Tax Exemption para sa Paglilimbag ng Libro
Ang tax o buwis ang lifeline ng gobyerno. Ang mga buwis na ibinabayad ng mga propesyunal at negosyante ang siyang nagpapasuweldo sa ating mga pulis, public school teacher, at iba pang empleyado ng gobyerno. Ang buwis din ang ginagamit sa infrastructure tulad ng paggawa ng bagong tulay, bagong health center, at bagong school building.
Pero kung mahalaga ang tax bakit ginawang strategy ng gobyerno ang hindi pagbabayad ng tax sa mga piling materyales para mapaunlad ang industriya ng paglilimbag ng libro?
Ang National Book Development Board ang ahensiya ng gobyerno na inatasan ng batas na magpasigla sa book publishing industry. Sila ang nagpapatupad ng National Book Policy.
Isa sa mga implementing policy ang nagsasaad na the tax exemption in the importation of raw materials that shall be used in book publishing shall be maintained.
Ang mga papel, na mahalagang component ng book publishing, ay ang madalas na binibili natin mula sa ibang bansa. At dahil may mga manufacturer ng papel sa bansa, kailangang ma-justify ng mga publisher natin kung bakit imported ang papel na gagamitin nila sa paglilimbag ng libro.
Kapag nakumpleto ng mga publisher sa Filipinas ang mga kahingian ng NBDB ay maglalabas ito ng dokumentong magpapatunay na exempted sa buwis ang imported na papel na papasok sa bansa.
Pinapayagan ng gobyerno ang ganitong siste dahil mas malaki ang benepisyo nito sa ating mga kababayan. Kahit na isang milyong piso ang buwis na mawawala sa gobyerno dahil sa pagpasok ng imported na papel, nao-offset naman ito ng paglago ng local publishers na nagbibigay ng trabaho sa maraming tao.
Siyempre ang tax exemption ay para lamang sa mga piling materyales, hindi sa lahat ng bagay. May business tax, income tax, at iba pa rin namang tax ang nakukuha ng gobyerno sa mga publisher sa ating bansa.
Mahalagang masigla ang mga publisher dito sa atin dahil sa dami ng taong nabibigyan nito ng hanapbuhay. Kaya nasa interes ng gobyerno na magbigay ng mga fiscal incentive para patuloy ang takbo ng mga nasa industriya ng paglilimbag ng libro. Dadami ang may trabaho. At trabaho ang sagot sa kahirapan.
Katuwang ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para mas maging malalim at malusog ang iyong kaalaman, bisitahin ang websites namin: www.filcols.blogspot.com at www.nbdb.gov.ph.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment