Copyright at Digmaan ng mga Santo
Alam mo bang ang pinaka-unang recorded na pangongopya ng libro ay nagresulta sa isang madugong digmaan na pinamunuan pa ng dalawang santo? Oo, bitbit ang kani-kanilang kamag-anak at iba pang clan members, ang dalawang panig ay nagpalitan ng sibat, pana, at mga bato dahil sa isang librong kinopya nang walang pahintulot.
Nangyari ang lahat ng ito dahil kay St. Columba noong 561 A.D. sa Ireland. Si St. Columba ay isang anak ng royalty at destined para maging High King. Kaya lang dahil gusto niyang maging isang monk at pari ay nag-aral siya sa iba’t ibang monasteryo sa kanilang lugar. Masigasig si Columba bilang mag-aaral at aktibo naman bilang misyonerong monk.
Ang nag-orden sa kanya bilang deacon ay ang sikat na santong si Bishop Finnian. Maraming libro si Bishop Finnian at isa na rito ay ang Libro ng mga Salmo. Noong panahong ‘yon ay wala pang printing press at computer kaya ginto ang halaga ng mga libro. Sinusulat-kamay kasi ng mga ekspertong calligrapher ang bawat pahina.
Dahil bibong monk si Columba ay marami siyang naitatag na monasteryo. Lagalag din siya at madalas na nag-iikot sa iba’t ibang panig ng Ireland para magturo at ma-monitor ang mga monasteryong itinatag niya.
Minsan ay napabisita siya kay Bishop Finnian at nagustuhan niya ang Libro ng mga Salmo. Ang ginawa ni Columba ay kinopya niya pa-isa-isang pahina ng libro nang walang permiso ni Bishop Finnian. Ilang gabi rin niyang patagong kinokopya ang libro. Nang makumpleto na niya ito ay nagparami siya ng kopya ng libro na siya naman niyang ipinamudmod sa mga monasteryong kanyang itinatag.
Nang malaman ito ni Bishop Finnian ay nagalit siya at humingi ng tulong kay Dermott, High King ng Ireland. Matapos ang mahabang diskusyon, nagpasya ang hari na dapat ngang isoli ni Columba lahat ng kopya ng libro at pinayuhan si Columbang huwag nang uulitin ang ginawa niya dahil bad ‘yon. Ang naging pahayag ng hari ay: To every cow belongs its calf; to every book belongs its copy. Ang guya ay pag-aari ng inang baka; Ang librong kopya ay pag-aari ng inang libro.
Talo si Columba pero hindi niya isinoli ang mga librong kopya. Sa halip ay tinipon niya ang kanyang clan at mga taga-suporta, hinasa ang talim ng mga espada at pana, at hinigpitan ang pagkakatali ng mga sibat. Nag-ipon siya ng maraming bato at nakipagdigmaan sa hari at kay Bishop Finnian. Libo-libo ang namatay sa magkabilang panig.
Dahil dito ay nakonsensiya nang sobra si Columba at nangakong magco-convert ng libo-libong tao para sa Kristiyanismo bilang kapalit ng mga namatay dahil lang sa kanyang pangongopya. Nagtungo siya at ang kanyang mga kasamang monk sa Scotland (na pagano pa noon). Nilisan ni Columba ang sariling bayang Ireland at siyang nagdala ng Kristiyanismo sa Scotland.
Ang naging desisyon ni High King Dermott ang kinikilalang pinaka-unang copyright ruling sa mundo. Sa usaping libro o akda, hindi na kailangan ng terminolohiyang matayog o argumentong paikot-ikot. Simple lang ang sagot. Huwag kang mangongopya nang walang pahintulot dahil bad ‘yon.
Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment