Copyright at ang Principle of Automatic Protection
Paglabas ng umiiyak na sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina, siya ay ganap na tao na, may karapatan at binibigyang-proteksiyon ng batas.
Ang birth certificate ay pagpapatunay na ipinanganak siya ng kanyang ina sa nasabing lugar at petsa. Nakasaad din sa sertipiko kung sino ang kanyang ama, kung sino ang nagpaanak at iba pang detalye.
Kailangan ang birth certificate sa enrolment ng bata, pagkuha ng mga ID at importanteng dokumento mula sa gobyerno tulad ng passport.
Pero hindi kailangan ang birth certificate para patunayang tao nga ang sanggol. Hindi kailangan ang papel para ipaglaban ang karapatan ng isang bata. Hindi kailangan ang papel para siya maproteksiyunan ng batas.
Ang papel ay certificate of birth. Hindi certificate of humanity.
Ang halimbawang binanggit ang gusto kong ikabit pagdating sa copyright ng mga akda. Ayon sa Principle of Automatic Protection na ikalawa sa Berne Convention, ang lahat ng akda at gawa ay nagkakaroon ng automatic protection matapos itong malikha.
Ang automatic protection na ito ay tinatawag na copyright. Ibig sabihin matapos ang huling pangungusap sa iyong nobela o maikling kuwento, may copyright na agad ito. Parang magic.
Ganito rin ang magic matapos ang huling pahid ng pintura sa iyong nilikhang painting. Pati na sa huling nota na iyong kinompows na love song o huling taludtod na iyong isinulat sa sariling tula. Automatic ang copyright. Parang magic.
Sapagkat katulad ng sanggol, ang iyong akda o gawa ay isang kumpletong expression of ideas na may karapatan at kailangang bigyan ng proteksiyon. Hindi na kailangan ng papel o anumang dokumento.
E, ano ‘yong papel na binibigay ng National Library matapos mo dalhin ang iyong akda sa kanilang opisina?
Ang tawag sa papel na ‘yon ay certificate of registration. Hindi certificate of copyright. Ibig sabihin ang iyong akda o gawa ay na-isubmit sa kanila at nakarehistro sa kanilang talaan.
Hindi ka bibigyan ng sertipiko para sabihing “ikaw na may akda ay may copyright sa iyong libro” o kaya “ikaw ang may likha ay may copyright sa iyong painting.” Kakambal ng iyong paglikha o pagtatapos sa iyong likha ang pagkakaroon mo ng karapatan dito bilang creator. Sa madaling sabi, automatic ang copyright. At automatic din ang proteksiyon.
Kaya pag narinig mo ang biyenan mong pupunta siya sa National Library para magpa-copyright ng libro niya, ibigay mo ang artikulong ito para maliwanagan siya. ‘Wag mong pagtawanan ang biyenan mo dahil alam naman nating wala naman talaga siyang librong naisulat. Pangarap n’ya lang ‘yon. Wish niya lang.
Inaanyayahan ang authors, publishers o tagapagmana ng copyright ng mga yumaong authors na sumali sa FILCOLS para mabigyang-proteksiyon ang kanilang mga gawa. Wala pong membership fee. Sapat nang mayroon kayong published works (para sa mga author) at nasa inyo ang kapangyarihang mag-manage ng published works kung heirs kayo ng author. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
Para sa Buhay na Titik, kolum ng FILCOLS sa pahayagang Responde Cavite ngayong 9 Pebrero 2011
No comments:
Post a Comment