Wednesday, May 18, 2011

Buhay na Titik: WIPO Internet Treaties

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


WIPO Internet Treaties


Tanong: Bakit nga ba nauso ang paggamit ng seat belt?



Sagot: Dahil sa isang batas na nagkabisa noong 1999.



Matapos ang mahabang debate ng mga mambabatas, ang Republic Act 8750 ay ipinasa, isinulat sa papel, inilimbag sa mga diyaryo, at binigyang-kapangyarihan ang mga pulis na ipatupad ang batas.



Dahil sa bagong teknolohiya, dumami ang mabibilis na sasakyan. Nilaparan din ang mga kalye. At nagsimulang lumipad ang mga sasakyan. Dumami ang naaksidente, naospital, at lumanding sa sementeryo.



Kailangan ng seat belt para sa proteksiyon ng publiko. Para sa hospital bed na lang abutin ang mga naaaksidente imbes na sa ataol.



Ganito rin ang background ng WIPO Internet Treaties. Ang WIPO o World Intellectual Property Organization ay isang specialized agency ng United Nations. Ang mga miyembro nito ay ang mga gobyerno ng iba’t ibang bansa. Layon ng WIPO na ma-develop ang IP bilang tagapagsulong ng economic development ng mga bansa.



Dati ay mabagal ang takbo ng lahat ng information dahil walang internet at walang personal computer. Dahil sa bagong teknolohiya, dumami ang mga personal computer. Lumapad ang information superhighway na kilala bilang Internet. Nagsimulang bumilis ang lipad ng information na matatagpuan sa mga libro, music, movie, at software. Dumami ang naluging authors at publishers dahil wala na silang kita mula sa kanilang produkto. Marami ang nagsara. Meron ding sa sementeryo ng bankrupt businesses na lang inabutan ng huling hininga.



Kailangan ng “seat belt” para sa proteksiyon ng copyright owners at ng publiko. Ito ay para ma-access ng publiko legally ang copyrighted works at kumita naman ang authors sa kanilang gawa. Balanced approach kumbaga.



Siya namang pasok ng WIPO Internet Treaties. Ito ay binubuo ng WIPO Copyright Treaty at ng WIPO Performances and Phonograms Treaty. Noong 2002 ipinatupad ito at inatasan ang mga bansang kasapi na bigyang-proteksiyon ang authors ngayong digital age.




Binigyang-focus uli ng dalawang treaties ang pagrespeto at pagbibigay-proteksiyon sa reproduction rights ng authors lalo na sa digital environment. Hindi porke't mabilis na ang transfer ng files sa internet ay mabilis na ring mababalewala at matatapakan ang karapatan ng authors.



Isa sa mahahalagang ipinagtibay ng Internet Treaties ay ang karapatan ng author na malagyan ng protection measures ang kanilang mga gawa. At ang “hacking” ay isang paglabag sa karapatan ng authors. Ang hacking ay puwersahang pagbubukas ng pinto para magamit ang copyrighted works tulad ng movies, music, at software nang walang karampatang bayad. Highway robbery, ika nga.



Dahil sa WIPO Internet Treaties maraming bansa ang nagpasa ng mga bagong batas para sa proteksiyon ng authors. Ginawang krimen ang hacking. Ipinauso ang respect for human rights ng authors sa loob ng Internet.



Tandaan: dapat mangibabaw ang respect for human rights ng authors nasa pisikal na mundo o digital world ka man.



Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment