Thursday, March 24, 2011

Buhay na Titik: Copyright bilang Human Right

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright bilang Human Right


“Hindi mahalaga ang copyright dahil hindi naman ito nakakain,” sabi ng isang estudyanteng nakausap ko kamakailan.


Ang copyright ay isang salitang binuo ng mga legal expert para ipantawag sa proteksiyon na ibinibigay ng batas sa mga malikhaing tao sa ating lipunan. Binubuo ito ng isang bungkos ng mga karapatan na nakasaad sa Intellectual Property Code of the Philippines. Nakapaloob dito ang Copyright Law o ang batas ukol sa copyright.


Dahil madalas na napapalibutan ng batas at nagiging paksa lamang kapag may mga abogado sa paligid ang copyright, marami ang hindi maka-relate sa mga konsepto nito.
Tama ang estudyante! Hindi nakakain ang copyright. Pero mahalaga pa rin ito. Tulad ng maraming bagay na mahalaga kahit hindi naman nailalaman sa tiyan.


Ang copyright ay binigyang-halaga ng mga international agreement o document bilang kabungkos ng human rights. Ibig sabihin, hindi kumpleto ang listahan ng human rights kung wala ang karapatan ng mga malikhaing tao.


Maraming bansa ang pumirma para mapagtibay ang mga dokumentong ito. Dahil nagkaintindihan at nagkasundo ang mga lider sa international stage, pumayag silang ipatupad ang laman ng mga dokumento sa loob ng kani-kanilang mga bansa.


Isa ang Filipinas sa mga bansang pumirma sa Universal Declaration of Human Rights. Ito ay naganap noon pang 1951. At sumang-ayon din tayo sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights na inilabas ng United Nations General Assembly noong 1966.


Sabi sa Artikulo 23.1 ng Universal Declaration of Human Rights, ang lahat ng tao ay may karapatang magtrabaho, may layang pumili ng trabahong gusto niya, magtrabaho sa isang makatarungan at maayos na lugar, at may proteksiyon mula sa pagkawala ng trabaho.


Ibig sabihin ang tao ay may karapatan (human right) na magtrabaho bilang manunulat, kompositor, pintor, manlililok, photographer, at iba pa kung gusto niya. Dahil may laya siyang pumili ng trabaho ayon sa hilig niya. May karapatan din siyang magtrabaho sa isang makatarungan at maayos na lugar, ligtas at may proteksiyon mula sa pagkawala ng trabaho.


Sabi naman sa Artikulo 23.3, may karapatang makatangap ng karampatang bayad mula sa kanyang trabaho ang kahit sinong tao. Para saan ito? Para sa kanyang sarili at para magkaroon siya ng kakayahang mabigyan ang kanyang pamilya ng buhay na disente at may dignidad.


Ibig sabihin, ang author o malikhaing tao na nagtatrabaho nang ayon sa kanyang hilig o talent ay dapat lang tumanggap ng sapat na kita mula sa kanyang isinulat, iginuhit, inililok, at iba pa. Kung libre o walang bayad, paano niya maitataguyod ang sarili at ang kanyang pamilya?


Sabi naman sa Artikulo 27.2, ang lahat ng bansang pumirma sa Universal Declaration of Human Rights ay gagawa ng batas na magbibigay-proteksiyon sa mga karapatang moral at materyal ng mga lumikha ng gawang siyentipiko, pampanitikan o pansining.


Kung ang Artikulo 23 ay para sa lahat ng naghahanapbuhay at ang karapatan (human right) nilang mabuhay nang may dignidad mula sa kanilang pagtatrabaho, ang Artikulo 27 ay direktang binanggit ang human right ng mga lumikha ng gawang siyentipiko, pampanitikan o pansining.


Ano naman ang mga artikulong may kinalaman sa mga author sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights? Ito ay ang Artikulo 7 at Artikulo 15.c.

Sa Artikulo 7, nakasaad ang karapatan (human right) ng tao sa karampatang sahod mula sa trabaho. Malinaw rin dito na ang karampatang sahod o bayad ay para sa LAHAT ng nagtatrabaho. LAHAT. Walang etsapuwera. Hindi exempted ang mga author.


Kung ang mga janitor ay nakakatanggap ng sahod sa paglilinis, dapat ang guwardiya ay nakakatangap din ng sahod sa pagbabantay. Ang hindi pagbibigay ng karampatang bayad ay malinaw na violation of human right. Kilabutan kayo kung kayo lang ang kumikita at nabubuhay.


Binanggit din dito ang “equal pay for equal work” at ang halaga ng sapat na kita para mabigyan ang sarili at pamilya ng disenteng pamumuhay. Tandaan, hindi lamang kayo ang may tiyan at pamilya.


Sa Artikulo 15.c, malinaw naman ang obligasyon ng Filipinas na tutukan ang karapatan (human right) ng lahat ng authors ng mga gawang siyentipiko, pampanitikan o pansining na mabigyang-proteksiyon ang kanilang moral at materyal na interes.


Ang mga author ay may tiyan at pamilya rin. Nagbibigay sila ng mga gawang napapakinabangan ng lipunan. Kaya dapat lamang na makinabang din sila. Ika nga “equal pay for equal work.”


Hindi nga nakakain ang copyright pero marami ang nakakapamuhay nang may dignidad dahil sa mga likha tulad ng libro, musika, pelikula, at iba pa. Hindi nga nakakain ang copyright pero maraming pamilya (kasama na ang mga estudyante) ang nakakakain dahil sa mga trabahong umusbong dahil dito.


Inaanyayahan ang mga author, publisher o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito'y para mabigyang-proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay author/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng author. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang safilcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment