Tuesday, March 1, 2011

Buhay na Titik: Copyright at ang Principle of the Independence of Protection

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright at ang Principle of the Independence of Protection


Ang Berne Convention ay isang pandaigdigang kasunduan sa pagbibigay-proteksiyon ng mga likhang pampanitikan at sining. Ito ay pinaiiral sa 164 na bansa. Lumagda ang Pilipinas dito noong 1951.

Tatlong principles ang pundasyon nito. Una, ang principle of national treatment kung saan nakasaad na dapat ay pantay ang trato sa mga awtor mula sa mga kasaping bansa at sa awtor na mula sa sariling bansa. Ikalawa, ang principle of automatic protection kung saan ang akda o likha ay agad na may proteksiyon ng batas sa sandaling nailuwal na ito ng awtor. Ang automatic protection ay hindi dapat na nakasalalay pa sa formality o anumang mahabang proseso.

Ang ikatlo ay tinatawag na principle of the independence of protection kung saan nakasaad na ang proteksiyon sa akda o likha na ibinibigay ng mga kasaping bansa sa Berne Convention ay hindi nakasalalay sa pagbibigay-proteksiyon sa akda o likha ng pinagmulang bansa.

Halimbawa, isang libro mula sa Norway ang napadpad sa Pilipinas. Ang Norway ay isang bansa sa Scandinavia. Kasama sa obligasyon ng Pilipinas na respetuhin ang karapatan ng may akda saang bansa man siya nagmula.

Baliktarin naman natin. Ang librong “It’s a Mens World” ni Bebang Siy na mula sa Pilipinas halimbawa ay napadpad sa Norway. Ang librong ito ay protektado sa Pilipinas at pagdating nito sa Norway ay bibigyan din ito ng proteksiyon. Kaya ipagtatanggol ng batas ng Norway ang karapatan ni Bebang Siy kapag may nag-reproduce ng libro para gamitin ng mga mag-aaral na nais maintindihan ang Mens sa Pilipinas. Ibig sabihin, ayon sa batas, dapat ay may kumokolekta ng karampatang bayad mula sa mga paaralan para sa pagpa-photocopy ng libro ni Bebang Siy.

Kung sakaling magkainteres ang mga Fil-Am sa libro ni Bebang Siy at napadpad ang libro sa United States of America, bibigyan pa rin ng mga Kano ng proteksiyon ang libro. Dapat lang. Ito ay bilang respeto sa Berne Convention at bilang pagsunod naman sa batas, kokolekta rin ng karampatang bayad mula sa mga institusyon na magpapa-photocopy o mag-ii-scan ng bahagi ng libro.

Kaya lang, may isa pang isyu. Ang proteksiyon ng libro sa Pilipinas ay buong panahon na nabubuhay ang awtor at 50 taon mula sa kanyang pagpanaw. Pero sa America ay buong buhay ng awtor at 70 taon mula sa kanyang pagpanaw. Kaninong batas ang masusunod kung ang libro ay galing sa Pilipinas at nasa America ito?

Ayon sa principle of the independence of protection, ang libro mula sa ‘Pinas ay mawawalan ng proteksiyon kapag umabot na sa 50 taon mula sa pagpanaw ng awtor. Hindi puwedeng madagdagan ng 20 taon para maging kaparehas ng proteksiyon sa America.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS upang mabigyang-proteksiyon ang kanilang mga akda. Wala pong membership fee. Ang mahalaga ay mayroon kayong published works (para sa mga awtor) at nasa inyo ang kapangyarihang mag-manage ng copyright (kung tagapagmana naman kayo ng awtor). Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.


Ang Buhay na Titik ay kolum ng FILCOLS sa lingguhang pahayagan na Responde Cavite. Ito ay pagmamay-ari ng isang kasapi ng FILCOLS na si Eros Atalia. Ang sirkulasyon nito ay sa buong lalawigan ng Cavite.

No comments:

Post a Comment