Sa Loob ng NBDB
Ang DNA ang siyang pinagmumulan ng instructions o kautusan kung papaano made-develop at magpa-function ang lahat ng buhay na organismo. Ang Republic Act ang DNA sa pagbubuo at pagtakbo ng ahensiya ng gobyerno tulad ng National Book Development Board.
Ayon sa RA 8047 o Book Publishing Industry Development Act, para mabigyan ng karampatang serbisyo ang industriya ng paglilimbag ng libro sa bansa ay kailangang bumuo ng ahensiyang tatawaging NBDB.
Ang NBDB ay pinamumunuan ng Governing Board. Ito ay may labingisang miyembro na appointed ng Pangulo ng Filipinas. Lima mula sa gobyerno at anim mula sa private sector.
Sino-sino ang mga ito? Sa panig ng gobyerno, pipili ng limang kinatawan. Isa mula sa bawat ahensiya: Department of Education, Department of Science and Technology, Department of Trade and Industry, at National Commission for Culture and the Arts. Ang Commission on Higher Education ay puwedeng mag-nominate ng kinatawan mula sa academe at ang Technical Education Skills Development Authority ay puwede ring mag-nominate ng kinatawan mula sa training institutions.
Sa panig ng private sector, pipili ng anim na kinatawan na nominado ng mga organisasyon ng book publishers, printers, writers, book industry related activities, students, at private education sector.
Ang Governing Board ay pumipili ng chair mula sa kanilang hanay. Ang kinatawan mula sa DepEd ang ex-officio vice chair. Ibig sabihin automatic na ikalawang pinuno ang kinatawan ng DepEd.
Ang Governing Board ang magpapatupad ng mga policy at layon ng batas. Sila rin ang bubuo ng mga programa para sa ikauunlad ng industriya ng paglilimbag ng libro.
Para maisakatuparan ang mga programa mula sa Governing Board, kailangan ng Secretariat na siyang magpapatupad o mag-e-execute ng mga plano. Ang Secretariat ay pinamumunuan ng Executive Officer. Katuwang niya sa pagpapatakbo ang Deputy Executive Officer. Ang dalawang opisyal ay appointed ng Pangulo ng Filipinas.
May kapangyarihan ang Executive Officer na magrekomenda sa Governing Board kung papaano oorganisahin ang Secretariat, bilang ng kawaning kailangan, ano ang function ng bawat kawani at division, pati na rin ang compensation plan para sa mga kawani. Siyempre kailangan pa ring aprubahan ng Governing Board ang rekomendasyon ng Executive Officer.
Inatasan din ng batas ang NBDB na bumuo ng mahahalagang dokumento tulad ng
National Book Policy, National Book Development Plan, at Implementing Rules and Regulations ng RA 8047. Kung ang batas ang DNA, ang mga dokumentong nabanggit ang mga organ para makatakbo nang maayos ang ahensiya.
Katuwang ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para mas maging malalim at malusog ang iyong kaalaman, bisitahin ang websites namin: www.filcols.blogspot.com at www.nbdb.gov.ph.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment