Copyright at ang Universal Declaration of Human Rights
Ang dokumentong Universal Declaration of Human Rights ay binuo at pinagtibay ng United Nations noong 1948. Tatlong taon matapos ang World War II ay nagbigay ng iisang pahayag ang mga bansa sa buong mundo na tapos na ang panahon ng pagsasawalang-bahala sa karapatan ng bawat tao.
Alam natin mula sa kasaysayan na naging malupit at madugo ang mga pangyayari noong World War II. Sa Europe ay pinangunahan ni Adolf Hitler ng Nazi Germany at ni Benito Mussolini ng Fascist Italy ang pagtrato sa bawat tao bilang mga kasangkapan lamang para maisagawa ang pananakop sa buong mundo. Sa Asia ay pinangunahan naman ito ni Emperor Hirohito ng Japan. Ibig sabihin, nang mga panahon na ito, may halaga lamang ang tao kung siya ay nakakatulong o nagagamit sa pangarap ng mga nabanggit na pinuno na maging Masters of the World.
Ang sinumang humahadlang o sumusuway sa pagkamit sa pangarap na ito ay pinagmamalupitan. Kinakamkam ang lahat ng ari-arian, kinukulong pati na ang kanilang mga mahal sa buhay, at kinikitil ang buhay.
Hindi lamang isa o dalawang tao ang naging biktima ng ganitong uri ng karahasan. Walang pinipili ang mga mapaniil: lalaki, babae, bata, matanda, pari, madre, rabbi, manunulat, propesor, sundalo, o pulubi man.
Ang mga manunulat ay hindi maaaring magpahayag ng totoong damdamin. Ang State propaganda lamang ang maaaring gumawa nito. Ang mga pintor ay hindi puwedeng gumuhit ng kahit ano na bugso ng inspirasyon. Tanging ang magpapaganda lamang sa imahen ng mga taong nasa kapangyarihan ang maaaring iguhit ng mga pintor.
Milyon-milyon ang kinulong at namatay sa loob ng mga concentration camp. Ang tao ay itinuring na pinagkukunan ng resources lamang. Ang mga gintong ipin ay binubunot para lusawin bilang alahas. Ang mga malakas ay ginagawang manggagawa sa mga pagawaan ng bala at iba pang gamit sa gera. At kapag nagkasakit at mahina na ang isang tao ay dadalhin sa malalaking oven para sunugin. Ang mga buhok sa katawan ay binubunot at inaahit para lamang gawing lining sa mga boots at jacket ng mga sundalong Nazi na nakikipaglaban sa gera sa Russia. Pagkatapos, kapag kalbo na ang mga ito, papatayin sila at susunugin sa mga oven. Ang abo naman ay ginagawang panambak sa mga kalsada.
Ito ay malinaw na pagsasawalang-bahala sa karapatan ng mga tao. Ngunit may mga nagningning na hiyas sa gitna ng kadiliman ng panahong ito tulad na lamang ni Anne Frank na namatay sa concentration camp subalit ang aklat niyang “Diary of a Young Girl” ay patuloy na binabasa ngayon. Marami ring naging santo sa gitna ng impiyernong ito tulad ni St. Maximillian Kolbe na ibinigay ang sariling buhay kapalit ang paglaya ng isang Hudyo. Si Kolbe ay isang paring Pransiskano at nakulong kasama ang mga Hudyo sa isang concentration camp.
Pagkatapos ng kabaliwang dulot ng gera ay nagkasundo ang mga pinuno ng mga bansa na tapos na't hindi na mauulit pa ang panahon ng pinakamalupit na karahasan.
Ang United Nations ang siyang nagtipon sa mga pinuno at nagdeklara na ang dokumentong Universal Declaration of Human Rights ang siyang magiging batayan ng mga batas na makatao, mga patakaran ng Estado na magbibigay-proteksiyon at paggalang sa karapatang pantao.
Inaanyayahan ang mga author, publisher o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS para mabigyang-proteksiyon ang kanilang mga gawa. Wala pong membership fee. Ang mahalaga ay mayroon kayong published works (para sa mga author) at nasa inyo ang kapangyarihang mag-manage ng copyright kung heirs kayo ng isang author. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment