Wednesday, July 6, 2011

Buhay na Titik: Kung Paanong Binuo ang NBDB

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Kung Paanong Binuo ang NBDB


Nakakapagbigay ng serbisyo ang gobyerno sa industriya ng paglilimbag ng libro sa pamamagitan ng National Book Development Board.

Ganito ang daloy ng pagkakabuo ng isang ahensiya ng pamahalaan tulad ng NBDB.

Dahil ang bansa ay isang republikang demokratiko, sa mga mamamayan o publiko nanggagaling ang kapangyarihan. Sa pamamagitan ng pagboto sa mga taong magiging representante nila sa gobyerno, pansamantalang inililipat ng publiko ang tiwala nila sa mga taong ito. At kung sino ang lalabas na may pinakamaraming boto, siya ang masasabing ginusto ng nakararami para mamuno. Siya ang inatasang mamuno sa Republika.

Ang mga senador at kongresistang nanalo ang siyang tinatawag na mambabatas dahil sila ang inatasan ng publikong tumingin sa kanilang kapakanan at magbigay ng daan sa sama-samang pag-unlad sa pamamagitan ng paggawa ng mga batas.

Ang mga panukalang batas ay maaaring manggaling sa mga ahensiya ng gobyerno, sa akademya, sa mga industry association, o sa opisina mismo ng mga mambabatas. Ang panukalang batas ay isasalang sa senado at sa kongreso para mapag-aralan nang husto. Magdedebate nang todo ang iba’t ibang panig para mapiga at makatas ang panukala. Dito lalabas ang kagandahan o kapangitan ng inihahaing batas.

Lahat ng panukalang batas ay dumadaan sa tatlong salang ng debate at pagpasa. Ang unang salang nito ay ang first reading. Kapag pumasa dito ay aakyat sa second reading. Kapag umabot na ang panukalang batas sa third reading, ito ay naging pokus na ng matinding debate at nadalisay na. Ang huling anyo nito ay ang pinagsamang bersiyon ng panukalang batas mula sa mga senador at bersiyon mula sa mga kongresista. Ang huling anyo ang ipinapagtibay ng pangulo ng Filipinas bilang batas. At tinatawag na itong Republic Act. Ang batas na nagmula sa publiko.

Pero siyempre may kapangyarihan din ang Pangulo ng Filipinas na magtayo ng ahensiya ng gobyerno sa pamamagitan ng Executive Order. Ang mga ganitong ahensiya ay madalas na nagsisilbing pansamantalang solusyon sa isang urgent na problema. Hindi sila pangmatagalan at madaling mabuwag.

Matagal na panahon ang kailangan para makapasa ang panukalang batas sa senado at sa kongreso. Kaya kapag nais buwagin ang ahensiyang binuo sa pamamagitan ng Republic Act, matagal na panahon din ang kailangan.

Ang NBDB na binuo sa bisa ng Republic Act 8047 ay matagal na hinintay ng mga tao mula sa industriya ng paglilimbag ng libro sa ating bansa. Ngayong nakatayo na, ang ahensiya na ang siyang nagpapatupad ng RA 8047 at nagsisilbi sa mga pangangailangan ng industriya.

Katuwang ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para mas maging malalim at malusog ang iyong kaalaman, bisitahin ang websites namin: www.filcols.blogspot.com at www.nbdb.gov.ph.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment