Friday, February 4, 2011

Buhay na Titik: Copyright at ang Principle of National Treatment

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Copyright at ang Principle of National Treatment


Ang may kapangyarihan ay parating tama. Tama? Might makes right, tama?

Hindi yata.

Ang ideyang ito ay inobserbahan, dinanas, at ginawang paksa ng maraming debate simula pa noong dumami ang mga philosopher sa Greece.

Kawawa ang mga talunan sa gera. Madalas nga ay mas masuwerte pa ang mga sundalong namatay sa battlefield. Ang mga nakaligtas kasi sa gera ay nagiging alila ng mga mananakop. Pati ang kanilang mga anak at asawa ay ipinagbibili bilang mga alila.

At dahil gera at armas ang solusyon sa lahat ng usapin noon, ang may mga hawak ng armas at malalakas ang siyang nagdidikta kung ano ang tama. Ang mahihina ay nasa isang tabi lang ng lipunan kasama ang iba pang lahi na talunan din sa digmaan. Ang mundo ay nahahati lamang sa dalawa: master at slave. Amo at alila.

Ang ganitong pananaw ay laganap din sa Europe lalo na noong nasa kapangyarihan ang Nazis. Idinidikta ng may kapangyarihan at may armas kung ano ang tama. Ang batas ay nasa panig ng may hawak ng kapangyarihan. Ang mga dayuhan at ibang lahi ay etsapuwera na. Sa isang iglap ay kayang kunin ng may kapangyarihan ang hanapbuhay o ari-arian ng mga ito. Madalas pati buhay ng mga ito ay mabilis ding nakikitil.

Matapos ang World War II, pinaigting ng mga bansang nagtagumpay ang pagiging sibilisado. Hindi dapat maging malupit sa mga talunan, anila. Dapat maging respectful, merciful, at understanding mula ngayon. Kaya naman tinulungan pa nila ang Germany, Japan, Italy at iba pang Axis powers na makabangon at mapalakas ang kani-kanilang ekonomiya.

Pero pinaigting pa rin ang katarungan at pagpapatupad ng mga pangdaigdigang kasunduan. Binitay ang mga war criminal pero ang mga mamamayan ay hindi naman ginawan nang masama. Isa sa mga pundasyon ng pandaigdigang kasunduan ang principle of national treatment.

Ang prinsipyong ito ang nagsasabing ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa mata ng batas. Dapat na pantay ang pagtrato ng pamahalaan o ng may kapangyarian sa locals at sa foreigners. Kung ang pag-aari at kabuhayan ng locals ay protektado, dapat na protektado din ang sa foreigners. Basta’t klaro lang na walang lumalabag sa batas. Kahit sino ka pa, dapat lang na dumaan ka rin sa tamang proseso o mabigyan ng pagkakataong maipagtanggol ang sarili sa harap ng batas. Ang dapat lang na mangibabaw ay ang rule of law.

Kaya naman sa Berne Convention, ang principle of national treatment ang pinakauna. Kung ang ari-arian ng locals ay protektado, dapat gayundin ang sa foreigners. Kung ang copyright ng locals ay nirerespeto, dapat na nirerespeto rin ang sa foreigners. At kung may benepisyo para sa mga local author, dapat na may benepisyo rin para sa foreigners.

Ang prinsipyong ito ay ipinatutupad sa lahat ng bansang pumirma sa international agreement o treaty na Berne Convention. Ibig sabihin, sa mga kasaping bansa ang lahat ng author o copyright owner ay tinatrato nang pantay at walang pagkiling.

Ang lahat ng manunulat at publisher ay inaanyayahang sumali sa FILCOLS. Wala pong membership fee. Ang mahalaga ay mayroon kayong published works. Magpunta sa filcols.blogspot.com para sa detalye. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Para sa Buhay na Titik, kolum ng FILCOLS sa pahayagang Responde Cavite ngayong 3 Pebrero 2011

No comments:

Post a Comment