Thursday, May 5, 2011

Buhay na Titik: Universal Copyright Convention

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS


Universal Copyright Convention


May na-encounter akong mga tao na hindi umaayon sa copyright dahil masyado umano itong mahigpit at nakapanig sa mga author.



Ang copyright ay isang uri ng proteksiyon na ibinibigay ng batas para sa mga author ng scientific, literary, at artistic works. Ang copyright ay isang bundle of rights at nahahati sa dalawang grupo ang mga karapatan na ito: moral rights at economic rights. Ang moral rights ay para mabigyan ng tamang respeto at pagkilala ang author bilang pinagmulan ng gawa o akda. At ang economic rights naman ay para kumita sila sa kanilang mga akda o likha at para ma-encourage pa ang pagdami ng mga bago at de kalidad na akda o likha.



Ang disagreements ukol sa copyright ay laganap hindi lamang ngayon kundi laganap din halos 50 taon na ang nakakalipas. May mga miyembro ng United Nations tulad ng Pilipinas at iba pang developing nations na hindi umaayon sa copyright protection na nakasaad sa Berne Convention.



Ayon sa mga hindi maka-Berne, ang copyright protection mula sa international document ay masyadong nakapanig sa mga bansang maunlad at kadalasang matatagpuan sa West. Ang mga bansang ito ang nangungunang publishers ng mga produktong may copyright tulad ng libro at nakakalat sa maraming market.



Dahil dito ay gumawa ng hakbang ang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO upang matipon at mapapayag ang mga bansa. Kaya noong 1952 ay nagkasundo ang mga bansa sa nabuong international document na tinawag na Universal Copyright Convention. Ito ay katuwang ng Berne Convention sa mga usapin ukol sa copyright. Pumirma dito ang Pilipinas noong 1955.



Nakasaad sa Article 1 na ang mga bansang pumirma ay pumapayag na “magbigay ng sapat at epektibong proteksiyon sa mga karapatan ng authors at iba pang may-ari ng copyright sa literary, scientific at artistic works kasama ang writings, musical, dramatic at gawang cinematographic o pelikula, mga painting, engraving, at sculpture.”



Kahit na may disagreement ay nagkasundo pa rin ang mga bansa dahil ang copyright ay mahalaga sa pagpapakita ng paggalang sa mga karapatan ng indibidwal at tumutulong sa paglilinang ng panitikan, mga agham at sining.



Hindi man tayo umaayon sa mahigpit na copyright, dapat na lang na umayon tayong respetuhin ang mga author dahil tao sila. Hindi naman maganda na one way lang ang respeto. Ikaw lang ang rerespetuhin pero ang iba ay puwedeng balewalain na lang at di bigyan ng katulad na pagrespeto.



Tumulong tayo sa paglago ng mga akda at gawa sa pamamagitan ng pagtangkilik sa librong isinulat ng mga Pinoy. Huwag nating tangkilikin ang pirated goods dahil hindi ito nakakatulong sa ating mga author. Sa madaling salita, payag akong hindi ka umaayon sa copyright pero tumulong ka sa paglago ng panitikan at kultura ng bansa.



Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment