Friday, September 9, 2011

FILCOLS Booth at the UMPIL Congress - on its 2nd year

FILCOLS once again participated in the 37th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas Congress last 25-27 August 2011 at the Pulungang Claro M. Recto Hall, College of Arts and Letters, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Napoleon Almonte, the new licensing officer of the said reproduction rights organization, manned the FILCOLS' booth for three days. He introduced FILCOLS or Filipinas Copyright Licensing Society to the participants of the event who visited the booth and/or inquired about FILCOLS. He distributed membership forms and a number of IEC materials on IP and copyright from the Intellectual Property Office of the Philippines.

The event lasted for three days because UMPIL also held the Rizal Sesquicentennial Literary Conference for Teachers. Guest of honor was National Artist for Literature Bienvenido Lumbera.

Respected scholars delivered papers on the works of Jose Rizal. New methods of teaching the Rizal course were tackled as well by the best professors of the course.

On 27 August, the annual UMPIL members convention featured the Panayam Adrian Cristobal (public intellectual lecture series), a book launch, a literary forum, and the Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas.

The event was made possible by the support of the Adrian Cristobal Foundation, UP Institute of Creative Writing, UP College of Arts and Letters, and the Office of the Chancellor-UP Diliman. The Commission on Higher Education (CHED) and the Department of Education (DepEd) have endorsed the conference.

FILCOLS presents the UMPIL Chair's report:

ULAT SA KAPWA MANUNULAT

Mga ka-UMPIL at kasamahan sa (ayon kay Charlson Ong ay mapanganib na gawaing) pagsulat:

Magandang araw sa inyong lahat.

Ang bagong pamunuan ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas ay nabuo pagkatapos ng maigting na halalan sa loob ng isang liblib na sulok ng GT Toyota Asian Center Auditorium ng Unibersidad ng Pilipinas noong ika-28 ng Agosto, 2010. Doon nahalal ang mga sumusunod: Abdon M. Balde Jr., Chairman; Karina A. Bolasco, Vice Chair; Michael M. Coroza, Secretary General; Romulo P. Baquiran Jr., Treasurer; and Rebecca T. AƱonuevo, Auditor; at sina Marne Kilates, Mario I. Miclat, Charlson Ong, Celina Cristobal at Fidel Rillo bilang Board Members.

Sa unang pulong ng bagong pamunuan na ginanap noong ika-9 ng Setyembre 2010 ay kinilala ang mga sectoral representative na sina Phillip Kimpo ng LIRA na kumakatawan sa mga makata; Joaquin Sy para sa mga manunulat na Tsinoy (Filipino-Chinese writers); Lalaine Aquino ng Kuting para sa manunulat ng panitikang pambata; at Judge Vivencio Baclig ng GUMIL para sa manunulat sa wikang Ilokano. Kinilala rin ang mahalagang papel ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario bilang Chairman Emeritus.

Ang pangunahing layunin ng bagong pamunuan ay ang pagpapalawak ng mga samahang kasapi ng Unyon at ang pagtuon sa mga kapakinabangan ng mga manunulat. Agad na napagtuunan ng pansin ang pagpaparami ng sectoral representation at ang pakikipag-ugnayan sa FILCOLS—na magtataguyod sa karapatang ari at magdadala ng pakinabang mula sa mga siniping akda ng mga manunulat.

Bilang pagsasakatuparan ng pangunahing layunin na dumami ang mga kasapi sa Unyon, pumunta ako ng Cebu noong ika-22 ng Setyembre 201—bilang Tagapangulo ng UMPIL upang ipakilala ang Unyon at hikayating sumapi ang Akademiya Bisaya na pinamumunuan ni Mayor Adelino Sitoy ng Cordova, Cebu. Noon ko naunawaan na bagaman kilala ang Unyon sa kalakhang Maynila, hindi ito kilala ng mga nasa probinsiya at hindi nauunawaan ng mga manunulat sa pangrehiyong wika ang mga kabutihang maaaring makamit sa pagsapi sa Unyon.

Kaya bilang pagbabagong estratehiya, naisipang makipag-ugnayan sa FILCOLS sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa UMPIL sa iba’t ibang rehiyon ng Filipinas. Ganoon din sa pakikilahok sa anumang programa, pulong, pagdiriwang at panayam na makapagpapalawak sa kaalaman ng mga manunulat tungkol sa UMPIL.

Noong ika-2 ng Disyembre, 2010 ay nakilahok ang UMPIL sa Fellowship ng Book Development Association of the Philippines (BDAP) na ginanap sa Tivoli Skylounge, Mandaluyong City.

Ipinakilala ang UMPIL sa Huntahang ginanap sa Knowledge for Development Center, Father James O Brien Library, Ateneo de Naga University noong ika-14 ng Disyembre 2010. Ito’y sa pakikipag-ugnayan sa FILCOLS at sa Kabulig Bikol Writers Association. May mga Bikolanong manunulat na nahikayat sumali sa Unyon.

Muling ipinakilala ang UMPIL sa Huntahan sa Conference Room, 2F Malong Building, Pangasinan Provincial Capitol Complex, Lingayen, Pangasinan noong ika-28 ng Enero 201. Ito’y sa pakikipag-ugnayan sa FILCOLS at sa Ulupan na Pansiansiay Salitan Pangasinan (UPSP).

Kasali ang UMPIL sa Huntahan para sa Manunulat na Kababaihan, kasama ng FILCOLS, sa Seminar Room, College of Social Work and Community Development, Magsaysay St., UP Diliman, QC noong ika-28 ng Marso 2011.

Magkasama rin ang FILCOLS at UMPIL sa Huntahan sa Bukidnon sa Farmers Training Center, Central Mindanao University, Musuan, Maramag, Bukidnon noong ika-14 ng Hulyo 2011.

Sa darating na Nobyembre ay ipakikilala rin ang UMPIL sa nakatakdang pagdaraos ng Huntahan sa Capitol University sa Cagayan de Oro.

Ipinagpatuloy ang pagpapakilala sa UMPIL at ang pangangalap ng kasapi noong ginanap
ang Manila International Literary Festival sa Manila Intercontinental Hotel sa Makati City noong November 18-20, 2011. Ganoon din sa TABOAN: Philippine International Writers Festival sa Davao City noong Pebrero 2011.

Lumahok ang UMPIL sa mga Academic Publishing Conferences sa Ateneo de Davao, Davao City; sa Far Eastern University, Manila at sa University of St. La Salle, Bacolod City.

Kasama ang UMPIL sa pagdiriwang ng World Book and Copyright Day sa UP-Ayala Land TechnoHub noong Abril 23, 2011.

Nakilahok ang UMPIL sa mga programang parangal sa mga bayaning nagsulong ng panitikang Filipino, katulad nina Francisco Baltazar, Emilio Jacinto at Jose Rizal.
Ipinakilala ang UMPIL sa isang panayam sa Palihang Rogelio Sicat noong Marso 26-29, 2011 sa Alfonso, Cavite.

Noong Abril ay ipinakilala rin natin ang UMPIL sa mga panayam ng Intellectual Property Office (IPOPHIL) sa DZRJ, Radio Bandido at sa Destiny Cable TV Station GNN.
Sa mga huntahan, pulong at panayam, ay binibigyang diin ang kahalagahan ng pagsapi sa UMPIL at ang mga pangunahing layunin ng Unyon:

1. Ang pagsulong ng panitikang Filipino sa pamamagitan ng pagtulong sa mga manunulat na mapaganda at yumabong ang kanilang sining;

2. Ang pagpapaibayo ng kaalaman sa pagsulat sa pamamagitan ng mga panayam at talakayang pampanitikan—napatunayang nag-iibayo ang pagkamalikhain natin kapag malimit ang pakikipag-ugnayan at pakikipagpalitan ng kuro-kuro sa kapwa manunulat;

3. Ang pagbuo ng matatag na unyon ng iba’t ibang kapisanan ng mga manunulat;

4. Ang pangangalaga at pagsanggalang ng karapatang-ari ng mga manunulat;

5. At sa mga darating na panahon, ang pagtulong sa mga manunulat na salat sa buhay.

Ang Pambansang Kumperensiya sa Pagtuturo ng Panitikan at Taunang Kumbensiyon ng mga Kasaping Manunulat na ginanap ngayong Agosto ay ayon sa mga nasabing layunin.

Sa susunod na taon ay sisikapin ng pamunuan na bigyan ng mukha ang Unyon, pulungin ang lahat ng kasapi nito sa isang forum, at buuin ang listahan ng mga kasapi sa isang direktoryong digital. Sa halip na ituloy ang website ng UMPIL, pinag-aaralan ang mas epektibo at mas aktibong talakayan sa pamamagitan ng goup email at social networking katulad ng bagong bukas na Facebook account ng Unyon. Napapanahon na ring pag-isipan ang epektibong paraan ng paglilikom ng pondo para sa mga proyektong pang-Unyon.

Pinasasalamatan ko ang mga kasapi ng bagong pamunuan sa patuloy na pagtaguyod ng mga layunin ng Unyon, una na ang masipag na Secretary General na si Mike Coroza na siyang totoong naging punong tagapagpaganap sa lahat ng pagkilos ng Unyon. Si Joey Baquiran ay hindi lamang naging ingat-yaman ng kakatiting na pondo kundi siya ring ingat-ari, ingat-lihim at tagapangalaga ng lahat ng dokumento ng Unyon. Si Marne Kilates ang matiyagang sumubaybay sa pagbuo ng mga gagawaran ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Salamat din kina Karina Bolasco, Rebecca AƱonuevo, Charlson Ong, Fidel Rillo, Mario Miclat at Celina Cristobal na bagama’t abala sa kanilang mga gawain ay patuloy na umalalay at nagbigay payo’t kuro-kuro sa mga pagkilos ng Unyon. Salamat din sa mga sectoral representative na sina Joaquin Sy, Lalaine Aquino, Phillip Kimpo, at ang kagalanggalang na Judge Vivencio Baclig sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa amin. Huli, bagama’t di hamak ang pasasalamat sa Chairman Emeritus na si Virgilio S. Almario na sa personal man o ispiritual na pamamaraan ay patuloy na tumatanghod, nakikialam at tumatangkilik sa mga pagkilos ng Unyon.

Patuloy nawa tayong pagpalain ng Musa ng panulat!


Abdon M. Balde Jr.
Tagapangulo

No comments:

Post a Comment