Galit Ako sa Copyright! Kahit Hindi Ko Ito Naiintindihan.
Narinig ko ang mismong linyang ito mula sa bibig ng isang sikat na propesor: Galit ako sa copyright!
Idinagdag ko na lang ‘yong ikalawang linya sa pamagat ng column natin ngayong araw.
Bakit ko naman dinagdagan pa itong sinabi niya? Kasi naman, kung naiintindihan niya ang copyright ay dapat magpasalamat pa siya rito.
Ano ba ang copyright?
Ito ang proteksiyon na ibinibigay ng batas sa mga author ng literary, scientific, at artistic works. Ano ang mga halimbawa nito? Ang mga nobela, tula, at short story ay literary works. Ang mga librong isinulat para sa mga engineer, doctor, o nurse ay nasa hanay ng scientific works. Kasama naman sa artistic works ang paintings, illustrations, photographs, sculptures, visual arts, at designs.
Dalawa pang rights ang binibigyan ng proteksiyon sa ilalim ng copyright. Tama. Dalawang rights sa ilalim ng copyright.
Una, ang moral right. Ibig sabihin, hindi mo puwedeng kunin ang isang libro at burahin ang pangalan ng author at ilagay ang sarili mong pangalan. Violation ito ng moral right ng author.
Bakit? Dahil ang author lang ang may karapatang ilagay ang pangalan niya sa kanyang akda o gawa. Siya lang ang may kapangyarihang ilagay ang kahit anong pangalan o pen name na gusto niya sa kanyang akda o gawa.
Ikalawa, ang material right. Ibig sabihin, karapatan ng author na mag-benefit materially sa kanyang gawa. Kaya ang libro ay pinaparami ang kopya sa pamamagitan ng printing press para mas marami ang bumili nito. Kumikita dito ang author. At dahil binigyan niya ng kapangyarihan ang publisher (sa pamamagitan ng kontrata) ay kumikita rin ang publisher dito.
Bakit nila kailangang kumita? Hindi ba obvious na tao rin silang kailangan kumain, magbayad ng pamasahe, magbayad ng upa, magbayad ng tubig, magbayad ng kuryente, at magtaguyod ng pamilya?
Kabuhayan ito ng author. Kailangan nilang mabuhay mula rito. E, bakit dito pa? E, anong gusto mo? Mangholdap sila?
Ngayon, naiintindihan mo na ba ang copyright? Moral right at material right lang ‘yon. Dalawang M. Kapangalan ng isang masarap at matamis na tsokolate.
Balik tayo kay propesor.
Nagtanong ako sa kanya. E, Sir, ibig sabihin okey lang sa inyo na ang i-submit ng estudyante ninyo bilang fulfillment sa requirement ay ang inyong award-winning essay? Buburahin niya ang pangalan ninyo at ilalagay niya ang pangalan niya.
Sagot ni Sir: subukan niyang gawin iyon at hindi lang failing grade ang ibibigay ko sa kanya, ipapa-kick-out ko pa siya.
At bago ako umalis ay inalok ako ni Sir ng kanyang bagong libro. Mura lang naman daw. Below P200. Siyempre pa, bumili ako.
May karapatan nga ba itong propesor na ito na magalit sa copyright?
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment