Copyright, Hadlang o Tulong sa Pagiging Malikhain?
“Dapat barilin sa ulo ang copyright.”
Ito ang mariing pahayag ng tagapagsalita sa isang forum na dinaluhan ko kamakailan. Ayon sa tagapagsalita, na guro sa isang pamantasan sa Maynila, ang copyright ay hadlang sa pagdami ng mga bagong likha kaya dapat lamang na tuluyan na itong isantabi at kitlin ang buhay.
Ikaw, ano sa palagay mo? Hadlang nga ba ang copyright sa creativity o pagiging malikhain o tulong sa paglabas ng mga bagong likha?
Mataas ang tingin sa mga malikhaing tao mula noon hanggang ngayon. Makikita at mararanasan ang creative output nila sa mga tula, awit, nobela, drowing, at eskultura. Dahil naiaangat ng likha ang isip at damdamin, itinuturing na genius ang mga malikhaing tao. Angat kasi sila sa pangkaraniwan.
Halimbawa, ang literotika o nobelang erotika ni Frida Mujer na “Mingaw” ay matatawag na likhang angat sa pangkaraniwan. Sa pamamagitan ng maiinit na sex scenes ay naipahayag ni Mujer ang kalagayan ng mga OFW. Maiinit ang aksiyon sa kama para malabanan ang lamig sa puso dahil sa pagkalayo sa sariling bayan at pamilya.
Nakuha natin ang salitang muse mula sa mga sinaunang Greek. Ang musa ay diyosa na nagbibigay-inspirasyon sa mga malikhaing tao. Kadalasan, ang creative output ay likha sa literatura at sining. Ang pinuno ng mga musa ay si Apollo na isa sa mga diyos sa Mt. Olympus. Ayon sa mga eskultura at painting, si Apollo ay laging may hawak na lira. Ang musa ang siyang nag-uudyok sa may hawak ng lira na lumikha ng musika.
Mula sa salitang musa ang salitang musika. Ang ibig sabihin ng musika ay ang sining ng mga musa. Mula rin sa salitang musa ang museum. Ang ibig sabihin naman nito ay lugar ng musa.
Nagpatugtog kaya si Mujer ng lira? Nakinig kaya siya sa musika? Bumisita kaya siya sa museum kaya’t na-inspire ng mga musa para maisulat ang “Mingaw?”
Ang copyright ay isang legal protection na ibinibigay sa mga awtor ng likhang scientific, literary, at artistic. Ibig sabihin ang awtor lamang ang may exclusive right o solong karapatan para magbigay-permiso sa sinumang nais gumamit o magparami ng kanyang akda.
Si Mujer lamang ang may kapangyarihang bigyang-permiso ang publisher na ilathala ang kanyang libro. Ang tanong: bakit nakalikha pa rin siya ng “Mingaw” kung hadlang ang copyright sa creativity?
Ang binibigyan ng copyright ay ang expression of ideas, hindi ang ideas o facts lamang. Ibig sabihin ang ideas tulad ng OFW, Korea, sex, love, college student, at iba pa ay puwedeng gamitin ng kahit na sinong awtor sa kanyang nobela o tula. Pero ang may copyright ay ang expression nito o kung papaano ito naisulat at nabigyang-buhay. Tulad na lang ng “Mingaw” ni Mujer.
Hindi naman ipinagbabawal ng copyright ang paggamit sa ideas. Lumilitaw pa ang husay ng awtor kapag pinaghahalo-halo niya ang mga sangkap na idea para makapagluto ng isang masarap at kakaibang putaheng nobela. Ang expression of ideas ang nagpapakita sa husay at pagkamalikhain ng awtor.
Ang batas na nagsasaad ng mga karapatan ng mga awtor ay ang Copyright Law na nakapaloob sa Intellectual Property Code of the Philippines. Nagkaroon ito ng epekto bilang batas noong 1998.
Kung totoong hadlang ang copyright sa pagkamalikhain, dapat ay simula pa noong 1998, wala nang mga bagong librong nailathala sa Filipinas.
Teka… bago ka magbigay ng iyong palagay, ako muna ulit.
Si Abdon Balde, Jr. ay civil engineer sa loob ng 33 taon bago naging nobelista at makata. Sa huling bilang ay nakapagsulat na siya ng sampung nobela kung saan ang tatlo ang tumanggap ng National Book Awards: “Mayong” (2003), “Calvary Road” (2004) at “Hunyango sa Bato” (2005). Kamakailan, nagsulat din siya ng bestseller na “60ZENS: Tips on Senior Citizenship” (2010).
Ang pinagsama-samang benta ng anim na libro ni Bob Ong noong 2008 ay lampas na sa 250,000 copies. Sa kasalukuyan ay nakakawalong libro na si Bob Ong. Ang mga libro ni Bob Ong ay binibili ng mga tao lalo na ng mga estudyante kahit na hindi ito required reading sa school. Ang pinakabagong nobela ni Bob Ong ay “Ang mga Kaibigan ni Mama Susan” (2010).
Si Miguel Syjuco ang unang Pinoy na nagwagi sa 2008 Man Asian Literary Prize para sa kanyang unang nobelang “Ilustrado.” Ang premyong tinanggap ni Syjuco dahil sa libro ay 100,000 US dollars o 4.3 million pesos.
Papaanong nakalikha ng bagong libro ang mga awtor na nabanggit, at kumita pa nga, kung hadlang lamang ang copyright sa pagiging malikhain? Ang palagay ko ay nagdadahilan lamang ang mga taong hindi makalikha. Kesyo may copyright, kesyo walang copyright, kesyo mainit, kesyo malamig at kung ano-ano pang dahilan. Kung talagang pagaganahin ang utak ay maaakit natin ang mga musa at magiging malikhain din tayo, may copyright man o wala.
Ito ang palagay ko. Ikaw, ano ang palagay mo?
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang-proteksiyon ang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang mag-manage nito kung heirs kayo ng author. Wala pong membership fee. Para sa mga tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment