Thursday, October 27, 2011

Buhay na Titik: Kung Gusto Mong Kumita, Gumastos Ka

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


Kung Gusto Mong Kumita, Gumastos Ka


Ano ang ginagawa ng biyenan mo kapag wala na siyang pera? Nagrereklamo? Nangungulit sa mga kapitbahay na nangutang na inabot na ng pagbagsak ng rehimen ni Ghadaffi e ayaw pa ring magsibayad?

Eto ang ginagawa ng kumpare ko para kumita: gumagastos siya!

Mukhang baligtad ang utak ng pare ko pero me tama siya. Halimbawa, kung gusto niyang kumita sa pagtitinda ng gulay, dapat ay bumili muna siya ng mga paninda.

Ang ganitong parang baligtad na pag-iisip ang dahilan kung bakit pinagtitiyagaan ng maraming magulang na mabigyan ng magandang edukasyon ang mga anak. Gumagastos sa tuition fee, sa mga gamit sa eskuwela tulad ng libro, at iba pa. Bakit? Kasi pagka-graduate ay mataas ang posibilidad na magkaroon ng trabahong may mataas na sahod ang kanilang mga anak.

Ganito rin ang dahilan kung bakit may marketing campaign ang mga nasa negosyo. Kahit magaling ang formula at mabango ang shampoo, hindi ito bibilhin ng mga me balakubak kung hindi muna gagastos sa advertising ang isang shampoo company.

Malaki ang gastos sa creative minds na nasa likod ng ads. Milyon ang ginagastos pambayad sa magaganda at guwapong artista (na kunwari ay biktima ng balakubak). Milyon din ang ginagastos sa mga espasyo at airtime sa radyo, TV, at diyaryo. Pero milyon-milyong piso rin naman ang balik nito dahil sa dami ng taong nakukumbinsi na bumili ng shampoo.

May tinatawag na marketing at advertising plan ang mga negosyo. Me budget ito. Ibig sabihin hindi puwedeng itaya ng kumpanya ang lahat ng pera nila sa marketing at advertising lang. Kasi baka ma-zero naman sila.

Ganito rin ang siste sa publishing. Kung gusto ng author na kumita ng maraming royalty ay dapat na marami ang bumili ng libro niya. Gusto rin siyempre ng publisher na kumita dahil kailangan nilang mabawi ang kanilang paunang gastos sa pagpapa-publish ng libro.

Ang publisher kasi ang nagbayad sa mga taong nagtrabaho para mabuo ang libro (bukod sa author). Ang publisher ang bumili ng papel at nagbayad sa printer. Ang perang ipinambayad naman sa printer ay ipinambayad din sa kuryente, sa renta sa opisina, sa suweldo ng mga empleyado, at iba pang gastusin.

May mga author na iniaaasa na lang ang marketing ng libro nila sa publisher. 'Yong iba, humihingi ng tulong sa Facebook friends, sa mga textmate, o sa mga officemate.

May mga author na all-out attack sa pagpo-promote ng libro. Lahat ng gimmick ay ginagawa, me interview dito, me talk doon, para mas marami ang bumili ng kanyang libro.

Unfortunately, may mga author naman na sa sobrang focus na ma-promote ang libro ay nakakalimutan na me regular jobs silang pinagkukunan ng regular na sahod (hindi na pumapasok sa trabaho at magpapalusot na nagtatrabaho pa rin naman. 

Pero siyempre palusot lang 'yon. Feeling nila, lusot na sila. Dapat kasi ay balanced ang diskarte.) Minsan tuloy, nakakalimutan na rin ng mga author na mas maganda ang kita kapag mas marami pa silang isinusulat. Napokus na lang kasi sila sa pagbebenta ng kanilang libro.

Kaya bihira ang mga nilalang na author na, publisher pa! Mahirap kasing ibalanse ang creative side at ang business side. Pero ang bottom line ay ganon pa rin: hindi tayo makakaani, kung hindi muna tayo magtatanim. Hindi tayo kikita kung hindi muna tayo gagastos.

Kaya sa susunod na magreklamo ang biyenan mo dahil wala siyang pera, sabihin mo, gumastos muna siya at bumili ng mga sangkap para makapagluto siya ng masarap ng turon. Para may kita, dapat siguruhin lang niyang magbabayad ang mga kapitbahay. In cold cash!

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment