Wednesday, May 11, 2011

Buhay na Titik: World Trade Organization at TRIPS Agreement

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


World Trade Organization at TRIPS Agreement


Huwag kang gagawa nang masama sa kapwa mo dahil hindi mo rin magugustuhan kung ikaw naman ang gagawan nang masama. Ito ay mas kilala bilang Golden Rule na itinuro ng mga banal tulad nina Buddha at Hesus.

Ang Golden Rule ay may bersiyon na siyang pundasyon ng mga international treaty. Ito ay kilala bilang National Treatment principle.

Ayon sa National Treatment principle, ang mga bansang pumirma sa international treaty ay handang magbigay-proteksiyon sa mga foreigner katulad ng proteksiyong ibinibigay nito sa sariling mamamayan. At dahil lahat ng bansang miyembro ng treaty ay sumusunod sa Golden Rule, masaya ang lahat ng mga mamamayan.

Ang World Trade Organization ay itinatag sa ganitong paniniwala noong 1995. Ang miyembro ng WTO ay hindi individuals kundi mga gobyernong nakikipagkalakalan sa isa’t isa.

Ang WTO ang pangunahing organisasyon na naglalatag ng rules pagdating sa global trade. Dahil may rules na gagabay sa lahat ng miyembro, nagiging maayos ang daloy ng kalakalan.

Kung meron mang problemang makaharap ang pamahalaan ng bawat bansa, puwedeng magreklamo ang mga ito sa WTO. Katulad lang sa barangay hall natin kung saan maayos na napapag-usapan ang problema na nabibigyan ng solusyon na tanggap ng lahat.

Ang pagtatayo ng WTO bilang hingahan ng hinaing ng mga bansa ay nagdudulot ng kapayapaan. Isa sa mga dahilan ng pagsiklab ng World War II ay ang di pagkakasundo sa pakikipagkalakalan ng mga bansa. Kanya-kanyang proteksiyon sa kanya-kanyang kalakal. At dahil walang constructive dialogue ay nauwi ang lahat sa gera.

Sa kasalukuyan, pinagtuunang pansin ng WTO ang intellectual property o IP bilang bagong source ng kayamanan ng mga bansa. Ang mga produkto at serbisyo mula sa IP ang siyang pangunahing laman ng international trade tulad ng gamot, software, computers, cellphones, libro, music, movies, at iba pa.

Dahil dito, nabuo ang Agreement on Trade Related Aspects of IP Rights. Mas kilala ito bilang TRIPS Agreement. Isa sa tinatalakay dito ay ang laganap na kalakalan ng pekeng goods. Ang mga pekeng produkto ay nakakapagpabagsak sa economy ng mga bansa at nakakadagdag sa kahirapan dahil ang local industries ay hindi lumalago. Pag walang local business, walang trabaho, walang kita.

Nasa TRIPS Agreement din ang copyright and related rights. Muling pinaalalahanan dito ang mga bansang kasapi at lumagda dito na bigyang-respeto at sapat na proteksiyon ang mga author at iba pang may-ari ng copyright.

Mahalagang mabigyan ng respeto ang lahat ng mga author. Dahil gusto nating respetuhin din ng mga foreigner ang gawa nating mga Pinoy sa abroad. Kabuhayan ng authors ang gumawa ng libro. Dapat silang mabigyan ng just payment para sa kanilang mga akda.

Isabuhay natin ang Golden Rule.

Igalang natin ang National Treatment.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

2 comments:

  1. ano mga bansang sakop nito???

    ReplyDelete
    Replies
    1. Paki-google niyo po "WTO Members" nasa 164 na bansa po ang kasapi. Kaya hindi na po binanggit isa isa dahil masyadong marami.

      Delete