Copyright ang Utos ng Reyna
Para mahikayat ang paglawak ng kaalaman sa kanyang kaharian (kareynahan?) nag-utos si Reyna Anne ng England noong 1710 na ang mga author at publisher lamang ang may kapangyarihan na magparami ng sipi ng libro.
Ang pagpaparami ng sipi ng libro ang dahilan para mas marami ang makakabili at makakabasa ng akda ng isang tao. Ito naman ang magpapalago sa negosyo ng mga publisher at magbubunga ng karampatang royalty para sa mga author, na ang kabuhayan ay ang pagsusulat.
Bago maimbento ang printing press ni Johann Gutenberg sa Germany noong siglo 16, ang mga libro ay napaparami sa matrabahong paraan: ang sulat-kamay. Ang printing press ay isang anyo ng advanced technology at talaga namang napabilis nito ang pagpaparami ng sipi ng libro. Maraming publishers sa ibang bansa ang natuwa sa bagong teknolohiya. Pinagretiro na kahit di pa senior citizens ang mga calligrapher o mga eksperto sa sulat-kamay. Pinagpintura na lang sila ng mga pader ng palasyo. Sad. Ginamit na ng mga publisher ang printing press.
Sa England, dahil maganda ang kita sa paglilimbag ng libro, maraming tusong tao ang naglimbag ng mga libro nang basta-basta na lamang at walang pahintulot. Masasabing ito ang mga ninuno ng pirata. Nasapawan ng mga ninuno ng pirata ang mga lehitimong publisher. Nangaunti ang kita ng mga lehitimong publisher, na siya namang dahilan para mangaunti rin ang royalty para sa kanilang mga author.
Nagreklamo ang mga lehitimong publisher sa mga mambabatas. Aba’y siyempre! Nalulugi sila sa negosyo. Halos wala na silang maibayad na tax sa pamahalaan. Ka-ching! Maraming author ang nawalan ng kabuhayan. Wala na silang maipakain sa kanilang mga mahal sa buhay kundi blangkong papel sapagkat walang kitang pumapasok mula sa kanilang mga isinulat. Huminto na rin sila sa pagsusulat at naghanap ng panibagong hanapbuhay. Nangaunti ang mga bagong libro. Eventually, bumaba ang antas ng kaalaman. At take note, nakakabobo ang ganitong sitwasyon.
Samantalang naghihikahos ang mga lehitimong publisher at ang mga author, ang mga pirata naman ay namayagpag dahil hindi naman sila nagbabayad ng royalty sa author at lalong hindi sila nagbabayad ng tax sa gobyerno. Ilegal nga, e, di ba?
Dahil dito, nagpasa ng batas ang Parliament ng England para mabigyan ng proteksiyon ang mga lehitimong publisher at author. Ang batas ay ginawa noong panahon ni Reyna Anne kaya tinawag itong Statute of Anne. Statute at hindi statue.
Ang Statute of Anne ang naging pundasyon ng copyright law na siya namang pundasyon ng mga batas ng iba pang mga bansa at mga treaty. Malinaw na kinilala ng nasabing batas na ang author ng libro ay may karapatan sa kanyang akda katulad ng karapatan ng isang taong nagmamay-ari sa isang physical property, halimbawa ay lupa o alahas.
Ang copyright o karapatan na magparami ng sipi ay kapangyarihan ng author sa kanyang akda at kapangyarihang puwede niyang i-share sa publisher.
Ito ang utos ng Reyna. Walang kokontra.
Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment