Iba pang Gabay na Prinsipyo sa Likod ng National Book Policy
Ayon sa National Book Policy: ang mga libro ang pinakamabisa at abot-kayang gamit para ma-develop ang Filipino ideals. Mahalagang ma-develop sa mga kabataan ang pagmamahal sa bayan, ang tamang values, at ang pagkilala sa ating cultural heritage. Ang mga librong isinulat ng kapwa natin Filipino ang makakatulong nang malaki sa paghubog ng isip at galaw ng ating mga kabataan.
Mahalaga ang initiative ng private sector para ma-develop ang isang masiglang book publishing industry. Ang papel ng gobyerno ay ang magbigay ng suporta sa pamamagitan ng mga incentive sa publishers tulad ng tax exemption, mga programang makakatulong para makagawa ang publishers ng magaganda at de-kalidad na libro.
Ang layon ng paglilimbag ng mga teksbuk ay para magbigay-suporta sa curricular objectives ng basic education. Toka ng gobyerno ang pagbuo ng kurikulum ng elementarya at hayskul pati na ang paghahanap ng pondo mula sa mga institusyon tulad ng World Bank. Toka ng publishers mula sa private sector ang production at distribution ng mga teksbuk. Ang layon ay makapagbigay ng isang teksbuk sa bawat mag-aaral.
Mahalaga ang mga akdang local, paglilimbag sa local language, at paglilimbag sa mga rehiyon para madevelop ng todo ang book publishing. Ang mga akdang local na nasa local language ang magpapayaman sa ating kultura at magpe-preserve nito. Ang paglilimbag bilang negosyo sa mga rehiyon ay makakapagbigay ng trabaho para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa mga siyudad tulad ng Maynila.
Mahalagang maging globally competitive ang local book industry. Dapat bawasan ng gobyerno ang mga bureaucratic requirements para malayang makagalaw ang industriya. Dapat na tutukan na makaabot ang book industry sa international standards, sa pagbibigay ng suporta para sa mga joint ventures sa foreign publishers, sa pagbubukas ng mga bagong market, at mga bagong panggagalingan ng capital.
Mahalagang magdevelop ang kultura ng pagbabasa dahil ang pagbabasa ay nakakaganda ng kalidad ng buhay. Kapag marami ang may reading habit dadami ang bibili ng libro na magpapasigla sa industriya. Dapat na may regular reading campaign at magandang library system.
Ang book publishing ay isang social commitment. Dapat itong umunlad dahil dito nakasalalay ang ganda ng edukasyon. Dapat na madaling mapasakamay ng mga mahihirap ang mga libro dahil ito ang daan sa pansariling pag-unlad.
Katuwang ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para mas maging malalim at malusog ang iyong kaalaman, bisitahin ang websites namin: www.filcols.blogspot.com at www.nbdb.gov.ph.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment