Wednesday, January 26, 2011

Buhay na Titik: Copyright at ang Berne Three-step Test

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Copyright at ang Berne Three-step Test


Ang awtor ng mga gawang siyentipiko, pampanitikan, at pansining ay may exclusive rights sa kanyang gawa. Dahil siya ang pinagmulan ng gawa, may karapatan siyang moral dito. Ibig sabihin, walang sinuman ang maaaring umangkin ng kanyang gawa. May karapatan siyang pigilin o pahintulutan ang sinuman na baguhin ang kanyang gawa. At bilang kanyang ikinabubuhay ay may karapatan siyang kumita o mabayaran nang sapat mula sa paggamit ng iba sa kanyang gawa.

Malaking kapangyarihan ang nasa kamay ng awtor. Siya lamang ang ekslusibong may hawak nito. Exclusive rights ang teknikal na tawag dito. Ika nga ay solo lang niya ang kapangyarihan patungkol sa kanyang gawa.

Pero sa kabilang panig ay may karapatan din naman ang publiko na ma-access o magamit ang gawa o akda ng awtor. Ang paggamit na ito ay kailangan upang matupad ang isa sa mga layunin ng copyright, ang pagpapalaganap ng kaalaman.

Kaya maraming mga expert sa batas ang naghahambing sa exclusive right ng awtor at sa right of access ng publiko sa isang balance scale. Ang karapatan ng awtor sa kabila ng timbangan at ang karapatan ng publiko naman sa kabila. Kailangang magkapantay ang pagpapahalaga sa dalawang rights na nabanggit.

Kapag hindi nalimitahan ang exclusive rights ng awtor sa kanyang gawa, magiging mahirap para sa publiko ang magamit ang gawang iyon. At magiging hadlang ang ganitong sitwasyon sa pagpapalaganap ng kaalaman.

Para malimitahan ang exclusive rights ng awtor sa kanyang gawa ay dapat na payagan ng batas na ma-reproduce ang gawa. Lumabas ang ganitong pananaw noong kalagitnaan ng 1960s dahil sa pagdami ng mga photocopying machine.

Dahil dito ay pinayagan ng mga expert sa batas at international treaty tulad ng Berne Convention ang paglilimita sa exclusive rights. Ibig sabihin, puwedeng i-reproduce o paramihin ang sipi ng isang gawa nang hindi makakasuhan ng copyright infringement o paglabag sa karapatan ng awtor ang magpaparami nito.

Dito nabuo ang Berne three-step test. Ito ang magiging batayan para masabi kung tama nga ba ang reproduction ng isang gawa. Dapat ay aayon ang lahat sa tatlong kondisyon para masabing tama nga ang pagpaparami ng sipi ng isang gawa.

Una, puwedeng limitahan ang exclusive rights ng awtor sa iilan at tiyak na natatanging kaso lang. Ibig sabihin hindi sa lahat ng sitwasyon ay puwedeng i-reproduce ang gawa. Dapat kapag may “special case” lamang. Halimbawa, kung ang reproduction ay para sa mga Visually Impaired Persons o VIP.

Ikalawa, okey din ang limitation basta hindi ito babangga o sasalungat sa normal na “exploitation of the work.” Ibig sabihin kung ang normal na paraan kung saan kumikita ang awtor sa aklat niya ay sa pamamagitan ng publishing at pagtitinda nito sa bookstores o book sellers, dapat na hindi ito matamaan sa limitation. Hindi puwedeng ang dahilan ng reproduction ng gawa ay para ibenta rin ang mga ito sa bookstores o booksellers o maipamudmod sa mambabasa sa pamamagitan ng mga distributor.

Ikatlo, dapat na malinaw na ang limitation ay hindi nagiging dahilan para “unreasonably prejudice the legitimate interests of the autor.” Ibig sabihin, bawal ang pagre-reproduce ng gawa kung ito ay dahilan upang unreasonably maapektuhan ang karampatang kita ng awtor sa kanyang gawa.

Kailangang nakapasa at umaayon ang mga sitwasyon sa tatlong hakbang/tanong na ito para masabing okey ang limitation sa exclusive rights ng awtor. Hindi puwedeng ang dahilan sa pagre-reproduce ay para may magamit ang mga VIP tapos biglang ipa-publish ang akda, ibebenta sa mga bookstore o taong nangangailangan at tuwiran nang mawawalan ng kikitain ang awtor.

Ganito rin ang sukatan kung ang akda ay ipo-photocopy nang maramihan na gagamitin ng milyong estudyante kada semestre. Dapat na makatanggap ang awtor ng just compensation kung ganito ang sitwasyon.

Ang Berne three-step test ay gabay ng mga bansa sa paggawa ng kanilang mga batas. Ito rin ang siyang batayan sa ating batas na Intellectual Property Code of the Philippines.

Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment