Showing posts with label Principle of National Treatment. Show all posts
Showing posts with label Principle of National Treatment. Show all posts

Wednesday, May 11, 2011

Buhay na Titik: World Trade Organization at TRIPS Agreement

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


World Trade Organization at TRIPS Agreement


Huwag kang gagawa nang masama sa kapwa mo dahil hindi mo rin magugustuhan kung ikaw naman ang gagawan nang masama. Ito ay mas kilala bilang Golden Rule na itinuro ng mga banal tulad nina Buddha at Hesus.

Ang Golden Rule ay may bersiyon na siyang pundasyon ng mga international treaty. Ito ay kilala bilang National Treatment principle.

Ayon sa National Treatment principle, ang mga bansang pumirma sa international treaty ay handang magbigay-proteksiyon sa mga foreigner katulad ng proteksiyong ibinibigay nito sa sariling mamamayan. At dahil lahat ng bansang miyembro ng treaty ay sumusunod sa Golden Rule, masaya ang lahat ng mga mamamayan.

Ang World Trade Organization ay itinatag sa ganitong paniniwala noong 1995. Ang miyembro ng WTO ay hindi individuals kundi mga gobyernong nakikipagkalakalan sa isa’t isa.

Ang WTO ang pangunahing organisasyon na naglalatag ng rules pagdating sa global trade. Dahil may rules na gagabay sa lahat ng miyembro, nagiging maayos ang daloy ng kalakalan.

Kung meron mang problemang makaharap ang pamahalaan ng bawat bansa, puwedeng magreklamo ang mga ito sa WTO. Katulad lang sa barangay hall natin kung saan maayos na napapag-usapan ang problema na nabibigyan ng solusyon na tanggap ng lahat.

Ang pagtatayo ng WTO bilang hingahan ng hinaing ng mga bansa ay nagdudulot ng kapayapaan. Isa sa mga dahilan ng pagsiklab ng World War II ay ang di pagkakasundo sa pakikipagkalakalan ng mga bansa. Kanya-kanyang proteksiyon sa kanya-kanyang kalakal. At dahil walang constructive dialogue ay nauwi ang lahat sa gera.

Sa kasalukuyan, pinagtuunang pansin ng WTO ang intellectual property o IP bilang bagong source ng kayamanan ng mga bansa. Ang mga produkto at serbisyo mula sa IP ang siyang pangunahing laman ng international trade tulad ng gamot, software, computers, cellphones, libro, music, movies, at iba pa.

Dahil dito, nabuo ang Agreement on Trade Related Aspects of IP Rights. Mas kilala ito bilang TRIPS Agreement. Isa sa tinatalakay dito ay ang laganap na kalakalan ng pekeng goods. Ang mga pekeng produkto ay nakakapagpabagsak sa economy ng mga bansa at nakakadagdag sa kahirapan dahil ang local industries ay hindi lumalago. Pag walang local business, walang trabaho, walang kita.

Nasa TRIPS Agreement din ang copyright and related rights. Muling pinaalalahanan dito ang mga bansang kasapi at lumagda dito na bigyang-respeto at sapat na proteksiyon ang mga author at iba pang may-ari ng copyright.

Mahalagang mabigyan ng respeto ang lahat ng mga author. Dahil gusto nating respetuhin din ng mga foreigner ang gawa nating mga Pinoy sa abroad. Kabuhayan ng authors ang gumawa ng libro. Dapat silang mabigyan ng just payment para sa kanilang mga akda.

Isabuhay natin ang Golden Rule.

Igalang natin ang National Treatment.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Friday, February 4, 2011

Buhay na Titik: Copyright at ang Principle of National Treatment

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Copyright at ang Principle of National Treatment


Ang may kapangyarihan ay parating tama. Tama? Might makes right, tama?

Hindi yata.

Ang ideyang ito ay inobserbahan, dinanas, at ginawang paksa ng maraming debate simula pa noong dumami ang mga philosopher sa Greece.

Kawawa ang mga talunan sa gera. Madalas nga ay mas masuwerte pa ang mga sundalong namatay sa battlefield. Ang mga nakaligtas kasi sa gera ay nagiging alila ng mga mananakop. Pati ang kanilang mga anak at asawa ay ipinagbibili bilang mga alila.

At dahil gera at armas ang solusyon sa lahat ng usapin noon, ang may mga hawak ng armas at malalakas ang siyang nagdidikta kung ano ang tama. Ang mahihina ay nasa isang tabi lang ng lipunan kasama ang iba pang lahi na talunan din sa digmaan. Ang mundo ay nahahati lamang sa dalawa: master at slave. Amo at alila.

Ang ganitong pananaw ay laganap din sa Europe lalo na noong nasa kapangyarihan ang Nazis. Idinidikta ng may kapangyarihan at may armas kung ano ang tama. Ang batas ay nasa panig ng may hawak ng kapangyarihan. Ang mga dayuhan at ibang lahi ay etsapuwera na. Sa isang iglap ay kayang kunin ng may kapangyarihan ang hanapbuhay o ari-arian ng mga ito. Madalas pati buhay ng mga ito ay mabilis ding nakikitil.

Matapos ang World War II, pinaigting ng mga bansang nagtagumpay ang pagiging sibilisado. Hindi dapat maging malupit sa mga talunan, anila. Dapat maging respectful, merciful, at understanding mula ngayon. Kaya naman tinulungan pa nila ang Germany, Japan, Italy at iba pang Axis powers na makabangon at mapalakas ang kani-kanilang ekonomiya.

Pero pinaigting pa rin ang katarungan at pagpapatupad ng mga pangdaigdigang kasunduan. Binitay ang mga war criminal pero ang mga mamamayan ay hindi naman ginawan nang masama. Isa sa mga pundasyon ng pandaigdigang kasunduan ang principle of national treatment.

Ang prinsipyong ito ang nagsasabing ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa mata ng batas. Dapat na pantay ang pagtrato ng pamahalaan o ng may kapangyarian sa locals at sa foreigners. Kung ang pag-aari at kabuhayan ng locals ay protektado, dapat na protektado din ang sa foreigners. Basta’t klaro lang na walang lumalabag sa batas. Kahit sino ka pa, dapat lang na dumaan ka rin sa tamang proseso o mabigyan ng pagkakataong maipagtanggol ang sarili sa harap ng batas. Ang dapat lang na mangibabaw ay ang rule of law.

Kaya naman sa Berne Convention, ang principle of national treatment ang pinakauna. Kung ang ari-arian ng locals ay protektado, dapat gayundin ang sa foreigners. Kung ang copyright ng locals ay nirerespeto, dapat na nirerespeto rin ang sa foreigners. At kung may benepisyo para sa mga local author, dapat na may benepisyo rin para sa foreigners.

Ang prinsipyong ito ay ipinatutupad sa lahat ng bansang pumirma sa international agreement o treaty na Berne Convention. Ibig sabihin, sa mga kasaping bansa ang lahat ng author o copyright owner ay tinatrato nang pantay at walang pagkiling.

Ang lahat ng manunulat at publisher ay inaanyayahang sumali sa FILCOLS. Wala pong membership fee. Ang mahalaga ay mayroon kayong published works. Magpunta sa filcols.blogspot.com para sa detalye. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

Para sa Buhay na Titik, kolum ng FILCOLS sa pahayagang Responde Cavite ngayong 3 Pebrero 2011

Wednesday, January 26, 2011

Buhay na Titik: Copyright at Berne Convention

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright at Berne Convention


Ano ang koneksiyon ni Jose Rizal kay Victor Hugo sa Berne Convention at Copyright?

Teka, sino nga muna si Victor Hugo?

Siya ang nobelistang Pranses na nagbigay sa mundo ng mga sikat na akdang Hunchback of Notre Dame at Les Miserables.

At ano naman ang Berne?

Ito ay isang lugar sa Switzerland kung saan nagkaroon ng pandaigdigang pagpupulong noong 1886 dahil sa pangungulit ni Victor Hugo.

Habang nagpupulong ang sikat na mga may-akda ng likhang pampanitikan at pansining, abala naman si Jose Rizal sa Heidelberg, Germany bilang isang medicine student.

Ano ang dahilan ng pagpupulong? Ito ay para magkaroon ng iisang tinig ang mga may akda tungkol sa kanilang karapatan bilang awtor. Ang naging resulta ng pagpupulong ay isang dokumentong tinatawag na Berne Convention for the Protection of Literary and Artistic Works.

Oo, panahon pa ni Rizal ay pinag-uusapan na ang karapatan ng mga awtor sa kanilang akda at gawa.

Noong siglo 600, ang naging hatol sa Ireland tungkol sa pangongopya ni St. Columba ng libro ni St. Finnian ay pangkabuhayan: To every cow its calf; to every book its copy. Samantalang noong siglo 18, ang utos ni Reyna Anne ng England ay copyright para sa kabuhayan at pagpapalaganap ng kaalaman.

Sa Berne Convention noong siglo 19, napagkasunduan na may moral rights ang author o ang karapatang makilala bilang may akda. Kakambal ng moral right ang karapatang mag-authorize at/o pumigil sa anumang gagawing pagbabago sa akda o gawa. Mahalaga ito dahil malinaw na nagkasundo ang mga delegado ng mga bansang naroon na ang awtor lamang ang may karapatan sa kanyang gawa.

Nagkasundo rin ang mga delegado sa tatlong prinsipyo: una, ang principle of national treatment kung saan pantay ang trato sa awtor na local at foreigner. Kung may respetong ibinibigay sa mga lokal na awtor dapat na parehas din ang trato sa mga foreign na awtor.

Ikalawa, ang proteksiyon para sa mga akda o gawa ay automatic. Ibig sabihin pagkalagay mo ng tuldok sa huling pangungusap ng iyong nobela ay awtomatikong may proteksiyon na ito. Ibig sabihin pagkalagay mo ng huling brush stroke sa painting o huling nota sa iyong awit ay awtomatikong protektado na ito. Ikaw at ang akda: protektado ng copyright. Hindi na kailangan pa ng kahit na anong papel para masabing protektado ito. Ibig sabihin ang copyright ay automatic. Ang proteksiyon ng batas sa akda o gawa ay nagsisimula matapos ang paglalagay ng huling tuldok, brush stroke o nota o elemento sa isang likha.

E, bakit kailangan pa ng registration ng akda o gawa?

Ang purpose nito ay para meron kang Certificate of Registration. Ang akda o gawa mo ay nakarehistro sa talaan ng National Library. Dahil ang copyright ay automatic na nga, mali ang intindi ng iba na kailangan pa at dapat magparehistro para maipa-copyright ang akda o gawa.

Ikatlo, ang proteksiyon para sa akda o gawa ay mananatiling protektado kahit nasa labas na ito ng bansang pinagmulan. Halimbawa, ang librong gawa sa Pilipinas ay protektado kahit nasa Amerika o Europa pa ito. At ang batas na paiiralin ay ang batas kung saan nagkaroon ng copyright ang akda o gawa. Kaya hindi maaaring proteksiyunan ang akda o gawa na nasa labas ng bansang pinagmulan kung ang proteksiyon nito sa sariling bansa ay paso na. Halimbawa, 50 taon ang proteksiyon ng libro sa bansang pinagmulan at sa bansang kinalalagyan nito ay 70 taon. Kapag lumapas na sa 50 taon hindi na maaaring palawigin pa ito nang 20 taon.

Kaya sa susunod na mabasa mo ang mga nobelang Noli Me Tangere, El Filibusterismo, Hunchback of Notre Dame, at Les Miserables, alalahanin mo rin ang Berne Convention. Alalahanin mo na ang usaping copyright ay pinagdebatehan at napagkasunduan na noon pang panahon ni Rizal.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.