Thursday, March 17, 2011

Buhay na Titik: Copyright sa Universal Declaration of Human Rights

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright sa Universal Declaration of Human Rights


Wala ang salitang “copyright” sa Universal Declaration of Human Rights.


Oo, kahit isa-isahin mo ang bawat deklarasyon ay hindi mo makikita ang salitang
“copyright” dito. Ibig bang sabihin ay walang halaga ang talakayan natin tungkol sa copyright?


Teka, bago ko sagutin ‘yan ay meron muna akong tanong sa 'yo.


Alam mo bang walang salitang “Filipinas” sa ating Pambansang Awit? Ang pamagat
nito ay “Lupang Hinirang” at kahit na isa-isahin mo ang bawat taludtod nito ay
hindi mo makikita ang salitang “Filipinas” dito. Ibig bang sabihin ay
wala naman palang kaugnayan ito sa ating bansang Filipinas?


Siyempre, hindi ang sagot sa dalawang tanong. Dahil kahit wala ang salitang
“copyright” sa Universal Declaration of Human Rights ay nakapaloob naman ang
konsepto nito sa mga pertinent na artikulo. At kahit wala ang salitang
“Filipinas” sa “Lupang Hinirang” ay nakapaloob ang kaluluwa ng ating bayan sa
bawat taludtod ng pambansang awit.


Ang salitang copyright ay isang terminong legal. Ibig sabihin ito ay salitang
inimbento ng mga expert sa batas para magkaisa at magkaunawaan kapag
pinag-uusapan ang karapatan ng mga manunulat, kompositor, at iba pang
malikhaing tao na siyang creator ng mga gawang literary, artistic, at scientific.


Ganito rin ang nangyari sa Filipinas. Maraming pangalang ibinigay ang iba’t
ibang tao o pangkat ng tao sa ating bayan tulad ng Felipinas, Las Islas
Filipinas, Islas del Poniente, San Lazaro, Republica Filipina, at Philippine
Islands.


Alam nating ang pinagmulan ng pangalang Filipinas ay ang haring Felipe
ng Espanya. Pero isa sa sinaunang gumamit ng pangalang ito ay si Philip II na hari ng Macedonia. Siya ang ama ni Alexander the Great. Ang pangalang Philip ay kombinasyon ng dalawang salitang Greek na “philos” o kaibigan at “hippos” o kabayo. Ibig
sabihin ng pangalang Philip ay taong maibigin o mahilig sa kabayo.


Isang tanong: e bakit konti lang ang mahilig sa kabayo sa Republika ng Filipinas?


Para magkaisa at magkaintindihan ang mga tao ay idineklara ng mga mambabatas na
ang official name ng ating bayan ay Republic of the Philippines.
Makikita ito sa ating Saligang Batas 1935 (Article 18, sec. 1).


Alam nating ang pinagmulan ng copyright ay ang Statute of Anne noon
1710. Ito ay naka-focus sa karapatan ng may-akda na magparami ng kopya ng kanyang
mga aklat sa pamamagitan ng printing o right to copy. Mula sa right to copy or
print books ay lumawak ang sakop ng copyright.


Sa kasalukuyan ang copyright ay isang bungkos ng mga karapatan.
Siyempre nasa una pa rin ang “right to copy” na ang legal term ay “reproduction right.” Ang ibang karapatan sa ilalim ng Copyright Law na nakapaloob sa Intellectual
Property Code of the Philippines ay ang mga sumusunod: dramatization, translation,
adaptation, abridgement, other transformation of the work, first public distribution,
rental, public display, public performance, at other communication to the
public (IP Code Chap. V, sec. 177.1 -177.7).


Isa sa naging basehan ng ating IP code ang Universal Declaration of
Human Rights na binuo noong 1948.


Dalawang articles ang masasabing pundasyon ng copyright sa ating batas mula sa
Universal Declaration of Human Rights. Una, ang lahat ng tao ay may karapatang
magtrabaho, may layang pumili ng trabahong gusto niya, magtrabaho sa isang
makatarungan at maayos na lugar, at may proteksiyon mula sa pagkawala
ng trabaho (Article 23.1).


Kasunod nito ay ang karapatan ng bawat nagtatrabaho na makatangap ng
makatarungan at “favourable remuneration” para sa kanyang sarili at para magkaroon siya ng kakayahang mabigyan ang kanyang pamilya ng buhay na may dignidad
(Article 23. 3).


Ikalawa, dapat bigyang-proteksiyon ang mga karapatang moral at materyal ng mga
author ng gawang scientific, literary, at artistic (Article 27.2).


Ang mga may-akda ay manggagawang dapat kumita nang sapat at mabigyan ng karampatang bayad sa bawat gamit ng kanilang mga akda o gawa. Bakit? Sapagkat may katawan din silang kailangang pakainin at may pamilyang dapat itaguyod at mabigyan ng buhay na may dignidad.


Hindi ako sang-ayon sa panukala ng ilan na dapat isantabi ang copyright dahil
imbensiyon lang ito ng mga abogado at ni hindi naman ito nabanggit sa Universal Declaration of Human Rights. Kung gayon ay dapat na ring isantabi ang Filipinas dahil wala namang mahilig sa kabayo dito.


Kailangan nating magkaisa at magkaunawaan sapagkat maraming kabuhayan
at maraming pamilya ang nakasalalay ang kita sa copyright.


Inaanyayahan ang mga authors, publishers o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS para lalo pang mabigyang-proteksiyon ang kanilang mga gawa. Wala pong membership fee. Ang mahalaga ay mayron kayong published works para sa mga author at nasa inyo ang kapangyarihang mag-manage kung heirs kayo ng author. Kung may tanong
hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment