Wednesday, September 21, 2011

Buhay na Titik: Pagpo-promote ng Hilig sa Pagbabasa

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Pagpo-promote ng Hilig sa Pagbabasa


Ang pagbabasa ay hindi natural sa tao. Oo, ang pagbabasa ay isang habit na dapat na ma-develop sa isang tao sapagkat hindi tayo ipinanganak na marunong magbasa ng mga letra, salita, at pangungusap. Lalo namang hindi tayo ipinanganak na mahilig magbasa.

Ang natural sa tao ay ang kumuha ng impormasyon mula sa hugis at kulay ng mga ulap, mula sa ihip ng hangin, mula sa init o lamig ng panahon. Ginagamit natin ang mga impormasyon mula sa kalikasan para ma-predict ang panahon.

Natural din sa tao ang makakuha ng impormasyon mula sa facial expression ng ibang tao. Alam ng mga bata kung galit si Nanay. Alam naman ni Nanay kung natutuwa si Bunso.

Kung hindi natural ang pagbabasa sa tao ay bakit kailangan nating matutong magbasa ng mga libro at iba pang reading material?

Kailangan nating magbasa dahil may mahahalagang impormasyon na nakabaon sa mga reading material. At ang ganitong impormasyon ay kailangan natin para lalo pang umunlad.

Ang mga nasa business sector ay puwedeng kumita nang malaki dahil sa tamang impormasyon. Puwede rin silang malugi kung hindi sapat ang kanilang impormasyon. Kaya dapat madalas silang magbasa ng mga magasin, journal, diyaryo, business website, at iba pa.

Ang isang mahirap na bata na matiyagang nag-aral at naging magaling sa pagbabasa ay madaling makakahanap ng trabahong magiging daan sa pag-ahon sa kahirapan.

Ang pag-shoot ng bola ng basketball ay dapat na madalas na pina-praktis. Puwedeng palpak sa unang tira, pero sa madalas na praktis ay madali na ring makaka-shoot. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng regular na praktis ng mga basketbolista at iba pang atleta.

Ganito rin dapat ang gawin ng mga bata o matandang nais na ma-develop ang hilig sa pagbabasa. Maliban sa diyaryo, magsimula ka sa mga babasahin tulad ng “It’s a Mens World” ni Bebang Siy at “Ligo na U, Lapit na Me” ni Eros Atalia. Tapos isunod mo na ang mga libro nina Bob Ong na “Ang mga Kaibigan ni Mama Susan,” Jun Cruz Reyes na “Ang Huling Dalagang Bukid at ang Authobiography na Mali: Isang Imbestigasyon” at Jun Balde na “100 Kislap.”

Ang pagpo-promote ng hilig sa pagbabasa ay kinakarir ngayon ng National Book Development Board. Meron silang mga poster na naghihikayat sa mga kabataan na magbasa. Meron silang book club kung saan tinatalakay ang mga bagong aklat. At meron ding Booklatan sa Bayan para mag-train ng mga guro at daycare worker ukol sa mga bagong paraan para ituro ang pagbabasa.

Katuwang ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para mas maging malalim at malusog ang iyong kaalaman, bisitahin ang websites namin: www.filcols.blogspot.com at www.nbdb.gov.ph.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment