Showing posts with label Berne Convention. Show all posts
Showing posts with label Berne Convention. Show all posts

Tuesday, March 1, 2011

Buhay na Titik: Copyright at ang Principle of the Independence of Protection

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright at ang Principle of the Independence of Protection


Ang Berne Convention ay isang pandaigdigang kasunduan sa pagbibigay-proteksiyon ng mga likhang pampanitikan at sining. Ito ay pinaiiral sa 164 na bansa. Lumagda ang Pilipinas dito noong 1951.

Tatlong principles ang pundasyon nito. Una, ang principle of national treatment kung saan nakasaad na dapat ay pantay ang trato sa mga awtor mula sa mga kasaping bansa at sa awtor na mula sa sariling bansa. Ikalawa, ang principle of automatic protection kung saan ang akda o likha ay agad na may proteksiyon ng batas sa sandaling nailuwal na ito ng awtor. Ang automatic protection ay hindi dapat na nakasalalay pa sa formality o anumang mahabang proseso.

Ang ikatlo ay tinatawag na principle of the independence of protection kung saan nakasaad na ang proteksiyon sa akda o likha na ibinibigay ng mga kasaping bansa sa Berne Convention ay hindi nakasalalay sa pagbibigay-proteksiyon sa akda o likha ng pinagmulang bansa.

Halimbawa, isang libro mula sa Norway ang napadpad sa Pilipinas. Ang Norway ay isang bansa sa Scandinavia. Kasama sa obligasyon ng Pilipinas na respetuhin ang karapatan ng may akda saang bansa man siya nagmula.

Baliktarin naman natin. Ang librong “It’s a Mens World” ni Bebang Siy na mula sa Pilipinas halimbawa ay napadpad sa Norway. Ang librong ito ay protektado sa Pilipinas at pagdating nito sa Norway ay bibigyan din ito ng proteksiyon. Kaya ipagtatanggol ng batas ng Norway ang karapatan ni Bebang Siy kapag may nag-reproduce ng libro para gamitin ng mga mag-aaral na nais maintindihan ang Mens sa Pilipinas. Ibig sabihin, ayon sa batas, dapat ay may kumokolekta ng karampatang bayad mula sa mga paaralan para sa pagpa-photocopy ng libro ni Bebang Siy.

Kung sakaling magkainteres ang mga Fil-Am sa libro ni Bebang Siy at napadpad ang libro sa United States of America, bibigyan pa rin ng mga Kano ng proteksiyon ang libro. Dapat lang. Ito ay bilang respeto sa Berne Convention at bilang pagsunod naman sa batas, kokolekta rin ng karampatang bayad mula sa mga institusyon na magpapa-photocopy o mag-ii-scan ng bahagi ng libro.

Kaya lang, may isa pang isyu. Ang proteksiyon ng libro sa Pilipinas ay buong panahon na nabubuhay ang awtor at 50 taon mula sa kanyang pagpanaw. Pero sa America ay buong buhay ng awtor at 70 taon mula sa kanyang pagpanaw. Kaninong batas ang masusunod kung ang libro ay galing sa Pilipinas at nasa America ito?

Ayon sa principle of the independence of protection, ang libro mula sa ‘Pinas ay mawawalan ng proteksiyon kapag umabot na sa 50 taon mula sa pagpanaw ng awtor. Hindi puwedeng madagdagan ng 20 taon para maging kaparehas ng proteksiyon sa America.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS upang mabigyang-proteksiyon ang kanilang mga akda. Wala pong membership fee. Ang mahalaga ay mayroon kayong published works (para sa mga awtor) at nasa inyo ang kapangyarihang mag-manage ng copyright (kung tagapagmana naman kayo ng awtor). Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.


Ang Buhay na Titik ay kolum ng FILCOLS sa lingguhang pahayagan na Responde Cavite. Ito ay pagmamay-ari ng isang kasapi ng FILCOLS na si Eros Atalia. Ang sirkulasyon nito ay sa buong lalawigan ng Cavite.

Friday, February 4, 2011

Buhay na Titik: Copyright at ang Principle of National Treatment

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Copyright at ang Principle of National Treatment


Ang may kapangyarihan ay parating tama. Tama? Might makes right, tama?

Hindi yata.

Ang ideyang ito ay inobserbahan, dinanas, at ginawang paksa ng maraming debate simula pa noong dumami ang mga philosopher sa Greece.

Kawawa ang mga talunan sa gera. Madalas nga ay mas masuwerte pa ang mga sundalong namatay sa battlefield. Ang mga nakaligtas kasi sa gera ay nagiging alila ng mga mananakop. Pati ang kanilang mga anak at asawa ay ipinagbibili bilang mga alila.

At dahil gera at armas ang solusyon sa lahat ng usapin noon, ang may mga hawak ng armas at malalakas ang siyang nagdidikta kung ano ang tama. Ang mahihina ay nasa isang tabi lang ng lipunan kasama ang iba pang lahi na talunan din sa digmaan. Ang mundo ay nahahati lamang sa dalawa: master at slave. Amo at alila.

Ang ganitong pananaw ay laganap din sa Europe lalo na noong nasa kapangyarihan ang Nazis. Idinidikta ng may kapangyarihan at may armas kung ano ang tama. Ang batas ay nasa panig ng may hawak ng kapangyarihan. Ang mga dayuhan at ibang lahi ay etsapuwera na. Sa isang iglap ay kayang kunin ng may kapangyarihan ang hanapbuhay o ari-arian ng mga ito. Madalas pati buhay ng mga ito ay mabilis ding nakikitil.

Matapos ang World War II, pinaigting ng mga bansang nagtagumpay ang pagiging sibilisado. Hindi dapat maging malupit sa mga talunan, anila. Dapat maging respectful, merciful, at understanding mula ngayon. Kaya naman tinulungan pa nila ang Germany, Japan, Italy at iba pang Axis powers na makabangon at mapalakas ang kani-kanilang ekonomiya.

Pero pinaigting pa rin ang katarungan at pagpapatupad ng mga pangdaigdigang kasunduan. Binitay ang mga war criminal pero ang mga mamamayan ay hindi naman ginawan nang masama. Isa sa mga pundasyon ng pandaigdigang kasunduan ang principle of national treatment.

Ang prinsipyong ito ang nagsasabing ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa mata ng batas. Dapat na pantay ang pagtrato ng pamahalaan o ng may kapangyarian sa locals at sa foreigners. Kung ang pag-aari at kabuhayan ng locals ay protektado, dapat na protektado din ang sa foreigners. Basta’t klaro lang na walang lumalabag sa batas. Kahit sino ka pa, dapat lang na dumaan ka rin sa tamang proseso o mabigyan ng pagkakataong maipagtanggol ang sarili sa harap ng batas. Ang dapat lang na mangibabaw ay ang rule of law.

Kaya naman sa Berne Convention, ang principle of national treatment ang pinakauna. Kung ang ari-arian ng locals ay protektado, dapat gayundin ang sa foreigners. Kung ang copyright ng locals ay nirerespeto, dapat na nirerespeto rin ang sa foreigners. At kung may benepisyo para sa mga local author, dapat na may benepisyo rin para sa foreigners.

Ang prinsipyong ito ay ipinatutupad sa lahat ng bansang pumirma sa international agreement o treaty na Berne Convention. Ibig sabihin, sa mga kasaping bansa ang lahat ng author o copyright owner ay tinatrato nang pantay at walang pagkiling.

Ang lahat ng manunulat at publisher ay inaanyayahang sumali sa FILCOLS. Wala pong membership fee. Ang mahalaga ay mayroon kayong published works. Magpunta sa filcols.blogspot.com para sa detalye. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Para sa Buhay na Titik, kolum ng FILCOLS sa pahayagang Responde Cavite ngayong 3 Pebrero 2011

Wednesday, January 26, 2011

Buhay na Titik: Copyright at Berne Convention

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright at Berne Convention


Ano ang koneksiyon ni Jose Rizal kay Victor Hugo sa Berne Convention at Copyright?

Teka, sino nga muna si Victor Hugo?

Siya ang nobelistang Pranses na nagbigay sa mundo ng mga sikat na akdang Hunchback of Notre Dame at Les Miserables.

At ano naman ang Berne?

Ito ay isang lugar sa Switzerland kung saan nagkaroon ng pandaigdigang pagpupulong noong 1886 dahil sa pangungulit ni Victor Hugo.

Habang nagpupulong ang sikat na mga may-akda ng likhang pampanitikan at pansining, abala naman si Jose Rizal sa Heidelberg, Germany bilang isang medicine student.

Ano ang dahilan ng pagpupulong? Ito ay para magkaroon ng iisang tinig ang mga may akda tungkol sa kanilang karapatan bilang awtor. Ang naging resulta ng pagpupulong ay isang dokumentong tinatawag na Berne Convention for the Protection of Literary and Artistic Works.

Oo, panahon pa ni Rizal ay pinag-uusapan na ang karapatan ng mga awtor sa kanilang akda at gawa.

Noong siglo 600, ang naging hatol sa Ireland tungkol sa pangongopya ni St. Columba ng libro ni St. Finnian ay pangkabuhayan: To every cow its calf; to every book its copy. Samantalang noong siglo 18, ang utos ni Reyna Anne ng England ay copyright para sa kabuhayan at pagpapalaganap ng kaalaman.

Sa Berne Convention noong siglo 19, napagkasunduan na may moral rights ang author o ang karapatang makilala bilang may akda. Kakambal ng moral right ang karapatang mag-authorize at/o pumigil sa anumang gagawing pagbabago sa akda o gawa. Mahalaga ito dahil malinaw na nagkasundo ang mga delegado ng mga bansang naroon na ang awtor lamang ang may karapatan sa kanyang gawa.

Nagkasundo rin ang mga delegado sa tatlong prinsipyo: una, ang principle of national treatment kung saan pantay ang trato sa awtor na local at foreigner. Kung may respetong ibinibigay sa mga lokal na awtor dapat na parehas din ang trato sa mga foreign na awtor.

Ikalawa, ang proteksiyon para sa mga akda o gawa ay automatic. Ibig sabihin pagkalagay mo ng tuldok sa huling pangungusap ng iyong nobela ay awtomatikong may proteksiyon na ito. Ibig sabihin pagkalagay mo ng huling brush stroke sa painting o huling nota sa iyong awit ay awtomatikong protektado na ito. Ikaw at ang akda: protektado ng copyright. Hindi na kailangan pa ng kahit na anong papel para masabing protektado ito. Ibig sabihin ang copyright ay automatic. Ang proteksiyon ng batas sa akda o gawa ay nagsisimula matapos ang paglalagay ng huling tuldok, brush stroke o nota o elemento sa isang likha.

E, bakit kailangan pa ng registration ng akda o gawa?

Ang purpose nito ay para meron kang Certificate of Registration. Ang akda o gawa mo ay nakarehistro sa talaan ng National Library. Dahil ang copyright ay automatic na nga, mali ang intindi ng iba na kailangan pa at dapat magparehistro para maipa-copyright ang akda o gawa.

Ikatlo, ang proteksiyon para sa akda o gawa ay mananatiling protektado kahit nasa labas na ito ng bansang pinagmulan. Halimbawa, ang librong gawa sa Pilipinas ay protektado kahit nasa Amerika o Europa pa ito. At ang batas na paiiralin ay ang batas kung saan nagkaroon ng copyright ang akda o gawa. Kaya hindi maaaring proteksiyunan ang akda o gawa na nasa labas ng bansang pinagmulan kung ang proteksiyon nito sa sariling bansa ay paso na. Halimbawa, 50 taon ang proteksiyon ng libro sa bansang pinagmulan at sa bansang kinalalagyan nito ay 70 taon. Kapag lumapas na sa 50 taon hindi na maaaring palawigin pa ito nang 20 taon.

Kaya sa susunod na mabasa mo ang mga nobelang Noli Me Tangere, El Filibusterismo, Hunchback of Notre Dame, at Les Miserables, alalahanin mo rin ang Berne Convention. Alalahanin mo na ang usaping copyright ay pinagdebatehan at napagkasunduan na noon pang panahon ni Rizal.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Buhay na Titik: Copyright at ang Berne Three-step Test

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright at ang Berne Three-step Test


Ang awtor ng mga gawang siyentipiko, pampanitikan, at pansining ay may exclusive rights sa kanyang gawa. Dahil siya ang pinagmulan ng gawa, may karapatan siyang moral dito. Ibig sabihin, walang sinuman ang maaaring umangkin ng kanyang gawa. May karapatan siyang pigilin o pahintulutan ang sinuman na baguhin ang kanyang gawa. At bilang kanyang ikinabubuhay ay may karapatan siyang kumita o mabayaran nang sapat mula sa paggamit ng iba sa kanyang gawa.

Malaking kapangyarihan ang nasa kamay ng awtor. Siya lamang ang ekslusibong may hawak nito. Exclusive rights ang teknikal na tawag dito. Ika nga ay solo lang niya ang kapangyarihan patungkol sa kanyang gawa.

Pero sa kabilang panig ay may karapatan din naman ang publiko na ma-access o magamit ang gawa o akda ng awtor. Ang paggamit na ito ay kailangan upang matupad ang isa sa mga layunin ng copyright, ang pagpapalaganap ng kaalaman.

Kaya maraming mga expert sa batas ang naghahambing sa exclusive right ng awtor at sa right of access ng publiko sa isang balance scale. Ang karapatan ng awtor sa kabila ng timbangan at ang karapatan ng publiko naman sa kabila. Kailangang magkapantay ang pagpapahalaga sa dalawang rights na nabanggit.

Kapag hindi nalimitahan ang exclusive rights ng awtor sa kanyang gawa, magiging mahirap para sa publiko ang magamit ang gawang iyon. At magiging hadlang ang ganitong sitwasyon sa pagpapalaganap ng kaalaman.

Para malimitahan ang exclusive rights ng awtor sa kanyang gawa ay dapat na payagan ng batas na ma-reproduce ang gawa. Lumabas ang ganitong pananaw noong kalagitnaan ng 1960s dahil sa pagdami ng mga photocopying machine.

Dahil dito ay pinayagan ng mga expert sa batas at international treaty tulad ng Berne Convention ang paglilimita sa exclusive rights. Ibig sabihin, puwedeng i-reproduce o paramihin ang sipi ng isang gawa nang hindi makakasuhan ng copyright infringement o paglabag sa karapatan ng awtor ang magpaparami nito.

Dito nabuo ang Berne three-step test. Ito ang magiging batayan para masabi kung tama nga ba ang reproduction ng isang gawa. Dapat ay aayon ang lahat sa tatlong kondisyon para masabing tama nga ang pagpaparami ng sipi ng isang gawa.

Una, puwedeng limitahan ang exclusive rights ng awtor sa iilan at tiyak na natatanging kaso lang. Ibig sabihin hindi sa lahat ng sitwasyon ay puwedeng i-reproduce ang gawa. Dapat kapag may “special case” lamang. Halimbawa, kung ang reproduction ay para sa mga Visually Impaired Persons o VIP.

Ikalawa, okey din ang limitation basta hindi ito babangga o sasalungat sa normal na “exploitation of the work.” Ibig sabihin kung ang normal na paraan kung saan kumikita ang awtor sa aklat niya ay sa pamamagitan ng publishing at pagtitinda nito sa bookstores o book sellers, dapat na hindi ito matamaan sa limitation. Hindi puwedeng ang dahilan ng reproduction ng gawa ay para ibenta rin ang mga ito sa bookstores o booksellers o maipamudmod sa mambabasa sa pamamagitan ng mga distributor.

Ikatlo, dapat na malinaw na ang limitation ay hindi nagiging dahilan para “unreasonably prejudice the legitimate interests of the autor.” Ibig sabihin, bawal ang pagre-reproduce ng gawa kung ito ay dahilan upang unreasonably maapektuhan ang karampatang kita ng awtor sa kanyang gawa.

Kailangang nakapasa at umaayon ang mga sitwasyon sa tatlong hakbang/tanong na ito para masabing okey ang limitation sa exclusive rights ng awtor. Hindi puwedeng ang dahilan sa pagre-reproduce ay para may magamit ang mga VIP tapos biglang ipa-publish ang akda, ibebenta sa mga bookstore o taong nangangailangan at tuwiran nang mawawalan ng kikitain ang awtor.

Ganito rin ang sukatan kung ang akda ay ipo-photocopy nang maramihan na gagamitin ng milyong estudyante kada semestre. Dapat na makatanggap ang awtor ng just compensation kung ganito ang sitwasyon.

Ang Berne three-step test ay gabay ng mga bansa sa paggawa ng kanilang mga batas. Ito rin ang siyang batayan sa ating batas na Intellectual Property Code of the Philippines.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.