Wednesday, January 26, 2011

Buhay na Titik: Copyright at Berne Convention

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright at Berne Convention


Ano ang koneksiyon ni Jose Rizal kay Victor Hugo sa Berne Convention at Copyright?

Teka, sino nga muna si Victor Hugo?

Siya ang nobelistang Pranses na nagbigay sa mundo ng mga sikat na akdang Hunchback of Notre Dame at Les Miserables.

At ano naman ang Berne?

Ito ay isang lugar sa Switzerland kung saan nagkaroon ng pandaigdigang pagpupulong noong 1886 dahil sa pangungulit ni Victor Hugo.

Habang nagpupulong ang sikat na mga may-akda ng likhang pampanitikan at pansining, abala naman si Jose Rizal sa Heidelberg, Germany bilang isang medicine student.

Ano ang dahilan ng pagpupulong? Ito ay para magkaroon ng iisang tinig ang mga may akda tungkol sa kanilang karapatan bilang awtor. Ang naging resulta ng pagpupulong ay isang dokumentong tinatawag na Berne Convention for the Protection of Literary and Artistic Works.

Oo, panahon pa ni Rizal ay pinag-uusapan na ang karapatan ng mga awtor sa kanilang akda at gawa.

Noong siglo 600, ang naging hatol sa Ireland tungkol sa pangongopya ni St. Columba ng libro ni St. Finnian ay pangkabuhayan: To every cow its calf; to every book its copy. Samantalang noong siglo 18, ang utos ni Reyna Anne ng England ay copyright para sa kabuhayan at pagpapalaganap ng kaalaman.

Sa Berne Convention noong siglo 19, napagkasunduan na may moral rights ang author o ang karapatang makilala bilang may akda. Kakambal ng moral right ang karapatang mag-authorize at/o pumigil sa anumang gagawing pagbabago sa akda o gawa. Mahalaga ito dahil malinaw na nagkasundo ang mga delegado ng mga bansang naroon na ang awtor lamang ang may karapatan sa kanyang gawa.

Nagkasundo rin ang mga delegado sa tatlong prinsipyo: una, ang principle of national treatment kung saan pantay ang trato sa awtor na local at foreigner. Kung may respetong ibinibigay sa mga lokal na awtor dapat na parehas din ang trato sa mga foreign na awtor.

Ikalawa, ang proteksiyon para sa mga akda o gawa ay automatic. Ibig sabihin pagkalagay mo ng tuldok sa huling pangungusap ng iyong nobela ay awtomatikong may proteksiyon na ito. Ibig sabihin pagkalagay mo ng huling brush stroke sa painting o huling nota sa iyong awit ay awtomatikong protektado na ito. Ikaw at ang akda: protektado ng copyright. Hindi na kailangan pa ng kahit na anong papel para masabing protektado ito. Ibig sabihin ang copyright ay automatic. Ang proteksiyon ng batas sa akda o gawa ay nagsisimula matapos ang paglalagay ng huling tuldok, brush stroke o nota o elemento sa isang likha.

E, bakit kailangan pa ng registration ng akda o gawa?

Ang purpose nito ay para meron kang Certificate of Registration. Ang akda o gawa mo ay nakarehistro sa talaan ng National Library. Dahil ang copyright ay automatic na nga, mali ang intindi ng iba na kailangan pa at dapat magparehistro para maipa-copyright ang akda o gawa.

Ikatlo, ang proteksiyon para sa akda o gawa ay mananatiling protektado kahit nasa labas na ito ng bansang pinagmulan. Halimbawa, ang librong gawa sa Pilipinas ay protektado kahit nasa Amerika o Europa pa ito. At ang batas na paiiralin ay ang batas kung saan nagkaroon ng copyright ang akda o gawa. Kaya hindi maaaring proteksiyunan ang akda o gawa na nasa labas ng bansang pinagmulan kung ang proteksiyon nito sa sariling bansa ay paso na. Halimbawa, 50 taon ang proteksiyon ng libro sa bansang pinagmulan at sa bansang kinalalagyan nito ay 70 taon. Kapag lumapas na sa 50 taon hindi na maaaring palawigin pa ito nang 20 taon.

Kaya sa susunod na mabasa mo ang mga nobelang Noli Me Tangere, El Filibusterismo, Hunchback of Notre Dame, at Les Miserables, alalahanin mo rin ang Berne Convention. Alalahanin mo na ang usaping copyright ay pinagdebatehan at napagkasunduan na noon pang panahon ni Rizal.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment