Tuesday, November 23, 2010

Buhay na Titik: Reproduction Right Para sa Awtor

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS

Reproduction Right Para sa Awtor

Ang awtor ng orihinal na akda o likha ay binibigyan ng proteksiyon ng batas sa pamamagitan ng copyright. Kung patay na ang awtor, ang copyright ay mapupunta sa kanyang pamilya. At ang pamilya o tagapagmana ng copyright ay may proteksiyon din sa ilalim ng batas sa loob ng 50 taon.

Ibig sabihin ang bawat manunulat, eskultor, pintor, o kompositor ay may karapatan sa kanilang akda o gawa. At kung patay na sila, ang kanilang mga tagapagmana ang may exclusive right o tanging karapatan na gamitin o bigyang awtorisasyon ang ibang tao na gamitin ang nasabing akda o gawa.

Ang copyright ay binubuo ng moral right at economic right. Ang moral right ay ang karapatan ng awtor na makilala bilang siyang may-akda. May karapatan siyang ihinto o bigyang-pahintulot ang anumang hakbang para baguhin ang kanyang akda o gawa. Ang economic right ay ang karapatan ng awtor na kumita at magkaroon ng benepisyo mula sa kanyang pinagpaguran at iyon ay walang iba kundi ang kanyang akda.

Paano nagkakaroon ng kita o benepisyo ang awtor sa kanyang akda o likha? Isa sa mga karapatan ng awtor ang reproduction right. Ito ay ang pagpaparami ng sipi upang mabasa, marinig, o mapanood ng mas maraming tao. Ang right na ito ay nakapaloob din sa copyright.

Noong panahon ng mga hari at reyna, ang pinagmumulan ng kita ng mga awtor, kompositor, eskultor, at pintor ay ang pagkakaroon ng mayaman at makapangyarihang patron o customer tulad ng hari, reyna, prinsipe, prinsesa, papa (pope), o obispo.

Ang mga patron lamang ang may kakayahang magbigay ng libreng tirahan, pagkain, suweldo, gamit, at proteksiyon sa mga malikhaing tao. Halimbawa, ang mga Papa tulad nina Leo X at Julius II ay mga patron ng sikat na pintor na si Michaelangelo. Dahil pinuno ng simbahang Katoliko ang mga ito, ang mga larawang ipininta ni Michaelangelo ay may temang relihiyoso.

Iba-iba naman ang patron ni Leonardo da Vinci kung kaya’t iba-iba rin ang tema ng kanyang sining: may relihiyoso, may portrait ng mga negosyante o di kaya ay noble at ang kanilang mga asawa at marami pang iba.

Ganito rin ang siste sa musika kaya ang ibang komposisyon ni Beethoven ay ginawa para sa kasiyahan ni Prinsipe Lobkowitz na isa sa mga patron niya.

Kumbaga ay naging personal photographer ng mayayaman noon ang mga pintor at personal musician ang mga musikero.

Pero dahil sa teknolohiya ay hindi na kailangan ang ganitong sistema. Kahit ang biyenan mo ay nagiging instant photographer dahil sa bagong cellphone na may camera. At siyempre bawal kang magkomentaryo pag sumigaw siya ng cheese! Ngiti ka naman kahit ang hilig ng biyenan mo kumuha ng picture mula sa tagiliran. Kaya tabingi ang katawan at mga ngiti ninyo sa picture.

Sa ngayon ay bihira na lamang ang mga patron of the arts. Sila ang mayayamang pilantropo na nagtatayo ng mga museo o nagbubukas ng kanilang tahanan para sa mga malikhaing tao tulad ng pamilya Ayala na nagtayo at nagtataguyod ng Ayala Museum. O kaya ay mga korporasyon na nagpapakomisyon ng likhang sining tulad ng Petron Gas. Minsan ay may mga ahensiya rin ng pamahalaan na tumatayong patron ng sining tulad ng National Commission for Culture and the Arts at ng Government Service Insurance System.

At para patuloy na makalikha ang mga awtor at alagad ng sining ay umaasa sila sa isang mahalagang karapatan sa ilalim ng copyright: ang reproduction right o karapatang magparami ng kopya ng kanilang gawa.

Ang reproduction right ang dahilan para mailimbag nang maramihan ang isang akda. Dahil marami ang kopya ay mas marami ang makakabasa at bibili ng akda. Dito kumikita ang awtor (royalty ang tawag dito) at ang publisher. Ito ang bumubuhay sa publishing industry.

Ganito rin ang siste sa music industry. Kailangan din ang music publisher upang mamuhunan sa pagpa-publish ng awit at musika sa mga CD at iba pang media. Ang pagpapatugtog sa mga radio, TV, pelikula, konsiyerto, o commercial establishment ay siyang pinagmumulan ng kita ng mga musikero, kompositor, mang-aawit, at iba pang naghahanap-buhay sa industriya ng musika.

Mahalaga at makapangyarihan ang reproduction right dahil ito ang siyang nagbibigay daan para mas malawak ang maabot na audience ng akda o likha. Ang audience na ito rin ang siyang matatawag na end user o consumer. At dahil ginamit ang akda, na-enjoy at na-consume ng publiko dapat lang na bayaran ang mga gumawa nito: ang mga awtor at publisher.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment