang salitang right diyan ay kumakatawan sa dalawang karapatan: ang moral right at ang economic right. Moral, karapatan na kilalanin bilang awtor, at economic, karapatan na kumita bilang orihinal na tagapaglikha.
Sa susunod na Buhay na Titik, tatalakayin naman natin ang iba pang mga karapatan tulad ng adaptasyon, pagsasalin, pagtatanghal at pagbo-broadcast ng mga akda ng isang awtor.
Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment