Mga Gabay na Prinsipyo sa Likod ng National Book Policy
Nakasaad sa RA 8047 sec. 2, ang State Policy ukol sa industriya ng paglilimbag ng libro: to promote the continuing development of the book industry, with the active participation of the private sector, to ensure an adequate supply of affordable and quality-produced books not only for the domestic but also for the export market.
Ang State Policy ay ang prinsipyong nagsisilbing gabay ng pamahalaan. Nagsasaad din ito ng course of action o mga hakbang na dapat isagawa para maabot ang layon.
Ang layon ng gobyerno ay mapaunlad ang industriya ng paglilimbag ng libro. Katuwang nito ang bibong partisipasyon ng private sector. Para umunlad ang industriya ay dapat na may sapat na supply ng mga libro. At ang mga libro ay dapat na de-kalidad at may presyong abot-kaya. Ito ay para sa mga mambabasang Filipino at ang iba ay pang-export din.
Bakit kailangang paunlarin ng gobyerno ang industriya ng paglilimbag ng libro? Di ba ang dapat na pagtuunan ng pansin ay ang makaahon sa kahirapan ang mga Filipino, makakain nang sapat, maging malusog, magkaroon ng tahanan, at trabaho?
Pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang industriya dahil ito ay may mahalagang papel sa national development. Ayon sa pag-aaral ng World Intellectual Property Organization, ang copyright-based industries sa Filipinas ay nagbibigay ng trabaho sa 300,000 tao. Isa ang book publishing sa mga copyright-based industry.
Kung nakakapagbigay ng trabaho sa 300,000 tao ang mga copyright-based industry, ibig sabihin may 1.2 milyong tao ang naiibsan ang kahirapan, nakakakain, napapanatili ang kalusugan, at nakakapanirahan sa disenteng tahanan.
Paano nangyari ito? 300,000 x 4 = 1,200,000. Ibig sabihin: ang taong nagtatrabaho kasama ang umaasa sa kanya, ang asawa at tatlong anak. Siyempre hula lang natin ito dahil ang resulta ng pag-aaral ng WIPO ay 300,000 empleyado ng mga copyright-based industry kung saan kabilang ang book publishing. Puwedeng mas mababa o mas mataas ang bilang ng mga taong dependent sa kanila.
Pero ang punto ay nakakatulong ang book publishing na maiahon sa kahirapan ang mga Filipino at nakakatulong itong maibsan ang malawakang unemployment.
Ayon din sa RA 8047, ang national development ay may dalawang pundasyon: economic at social growth. Hindi sapat na may materyal na bagay lang ang isang bansa, dapat ay maunlad din ang kultura. At ang mga libro ay siyang mabisang instrument para sa intellectual, technical, at cultural development ng mga tao.
Dahil dito, hindi lamang ang may trabaho sa book publishing at kanilang pamilya ang nakikinabang, lumalaki rin ang bilang ng nabibigyan ng benepisyo dahil ang mga libro ay maraming nararating, malayo ang nararating.
Mabisa ang libro at isa itong instrumentong abot-kaya para mapasakamay ng lahat ang edukasyon. Mahalaga din ang libro sa pagpapakalat ng kultura dahil dito nakasulat, nakalarawan, at naka-preserve ang ating kasaysayan, mga nobela, mga tula, awit, at iba pa.
Katuwang ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para mas maging malalim at malusog ang iyong kaalaman, bisitahin ang websites namin: filcols.blogspot.com at nbdb.gov.ph.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment