Wednesday, September 14, 2011

Buhay na Titik: Nasaan ang Plate Number ng Libro Mo?

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Nasaan ang Plate Number ng Libro Mo?


Noong kaunti pa lang ang mga libro sa mundo, pamagat lang ay sapat na para ma-identify ang mga ito. Kapag “The Old Man and the Sea” siguradong kay Hemingway at ang “Banaag at Sikat” ay kay Lope K. Santos. Maluwag pa ang kalye noon para sa kakaunting libro na umaandar.

Pero dahil sa dami ng bagong author at bagong technology, mabilis na ang pagbuo at pagdami ng mga libro. Kaya kailangan na ng paraan para mabilis at madali silang makilala, mahanap, at maibenta sa mga bookstore o sa internet.

Kung ang kotse ay may plate number, ang libro ay may ISBN. Ang International Standard Book Number ay ang 13-numerong makikita sa copyright page ng libro. Sa back cover naman, makikita ito sa itaas ng bar code.

Ang 13-numerong ito ay pinaghihiwalay ng gitling para mahati sa 5 bahagi. Ang unang grupo ng numero ay nagsasabing ito ay nasa ilalim ng book publishing. Ang ikalawang number ay ang ID kung saang parte ng mundo nakabase ang publisher. Ang ikatlong grupo ng numero ang ID ng publisher. Ang ikaapat ay ang ID ng title ng libro. At ang huling numero ay ang check digit na siyang nagba-validate o nagsasabing tama ang ISBN. Pag mali ang last digit na ito ay invalid o di puwedeng gamitin ang ISBN.

Bakit kailangan ng ISBN kung meron na namang bar code?

Ang bar code ang mga itim na mga guhit na parang pick-up sticks sa back cover ng libro. Sila ang binabaril ni Ate Cashier para malaman natin mula sa cash register ang presyo ng libro. Ang ISBN ay kailangan para makakuha ng bar code.

Ang mga libro lang na may ISBN ang puwedeng ibenta sa mga bookstore o sa internet. No ISBN. No benta.

Ang National Library lang ang awtorisadong magbigay ng ISBN sa mga publisher o self-publishers ng libro at mga produktong katulad ng libro tulad ng audiobooks.

Ang paggamit ng ISBN sa bansa ay isinulong ng NBDB noong 1999 sa paglabas ng National Book Policy. Kahit na sa world publishing market ay ginagamit na ito noong mga 1960s pa.

Dahil sa ISBN, ang mga libro ay mabilis na ma-order, ma-locate, at maibenta. Hindi lang sa local bookstores naibebenta ang ating mga libro, nakakapasok din ito sa information superhighway na mas kilala bilang internet.

Katuwang ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para mas maging malalim at malusog ang iyong kaalaman, bisitahin ang websites namin: www.filcols.blogspot.com at www.nbdb.gov.ph.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment