International Day of Non-Violence
Ang isang simpleng kuwento ng manunulat ay maaaring magdulot ng malawak na epekto sa buhay ng maraming tao. Isang kuwento lang diyan, marami ang naiimpluwensiyahan.
Ang International Day of Non-Violence ay isang pandaigdigang pagdiriwang na idineklara ng United Nations noong 2007 para ipakalat ang ideals ng “culture of peace, tolerance, understanding, and non-violence.” Ang araw ng selebrasyon ay Oktubre 2 na siya ring birthday ni Mahatma Gandhi.
Ang mapayapang paraan ng pakikibaka ni Gandhi laban sa British Empire ang naging inspirasyon ng maraming aktibista tulad nina Martin Luther King Jr. at Nelson Mandela.
Namumutiktik ang history books tungkol sa husay ni Gandhi sa pangunguna sa mga pakikitunggaling hindi gumagamit ng karahasan. Ang ganitong uri ng pakikipagtunggali ang nagpabagsak ng British Empire sa India. Pero ang totoo, nagsimula ang lahat sa isang Indian classic story.
Bilang isang Hindu, nakapanood si Gandhi ng mga dula ukol sa kwento ni Harishchandra. Ayon sa kuwento ng dula, si Harishchandra ay tumutupad sa kanyang pangako at hindi nagsisinungaling. Naghirap siya at ang kanyang pamilya pero tiniis niya ito at sa huli ay biniyayaan siya ng mga diyos.
Malalim ang naging epekto nito sa isip at buhay ni Gandhi. Kaya kahit na nakapag-aral siya sa London at naging abogado pa nga ay pinili niyang mamuhay nang simple, matuwid, tapat, at matapang.
Kahit na hindi natin narinig o nakita si Gandhi nang face to face ay malaki ang epekto niya sa mga tao sa buong mundo dahil sa kanyang paraan ng pakikibaka: walang karahasan. At siyempre nalaman natin ito dahil sa mga librong isinulat ni Gandhi at ng iba pang tao tungkol sa buhay niya.
Kung susumahin, ang nagsulat ng kuwento tungkol kay Harishchandra ay isang manunulat na nakapaghubog sa murang isip at nakapagpayabong sa katauhan ni Gandhi. Ang mga aklat tungkol kay Gandhi ay siya namang nakakapaghubog ng mga isip ng mga makakabasa nito. At dahil ginawa nang pandaigdigang pagdiriwang ang non-violent ideals ni Gandhi, mas marami at mas malawak na ang epekto nito.
Kaya huwag nating maliitin ang mga kuwento. Lalo na 'yong mga kuwentong akala mo, pangbarbero, pambata, pangkalye, o pang-jologs lang. Puwedeng simple lang sa iyo pero sa iba ay puwedeng makapagpabago ng kanilang mundo.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment