Wednesday, September 7, 2011

Buhay na Titik: NBDB Accreditation para sa mga Publisher

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


NBDB Accreditation para sa mga Publisher


Isa sa mga paraan para mapasigla ang industriya ng paglilimbag ng libro sa bansa ay ang pagkuha ng accreditation mula sa National Book Development Board.

Ano ba ang accreditation at bakit mahalaga ito?

Ang accreditation ay ang opisyal na pagtatalaga o pagse-certify na ang publisher ay nakarehistro sa NBDB. Siyempre, bago mabigyan ng certificate of registration, maraming dokumentong dapat na makumpleto at maisumite ang isang publisher.

Ito ang magpapatunay na legit ang operation ng publisher. Ang NBDB lamang ang ahensiya ng gobyernong may kapangyarihang magbigay ng accreditation sa mga publisher.

Ano naman ang benepisyo mula sa accreditation?

Ang mga NBDB accredited publisher lamang ang puwedeng makisali sa malaking public school textbook market. Dahil milyon-milyon ang mga librong kailangan, malaking kita rin ang pinag-uusapan dito.

Ang mga publisher na mapapatunayang gumagawa ng di patas na mga business practice, na eventually ay magiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga libro ay puwedeng matanggalan ng accreditation.

Maliban sa pagsali sa public school textbook market, ang registration sa NBDB ay mahalaga dahil nagiging updated ang database ng industriya. Kapag may database ay mas madaling makontak at ma-monitor ng NBDB ang mga registered entity. Mas mabilis nilang makikita ang lagay ng industriya. Mas madali silang makagagawa ng mga intervention para mapasigla ito tulad ng mga tax incentive o kaya ay mga seminar at training program.

Ilan sa mga non-fiscal incentive ng NBDB para sa industriya ay ang Academic Publishing Conference na ginaganap twice a year, Booklatan sa Bayan na ginaganap sa 12 iba’t ibang panig ng bansa, World Book and Copyright Day tuwing Abril, at ang selebrasyon ng Philippine Book Development Month tuwing Nobyembre.

Inaanyayahan din ng NBDB na mag-register ang printers, book sellers, book importers, book distributors, paper manufacturers, book industry associations, at academic publishers.

Katuwang ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para mas maging malalim at malusog ang iyong kaalaman, bisitahin ang websites namin: www.filcols.blogspot.com at www.nbdb.gov.ph.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment